-
Lahat ba ng “Kristiyano” ay Kristiyano?Ang Bantayan—2012 | Marso 1
-
-
Lahat ba ng “Kristiyano” ay Kristiyano?
GAANO ba karami ang mga Kristiyano? Ayon sa Atlas of Global Christianity, noong 2010, mayroon nang halos 2.3 bilyong Kristiyano sa buong daigdig. Pero sinasabi rin ng publikasyong iyan na ang mga Kristiyanong iyon ay kabilang sa mahigit 41,000 denominasyon—na may kani-kaniyang mga doktrina at tuntunin sa paggawi. Dahil sa napakaraming iba’t ibang relihiyong “Kristiyano,” natural lang na ang ilan ay malito o madismaya pa nga. Baka maitanong nila, ‘Ang lahat ba ng nagsasabing sila’y Kristiyano ay talaga ngang Kristiyano?’
Tingnan natin ito sa ibang anggulo. Ang isang nangingibang-bansa ay karaniwan nang hinihilingan ng immigration officer na sabihin kung ano ang nasyonalidad niya. Kailangan niyang patunayan ito gamit ang ilang pagkakakilanlan, gaya ng passport. Sa katulad na paraan, hindi sapat na basta sabihin lang ng isang tunay na Kristiyano na naniniwala siya kay Kristo. Kailangan niyang magpakita ng karagdagang pagkakakilanlan. Ano iyon?
Ang salitang “Kristiyano” ay unang ginamit makalipas ang 44 C.E. Sinabi ng istoryador ng Bibliya na si Lucas: “Sa Antioquia unang tinawag na mga Kristiyano ang mga alagad sa pamamagitan ng patnubay mula sa Diyos.” (Gawa 11:26) Pansinin na ang tinawag na mga Kristiyano ay mga alagad ni Kristo. Paano ba nagiging alagad ni Jesu-Kristo ang isang tao? Ganito ang sinabi ng The New International Dictionary of New Testament Theology: “Ang pagsunod kay Jesus bilang alagad ay nangangahulugan ng lubusang paghahandog ng buong buhay [ng isa].” Kung gayon, ang isang tunay na Kristiyano ay yaong lubusang sumusunod sa mga turo at tagubilin ni Jesus, ang Tagapagtatag ng Kristiyanismo.
Sa ngayon, mayroon bang gayong uri ng mga tao sa gitna ng mga nagsasabing sila’y Kristiyano? Ano ang sinabi mismo ni Jesus na pagkakakilanlan ng kaniyang tunay na mga tagasunod? Hinihimok ka naming alamin ang sagot ng Bibliya sa mga tanong na ito. Sa susunod na mga artikulo, iisa-isahin natin ang limang sinabi ni Jesus na pagkakakilanlan ng kaniyang mga tunay na tagasunod. Tatalakayin natin kung ano ang ginawa ng unang-siglong mga Kristiyano. At sisikapin nating malaman kung sino sa ngayon ang nagpapamalas ng mga pagkakakilanlang ito.
-
-
“Nananatili sa Aking Salita”Ang Bantayan—2012 | Marso 1
-
-
“Nananatili sa Aking Salita”
“Kung kayo ay nananatili sa aking salita, kayo ay tunay ngang mga alagad ko, at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”—JUAN 8:31, 32.
Ang Kahulugan Nito: Ang “salita” ni Jesus ay ang kaniyang mga turo, na galing sa nakatataas na pinagmulan. “Ang Ama na nagsugo sa akin ang mismong nagbigay sa akin ng utos kung ano ang sasabihin at kung ano ang sasalitain,” ang sabi ni Jesus. (Juan 12:49) Nang manalangin si Jesus sa kaniyang Ama sa langit, ang Diyos na Jehova, sinabi niya: “Ang iyong salita ay katotohanan.” Madalas niyang sipiin ang Salita ng Diyos para suportahan ang kaniyang mga turo. (Juan 17:17; Mateo 4:4, 7, 10) Kung gayon, ang mga tunay na Kristiyano ay ‘nananatili sa kaniyang salita’—samakatuwid, tinatanggap nila ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, bilang “katotohanan” at pinakaawtoridad ng kanilang mga paniniwala at gawain.
Ang Ginawa ng Unang mga Kristiyano: Ang Kristiyanong manunulat ng Bibliya na may pinakamaraming isinulat na bahagi nito, si apostol Pablo, ay may malaki ring paggalang sa Salita ng Diyos gaya ni Jesus. Isinulat niya: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang.” (2 Timoteo 3:16) Ang mga lalaking inatasang magturo sa mga kapuwa nila Kristiyano ay dapat na “nanghahawakang mahigpit sa tiyak at mapagkakatiwalaang Salita ng Diyos.” (Tito 1:7, 9, The Amplified Bible) Ang mga unang Kristiyano ay pinayuhang tanggihan ang “pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi ayon kay Kristo.”—Colosas 2:8.
Sino sa Ngayon ang Nagpapamalas ng Pagkakakilanlang Ito? Ang Dogmatic Constitution on Divine Revelation ng Vatican, na pinagtibay noong 1965 at sinipi sa Catechism of the Catholic Church, ay nagsabi: “Hindi lang sa Sagradong Kasulatan kumukuha ang Simbahan[g Katoliko] ng kaniyang katiyakan tungkol sa lahat ng isinisiwalat. Kaya kapuwa ang sagradong tradisyon at ang Sagradong Kasulatan ay dapat na tanggapin at igalang nang may katapatan at pagpipitagan.” Sinipi ng isang artikulo sa magasing Maclean’s ang sinabi ng isang pastor sa Toronto, Canada: “Bakit tayo makikinig sa isang . . . tinig na dalawang milenyo na ang nakalilipas? Mayroon tayong magagandang ideya, na laging humihina dahil iniuugnay ang mga ito kay Jesus at sa Kasulatan.”
May kinalaman sa mga Saksi ni Jehova, sinabi ng New Catholic Encyclopedia: “Itinuturing nila ang Bibliya bilang ang tanging pinagmumulan ng kanilang paniniwala at alituntunin ng paggawi.” Kamakailan sa Canada, pinigil ng isang lalaki ang isang Saksi ni Jehova habang nagpapakilala ito. “Kilala na kita,” ang sabi niya, habang nakaturo sa Bibliya nito, “dahil sa palatandaan n’yo.”
-
-
‘Hindi Bahagi ng Sanlibutan’Ang Bantayan—2012 | Marso 1
-
-
‘Hindi Bahagi ng Sanlibutan’
“Ang sanlibutan ay napoot sa kanila, sapagkat hindi sila bahagi ng sanlibutan.”—JUAN 17:14.
Ang Kahulugan Nito: Dahil hindi bahagi ng sanlibutan, si Jesus ay neutral sa mga alitan noon sa lipunan at pulitika. “Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito,” ang sabi niya, “lumaban sana ang mga tagapaglingkod ko upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Ngunit, ang totoo, ang kaharian ko ay hindi nagmumula rito.” (Juan 18:36) Hinimok din niya ang kaniyang mga tagasunod na iwasan ang mga saloobin, pagsasalita, at pagkilos na hinahatulan ng Salita ng Diyos.—Mateo 20:25-27.
Ang Ginawa ng Unang mga Kristiyano: Ayon sa manunulat tungkol sa relihiyon na si Jonathan Dymond, ang unang mