-
1 Bakit Kailangang Manalangin?Ang Bantayan—2010 | Oktubre 1
-
-
Panalangin
1 Bakit Kailangang Manalangin?
PANALANGIN. Isa ito sa mga paksa sa Bibliya na pinakamadalas pag-usapan. Tingnan natin ang pitong karaniwang tanong tungkol sa panalangin at suriin natin ang sagot ng Bibliya. Ang mga artikulong ito ay dinisenyo para tulungan kang magsimulang manalangin o manalangin sa paraang diringgin ka ng Diyos.
SAANMAN sa mundo, sa bawat kultura at relihiyon, nananalangin ang mga tao. Ginagawa nila ito nang mag-isa o kaya’y bilang isang grupo. Nananalangin sila sa mga simbahan, templo, sinagoga, moske, o mga dambana. Maaaring gumagamit sila ng mga prayer rug, rosaryo, prayer wheel, larawan, aklat-dasalan, o mga panalanging nakasulat sa maliliit na tabla na isinasabit sa iba’t ibang lugar.
Dahil sa pananalangin, naiiba tayo sa lahat ng iba pang nilalang sa mundo. Totoo, marami tayong pagkakatulad sa mga hayop. Tulad ng mga ito, kailangan natin ng pagkain, hangin, at tubig. Tayo rin ay isinisilang, nabubuhay, at namamatay. (Eclesiastes 3:19) Pero ang mga tao lamang ang nananalangin. Bakit?
Marahil ang pinakasimpleng sagot ay dahil kailangan natin itong gawin. Para sa marami, ang panalangin ay isang paraan para makipag-ugnayan sa isa na itinuturing nilang banal at walang hanggan. Sinasabi ng Bibliya na nilalang tayo na may pagnanais sa gayong mga bagay. (Eclesiastes 3:11) Sinabi ni Jesu-Kristo: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”—Mateo 5:3.
“Espirituwal na pangangailangan”—ano pa nga ba ang dahilan kung bakit ang mga tao ay gumagawa ng mga imahen at bahay-panalanginan at nananalangin nang mahaba? Sabihin pa, ang ilan ay umaasa sa sarili o sa kanilang kapuwa para sapatan ang kanilang espirituwal na pangangailangan. Pero nadarama mo bang limitado lang ang tulong na maibibigay ng tao? Napakahina natin, maikli ang buhay, at hindi malawak ang pananaw. Isang di-hamak na mas matalino, mas makapangyarihan, at mas mahaba ang buhay kaysa sa atin ang tanging makapagbibigay ng kailangan natin. Pero ano nga ba ang espirituwal na mga pangangailangang nag-uudyok sa atin na manalangin?
Pag-isipan ito: Minsan ba’y naghahanap ka ng patnubay, karunungan, o sagot sa mga tanong na waring hindi kayang ibigay ng tao? Nadama mo na rin bang kailangan mo ng kaaliwan nang mamatayan ka, ng patnubay nang mapaharap ka sa isang mahirap na pagpapasiya, o ng kapatawaran nang usigin ka ng iyong budhi?
Ayon sa Bibliya, ang lahat ng iyan ay makatuwirang dahilan para manalangin. Ang Bibliya ang pinakamaaasahang aklat hinggil sa paksang ito, at naglalaman ito ng maraming panalangin ng tapat na mga lalaki’t babae. Nanalangin sila para sa kaaliwan, patnubay, kapatawaran, at sagot sa pinakamahihirap na tanong.—Awit 23:3; 71:21; Daniel 9:4, 5, 19; Habakuk 1:3.
Bagaman magkakaiba ang mga panalanging iyon, magkakatulad sila sa isang bagay. Taglay ng mga nanalangin ang isang napakahalagang susi sa mabisang panalangin, na kadalasang wala o ipinagwawalang-bahala sa daigdig ngayon. Alam nila kung kanino dapat manalangin.
-
-
2 Kanino Dapat Manalangin?Ang Bantayan—2010 | Oktubre 1
-
-
Panalangin
2 Kanino Dapat Manalangin?
IISA lamang ba ang pinatutunguhan ng lahat ng panalangin, sinuman ang tawagin ng mga tao? Iyan ang iniisip ng marami sa ngayon. Sang-ayon dito ang mga sumusuporta sa interfaith na gustong maging katanggap-tanggap ang lahat ng relihiyon. Pero posible kayang nagkakamali sila?
Itinuturo ng Bibliya na maraming panalangin ang hindi nakararating sa Diyos. Nang panahong isinusulat ang Bibliya, karaniwan sa mga tao na manalangin sa mga inukit na imahen. Pero paulit-ulit na nagbabala ang Diyos sa bagay na ito. Halimbawa, sinasabi ng Awit 115:4-6 tungkol sa mga idolo: “May mga tainga sila, ngunit hindi sila makarinig.” Maliwanag, bakit ka mananalangin sa diyos na hindi naman makaririnig sa iyo?
Malinaw itong ipinakikita sa isang ulat sa Bibliya. Hinamon ng tunay na propetang si Elias ang mga propeta ni Baal na manalangin sa kanilang diyos at siya naman ay mananalangin sa kaniyang Diyos. Sinabi ni Elias na ang makasasagot sa panalangin ang siyang tunay na Diyos. Tinanggap ng mga propeta ni Baal ang hamon at nanalangin sila nang mahaba at madamdamin, nang may paghiyaw pa nga—pero walang nangyari! Sinasabi ng ulat: “Walang sinumang sumasagot, at walang nagbibigay-pansin.” (1 Hari 18:29) Ano naman ang nangyari nang manalangin si Elias?
Sumagot agad ang kaniyang Diyos, at nagpadala ng apoy mula sa langit at tinupok ang kaniyang handog. Bakit sinagot ang kaniyang panalangin? Makikita ang sagot sa mismong panalangin ni Elias na nakaulat sa 1 Hari 18:36, 37. Napakaikling panalangin nito—mga 30 salita lamang sa orihinal na wikang Hebreo. Pero tatlong beses na tinawag ni Elias ang Diyos sa kaniyang personal na pangalan—Jehova.
Si Baal, nangangahulugang “may-ari” o “panginoon,” ang diyos ng mga Canaanita. May mga diyos sa iba’t ibang lugar na tinatawag ding Baal. Pero ang pangalang Jehova ay natatangi—tumutukoy lamang ito sa iisang Persona sa buong sansinukob. Sinabi niya sa kaniyang bayan: “Ako ay si Jehova. Iyan ang pangalan ko; at sa kaninuman ay hindi ko ibibigay ang aking kaluwalhatian.”—Isaias 42:8.
Kaya iisa lamang ba ang pinatunguhan ng panalangin ni Elias at ng mga propeta ni Baal? Dahil sa pagsamba kay Baal, nawawalang-dangal ang mga tao yamang mayroon itong ritwal ng prostitusyon at paghahandog ng tao. Sa kabaligtaran, napararangalan ng pagsamba kay Jehova ang kaniyang bayan, ang Israel, dahil pinalalaya sila nito mula sa nakapagpaparuming mga gawain. Pag-isipan ito: Kung susulat ka sa isang iginagalang na kaibigan, ipapangalan mo ba ito sa ibang tao na ang pangalan at reputasyon ay ibang-iba sa iyong kaibigan? Siyempre hindi!
Kapag nananalangin ka kay Jehova, nananalangin ka sa Maylalang, ang Ama ng sangkatauhan.a Sinabi ni propeta Isaias sa kaniyang panalangin: “Ikaw, O Jehova, ang aming Ama.” (Isaias 63:16) Kaya siya ang Isa na tinutukoy ni Jesu-Kristo nang sabihin niya sa kaniyang mga tagasunod: “Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama at sa aking Diyos at inyong Diyos.” (Juan 20:17) Si Jehova ang Ama ni Jesus. Siya ang Diyos na nilapitan ni Jesus sa panalangin at ang itinuro niya sa kaniyang mga tagasunod na dapat tawagin kapag nananalangin.—Mateo 6:9.
Tinuturuan ba tayo ng Bibliya na manalangin kay Jesus, kay Maria, sa mga santo, o sa mga anghel? Hindi—kay Jehova lamang. Bakit? Una, ang panalangin ay isang anyo ng pagsamba, at sinasabi ng Bibliya na si Jehova lamang ang dapat sambahin. (Exodo 20:5) Ikalawa, sinasabi ng Bibliya na siya ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Bagaman si Jehova ay nagbibigay ng mga pananagutan sa iba, hindi niya kailanman ipinasa sa kaninuman ang pananagutang ito. Siya ang Diyos na nangangakong siya mismo ang makikinig sa ating mga panalangin.
Kaya kung gusto mong dinggin ng Diyos ang iyong mga panalangin, tandaan ang payo ng Bibliya: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” (Gawa 2:21) Pero dinirinig ba ng Diyos ang lahat ng panalangin? O mayroon pa tayong dapat malaman kung gusto nating dinggin tayo ni Jehova?
[Talababa]
a Ayon sa ilang relihiyosong paniniwala, hindi raw dapat bigkasin ang personal na pangalan ng Diyos, kahit sa panalangin. Pero ang pangalang iyan ay lumilitaw nang mga 7,000 ulit sa orihinal na mga wika ng Bibliya, at sa maraming pagkakataon ay sa mga panalangin at awit ng tapat na mga lingkod ni Jehova.
[Larawan sa pahina 5]
Pinatunayan ng hamon ni Elias sa mga propeta ni Baal na hindi lahat ng panalangin ay may iisang pinatutunguhan
-
-
3 Paano Dapat Manalangin?Ang Bantayan—2010 | Oktubre 1
-
-
Panalangin
3 Paano Dapat Manalangin?
MARAMING relihiyon ang nagtutuon ng pansin sa pisikal na aspekto ng panalangin, gaya ng posisyon, pananalita, at ritwal. Gayunman, tinutulungan tayo ng Bibliya na magpokus sa mas mahalagang aspekto ng tanong na, “Paano dapat manalangin?”
Ipinakikita ng Bibliya na ang mga tapat na lingkod ng Diyos ay nanalangin sa iba’t ibang lugar at posisyon. Nanalangin sila nang tahimik o malakas depende sa kalagayan. Ang ilan ay nakatingala sa langit, ang iba ay nakayuko. Sa halip na gumamit ng mga imahen, rosaryo, o aklat-dasalan bilang pantulong sa pananalangin, nanalangin sila sa kanilang sariling pananalita mula sa puso. Bakit dininig ng Diyos ang kanilang mga panalangin?
Gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, nanalangin sila sa iisang Diyos lamang—kay Jehova. Pero may isa pang mahalagang salik. Mababasa natin sa 1 Juan 5:14: “Ito ang pagtitiwala na taglay natin sa kaniya, na, anumang bagay ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay pinakikinggan niya.” Kailangang ayon sa kalooban ng Diyos ang ating mga panalangin. Ano ang ibig sabihin nito?
Para maging kaayon ng kalooban ng Diyos ang ating panalangin, kailangan nating malaman ang kaniyang kalooban. Kaya mahalaga ang pag-aaral ng Bibliya. Ibig bang sabihin nito na hindi tayo diringgin ng Diyos kung hindi tayo mga iskolar sa Bibliya? Hindi naman, pero inaasahan ng Diyos na aalamin natin ang kaniyang kalooban, uunawain ito, at gagawin ito. (Mateo 7:21-23) Dapat tayong manalangin kaayon ng ating natututuhan.
Habang natututo tayo tungkol kay Jehova at sa kaniyang kalooban, lalo tayong nagkakaroon ng pananampalataya—isa pang mahalagang salik sa pananalangin. Sinabi ni Jesus: “Lahat ng mga bagay na hihingin ninyo sa panalangin, taglay ang pananampalataya, ay tatanggapin ninyo.” (Mateo 21:22) Hindi ibig sabihin na dahil sa nananampalataya ka ay basta-basta ka na lamang naniniwala. Ang pananampalataya ay paniniwala sa isang bagay, na bagaman hindi nakikita ay suportado ng napakatibay na ebidensiya. (Hebreo 11:1) Ang Bibliya ay punung-puno ng ebidensiya na si Jehova, na hindi natin nakikita, ay tunay, maaasahan, at gustong sumagot sa mga panalangin ng mga may pananampalataya sa kaniya. Isa pa, lagi tayong makahihingi sa kaniya ng higit na pananampalataya, at gustung-gusto ni Jehova na ibigay ang kailangan natin.—Lucas 17:5; Santiago 1:17.
Narito ang isa pang mahalagang salik sa pananalangin. Sinabi ni Jesus: “Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6) Kaya si Jesus ang daan para makalapit tayo sa Ama, kay Jehova. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na manalangin sa pangalan niya. (Juan 14:13; 15:16) Hindi iyan nangangahulugan na dapat tayong manalangin kay Jesus. Sa halip, dapat tayong manalangin sa pangalan ni Jesus, na inaalaalang siya ang dahilan kung bakit tayo nakalalapit sa ating sakdal at banal na Ama.
Minsan, hiniling ng malalapít na tagasunod ni Jesus: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin.” (Lucas 11:1) Hindi nila tinutukoy ang mga bagay na natalakay natin. Sa halip, sa diwa ay sinasabi nila, ‘Ano ang dapat naming ipanalangin?’
[Blurb sa pahina 6]
Diringgin ng Diyos ang panalangin kung kaayon ito ng kaniyang kalooban, binigkas nang may pananampalataya, at ipinarating sa pangalan ni Jesus
-
-
4 Ano ang Dapat Ipanalangin?Ang Bantayan—2010 | Oktubre 1
-
-
Panalangin
4 Ano ang Dapat Ipanalangin?
ANG modelong panalangin ni Jesus—tinatawag ding Panalangin ng Panginoon o Ama Namin—ay sinasabing ang pinakamadalas bigkasin sa lahat ng panalanging Kristiyano. Totoo man ito o hindi, marami ang hindi nakauunawa sa panalanging ito. Milyun-milyon ang paulit-ulit na bumibigkas nito araw-araw. Pero hindi iyan ang gusto ni Jesus na mangyari. Paano natin nalaman?
Bago bigkasin ang panalanging iyon, sinabi ni Jesus: “Kapag nananalangin, huwag ninyong sabihin ang gayunding mga bagay nang paulit-ulit.” (Mateo 6:7) Kokontrahin kaya ni Jesus ang sarili niya sa pamamagitan ng paghaharap ng panalanging kakabisaduhin at uulit-ulitin? Tiyak na hindi! Sa halip, itinuturo sa atin ni Jesus kung ano ang dapat ipanalangin at ang dapat maging pangunahin sa ating panalangin. Suriin natin ang kaniyang modelong panalangin na nakaulat sa Mateo 6:9-13.
“Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.”
Ipinaalaala rito ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na sa tuwing mananalangin sila, dapat nilang tawagin ang kaniyang Ama, si Jehova. Pero alam mo ba kung bakit napakahalaga ng pangalan ng Diyos at kung bakit kailangan itong pakabanalin?
Sa pasimula ng kasaysayan ng tao, ang banal na pangalan ng Diyos ay nadungisan ng mga kasinungalingan. Tinawag ni Satanas ang Diyos na Jehova na isang sinungaling at makasariling Tagapamahala na walang karapatang mamuno sa Kaniyang mga nilalang. (Genesis 3:1-6) Marami ang pumanig sa kaaway na ito ng Diyos. Itinuturo nila na walang Maylalang, o kung mayroon man, siya ay walang malasakit, malupit, at mapaghiganti. Binalingan naman ng iba ang mismong pangalan ng Diyos—inalis nila ang pangalang Jehova sa mga salin ng Bibliya at ipinagbawal ang paggamit nito.
Sinasabi ng Bibliya na itutuwid ng Diyos ang lahat ng kawalang-katarungang ito. (Ezekiel 39:7) Sa gayon, masasapatan din niya ang lahat ng iyong pangangailangan at malulunasan ang lahat ng iyong problema. Paano? Makikita ang sagot sa sumunod na sinabi ni Jesus sa kaniyang panalangin.
“Dumating nawa ang iyong kaharian.”
Hindi alam ng maraming guro ng relihiyon sa ngayon kung ano ang Kaharian ng Diyos. Pero gaya ng alam ng mga tagapakinig ni Jesus, matagal nang inihula ng mga propeta ng Diyos na ang Mesiyas, ang Tagapagligtas na pinili ng Diyos, ay mamamahala sa isang Kaharian na babago sa daigdig. (Isaias 9:6, 7; Daniel 2:44) Pababanalin nito ang pangalan ng Diyos sa pamamagitan ng paglalantad sa mga kasinungalingan ni Satanas at paglipol kay Satanas at sa lahat ng kaniyang mga gawa. Wawakasan ng Kaharian ng Diyos ang digmaan, sakit, gutom—maging ang kamatayan. (Awit 46:9; 72:12-16; Isaias 25:8; 33:24) Kapag ipinananalangin mo ang pagdating ng Kaharian ng Diyos, hinihiling mong magkatotoo ang lahat ng pangakong iyon.
“Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”
Ipinahihiwatig ng pananalita ni Jesus na tiyak na magaganap ang kalooban ng Diyos sa lupa gaya sa langit, kung saan tumatahan ang Diyos. Walang nakahahadlang sa kalooban ng Diyos sa langit; doon, ang Anak ng Diyos ay nakipagdigma kay Satanas at sa kaniyang mga kampon, at inihagis sila sa lupa. (Apocalipsis 12:9-12) Tinutulungan tayo ng ikatlong kahilingang ito, gaya ng naunang dalawa, na ituon ang ating pansin sa mga bagay na mas mahalaga—hindi ang ating kalooban, kundi ang sa Diyos. Ang kalooban niya ang laging nagdudulot ng kabutihan sa lahat ng nilalang. Kaya sinabi ng sakdal na taong si Jesus sa kaniyang Ama: “Maganap nawa, hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo.”—Lucas 22:42.
“Ibigay mo sa amin ngayon ang aming tinapay.”
Ipinakikita rito ni Jesus na maaari din nating ipanalangin ang ating personal at pang-araw-araw na mga pangangailangan. Hindi masamang ipanalangin sa Diyos ang mga ito. Sa katunayan, ipinaaalaala nito sa atin na si Jehova ang isa na “nagbibigay sa lahat ng buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay.” (Gawa 17:25) Sinasabi ng Bibliya na siya ay isang maibiging ama na natutuwang ibigay sa kaniyang mga anak ang kailangan nila. Pero gaya ng isang mabuting magulang, hindi niya ibibigay ang mga hinihingi ng mga anak na makasasamâ sa kanila.
“Patawarin mo kami sa aming mga pagkakautang.”
Talaga bang may pagkakautang ka sa Diyos? Kailangan mo ba ang kaniyang kapatawaran? Marami ngayon ang hindi na nakauunawa kung ano ang kasalanan at kung gaano ito kabigat. Pero itinuturo ng Bibliya na ang kasalanan ang ugat ng pinakamatitindi nating problema, yamang ito ang dahilan kung bakit namamatay ang mga tao. Lahat tayo ay madalas magkasala, at ang tanging pag-asa natin na magkaroon ng walang-hanggang kinabukasan ay nakasalalay sa kapatawaran ng Diyos. (Roma 3:23; 5:12; 6:23) Mabuti na lamang at sinasabi ng Bibliya: “Ikaw, O Jehova, ay mabuti at handang magpatawad.”—Awit 86:5.
“Iligtas mo kami mula sa isa na balakyot.”
Alam mo ba kung bakit kailangang-kailangan mo ang proteksiyon ng Diyos ngayon? Marami ang ayaw maniwalang umiiral si Satanas, ang “isa na balakyot.” Pero itinuro ni Jesus na totoo si Satanas. Tinawag pa nga niya ito na “tagapamahala ng sanlibutang ito.” (Juan 12:31; 16:11) Pinasamâ ni Satanas ang daigdig na ito na kontrolado niya, at gusto rin niyang pasamain ka para hindi ka magkaroon ng malapít na kaugnayan sa iyong Amang si Jehova. (1 Pedro 5:8) Gayunman, di-hamak na mas malakas si Jehova kaysa kay Satanas at gusto Niyang protektahan ang mga umiibig sa Kaniya.
Hindi lamang ang mga natalakay nating punto sa panalangin ni Jesus ang puwede nating ipanalangin. Tandaan ang sinasabi ng 1 Juan 5:14 tungkol sa Diyos: “Anumang bagay ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay pinakikinggan niya.” Kaya huwag isiping napakaliit ng iyong problema para ipakipag-usap ito sa Diyos.—1 Pedro 5:7.
Pero baka maitanong mo, ‘Mahalaga rin ba kung saan at kailan tayo nananalangin?’
-
-
5 Saan at Kailan Dapat Manalangin?Ang Bantayan—2010 | Oktubre 1
-
-
Panalangin
5 Saan at Kailan Dapat Manalangin?
SIGURADONG napapansin mo na karamihan sa mga relihiyon ay may magagarbong bahay-panalanginan at may mga takdang oras kung kailan mananalangin. Itinatakda ba ng Bibliya kung saan at kailan dapat manalangin?
Sinasabi ng Bibliya na may angkop na mga pagkakataon para dito. Halimbawa, bago kumain kasama ng kaniyang mga tagasunod, nanalangin si Jesus sa Diyos para magpasalamat. (Lucas 22:17) At nang magtipon ang kaniyang mga alagad para sa pagsamba, nanalangin silang magkakasama. Ipinagpatuloy nila ang isang kaugalian na matagal nang ginagawa sa mga sinagogang Judio at sa templo sa Jerusalem. Nilayon ng Diyos na ang templo ay maging “bahay-panalanginan para sa lahat ng mga bansa.”—Marcos 11:17.
Kapag ang mga lingkod ng Diyos ay nagtitipon at nananalanging sama-sama, maaaring dinggin ang kanilang mga kahilingan. Kapag nagkakaisa ang kanilang kaisipan at ang kanilang panalangin ay kaayon ng mga simulain sa Kasulatan, natutuwa ang Diyos. Baka maudyukan pa nga siyang gawin ang hindi niya sana gagawin. (Hebreo 13:18, 19) Regular na nananalangin ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga pagpupulong. Malugod kang inaanyayahan sa Kingdom Hall na malapit sa inyo para mapakinggan ang gayong mga panalangin.
Gayunman, hindi itinatakda ng Bibliya kung kailan o saan dapat manalangin. Mababasa natin sa Bibliya na ang mga lingkod ng Diyos ay nanalangin sa iba’t ibang oras at lugar. Sinabi ni Jesus: “Kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong pribadong silid at, pagkasara ng iyong pinto, manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim; sa gayon ang iyong Ama na tumitingin sa lihim ang gaganti sa iyo.”—Mateo 6:6.
Kaakit-akit na paanyaya, hindi ba? Talagang makalalapit ka sa Soberano ng sansinukob anumang oras nang siya lamang ang makaririnig. Makatitiyak kang pakikinggan ka niya. Hindi nga kataka-takang madalas bumukod si Jesus para manalangin! Minsan, magdamag siyang nanalangin sa Diyos para humingi ng patnubay sa isang napakahalagang desisyon.—Lucas 6:12, 13.
Ang iba pang lalaki’t babae sa Bibliya ay nanalangin nang mapaharap sila sa mabibigat na desisyon o mga problemang nakasisira ng loob. Kung minsan ay nananalangin sila nang malakas, minsan naman ay mahina; nananalangin sila kapag kasama ng grupo at kapag nag-iisa. Ang mahalaga, nananalangin sila. Sa katunayan, inaanyayahan ng Diyos ang kaniyang mga lingkod: “Manalangin kayo nang walang lubay.” (1 Tesalonica 5:17) Walang-sawa niyang pinakikinggan ang mga gumagawa ng kaniyang kalooban. Hindi ba patunay iyan ng pag-ibig ni Jehova?
Sabihin pa, sa daigdig natin sa ngayon, marami ang nag-aalinlangan kung mahalaga pa nga bang manalangin. Baka maisip mo, ‘Talaga bang makatutulong ito sa akin?’
[Blurb sa pahina 9]
Makapananalangin tayo, kahit saan, kahit kailan
-
-
6 Nakatutulong ba ang Panalangin?Ang Bantayan—2010 | Oktubre 1
-
-
Panalangin
6 Nakatutulong ba ang Panalangin?
IPINAKIKITA ng Bibliya na talagang nakatulong sa tapat na mga lingkod ng Diyos ang panalangin. (Lucas 22:40; Santiago 5:13) Sa katunayan, malaking tulong ang pananalangin sa ating espirituwalidad, emosyon, at maging sa kalusugan. Paano?
Halimbawa, mayroon kang anak na tumanggap ng isang regalo. Sasabihin mo ba sa kaniyang sapat nang makadama siya ng pagpapahalaga? O tuturuan mo siyang ipahayag ang kaniyang pasasalamat? Kapag sinasabi natin ang ating nadarama, nabibigyan natin ito ng pansin at lalo itong sumisidhi. Hindi ba’t totoo rin ito sa pakikipag-usap sa Diyos? Tingnan natin ang ilang halimbawa.
Panalangin ng pasasalamat. Kapag pinasasalamatan natin ang ating Ama sa mabubuting bagay na nangyayari sa atin, nabibigyang-pansin natin ang ating mga pagpapala. Dahil dito, tayo ay nagiging mas mapagpahalaga, mas maligaya, at mas positibo.—Filipos 4:6.
Halimbawa: Nagpasalamat si Jesus dahil dininig ng kaniyang Ama ang mga panalangin niya.—Juan 11:41.
Panalangin para sa kapatawaran. Kapag humihingi tayo ng tawad sa Diyos, nagiging mas sensitibo ang ating budhi, mas nakadarama tayo ng pagsisisi, at lalo nating nababatid ang pagiging seryoso ng kasalanan. Nakasusumpong din tayo ng kaginhawahan mula sa pagkabagabag ng budhi.
Halimbawa: Nanalangin si David para ipahayag ang kaniyang pagsisisi at kalungkutan.—Awit 51.
Panalangin para sa patnubay at karunungan. Kapag hinihiling natin kay Jehova na patnubayan tayo o pagkalooban ng karunungan na kailangan natin upang makagawa ng matalinong pagpapasiya, natutulungan tayo nito na maging tunay na mapagpakumbaba. Naipaaalaala nito sa atin ang mga limitasyon natin at natutulungan tayong magtiwala sa ating Ama sa langit.—Kawikaan 3:5, 6.
Halimbawa: Mapagpakumbabang humingi si Solomon ng patnubay at karunungan para pamahalaan ang Israel.—1 Hari 3:5-12.
Panalangin ng napipighati. Kung ibubuhos natin sa Diyos ang laman ng ating puso kapag hirap na hirap ang ating kalooban, magiginhawahan tayo at aasa tayo kay Jehova sa halip na sa ating sarili.—Awit 62:8.
Halimbawa: Nanalangin si Haring Asa nang mapaharap siya sa isang mapanganib na kaaway.—2 Cronica 14:11.
Panalangin para sa mga nangangailangan. Ang gayong mga panalangin ay tumutulong sa atin na hindi maging makasarili kundi maging higit na maawain at madamayin.
Halimbawa: Ipinanalangin ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod.—Juan 17:9-17.
Panalangin ng papuri. Kapag pinupuri natin si Jehova sa kaniyang kamangha-manghang mga gawa at katangian, sumisidhi ang ating paggalang at pagpapahalaga sa kaniya. Makatutulong din ito sa atin na maging mas malapít sa ating Diyos at Ama.
Halimbawa: Taimtim na pinuri ni David ang Diyos dahil sa kaniyang mga nilalang.—Awit 8.
Ang isa pang pagpapalang dulot ng pananalangin ay “ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” (Filipos 4:7) Ang pagiging kalmado sa maligalig na daigdig na ito ay isa ngang pambihirang pagpapala. Nakabubuti pa ito sa kalusugan. (Kawikaan 14:30) Pero matatamasa lamang ba natin ito dahil sa sariling sikap? O mayroon pang mas mahalagang bagay na nasasangkot?
[Blurb sa pahina 10]
Malaking tulong ang pananalangin—sa kalusugan, sa emosyon, at higit sa lahat, sa espirituwalidad
-
-
7 Dinirinig ba ng Diyos ang Ating mga Panalangin?Ang Bantayan—2010 | Oktubre 1
-
-
Panalangin
7 Dinirinig ba ng Diyos ang Ating mga Panalangin?
GUSTONG malaman ng mga tao ang sagot sa tanong na iyan. Sinasabi ng Bibliya na talagang dinirinig ni Jehova ang mga panalangin sa ngayon. Pero nakasalalay nang malaki sa atin kung diringgin niya tayo o hindi.
Noong panahon ni Jesus, tinuligsa niya ang mga lider ng relihiyon na mapagpaimbabaw na nananalangin; gusto lamang nilang magmukhang matuwid sa mga tao. Sinabi niyang matatanggap nila nang “lubos ang kanilang gantimpala.” (Mateo 6:5) Ibig sabihin, matatanggap nila kung ano ang gusto nila, ang atensiyon ng mga tao. Pero hindi nila matatanggap ang kailangan nila, ang atensiyon ng Diyos. Sa ngayon, marami rin ang nananalangin ayon sa kanilang sariling kalooban, hindi ayon sa kalooban ng Diyos. Dahil binabale-wala nila ang mga simulain sa Bibliya na tinalakay natin, hindi sila pinakikinggan ng Diyos.
Kumusta ka naman? Diringgin ba ng Diyos ang iyong mga panalangin? Ang sagot ay hindi nakadepende sa iyong lahi, nasyonalidad, o katayuan sa buhay. Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Ganiyan ka ba? Kung may takot ka sa Diyos, lubos mo siyang igagalang at matatakot kang hindi siya mapalugdan. Kung gumagawa ka ng katuwiran, gagawin mo ang sinasabi ng Diyos na tama sa halip na sundin ang iyong sariling kalooban o ang sa iyong kapuwa. Talaga bang gusto mong pakinggan ng Diyos ang iyong mga panalangin? Matutulungan ka ng Bibliya sa bagay na ito.a
Siyempre pa, gusto ng marami na sagutin ng Diyos ang kanilang mga panalangin sa pamamagitan ng isang himala. Pero kahit noong panahon ng Bibliya, bihirang magsagawa ng himala ang Diyos. Kung minsan, daan-daang taon ang lumilipas bago masundan ang isang nakaulat na himala. Isa pa, ipinakikita ng Bibliya na natapos na ang panahon ng mga himala pagkamatay ng mga apostol. (1 Corinto 13:8-10) Nangangahulugan ba ito na hindi na sinasagot ng Diyos ang mga panalangin sa ngayon? Hinding-hindi! Tingnan natin ang ilang panalanging sinasagot ng Diyos.
Ang Diyos ay nagbibigay ng karunungan. Si Jehova ang Pinagmumulan ng lahat ng tunay na karunungan. Sagana niya itong ibinibigay sa mga nagnanais ng kaniyang patnubay at namumuhay ayon dito.—Santiago 1:5.
Ang Diyos ay nagbibigay ng kaniyang banal na espiritu pati na ng lahat ng mga pakinabang nito. Ang banal na espiritu ay aktibong puwersa ng Diyos. Ito ang pinakamalakas na puwersa. Matutulungan tayo nitong makayanan ang mga pagsubok. Mabibigyan tayo nito ng kapayapaan kapag tayo ay may mga problema. Matutulungan tayo nitong malinang ang iba pang magagandang katangian. (Galacia 5:22, 23) Tiniyak ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na ang Diyos ay saganang nagbibigay ng regalong ito.—Lucas 11:13.
Ang Diyos ay nagbibigay ng kaalaman sa masikap na humahanap sa kaniya. (Gawa 17:26, 27) Sa buong daigdig, may mga taong taimtim na naghahanap ng katotohanan. Gusto nilang malaman ang mga bagay hinggil sa Diyos—kung ano ang kaniyang pangalan, ang kaniyang layunin para sa lupa at sa tao, at kung paano sila magiging malapít sa kaniya. (Santiago 4:8) Madalas makasumpong ang mga Saksi ni Jehova ng ganiyang mga tao at natutuwa silang ibahagi sa mga ito ang sagot ng Bibliya sa mga tanong na iyan.
Iyan ba ang dahilan kung bakit tinanggap mo ang magasing ito? Hinahanap mo ba ang Diyos? Baka ito na ang sagot niya sa panalangin mo.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon kung paano mananalangin sa paraang diringgin ng Diyos, tingnan ang kabanata 17 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
-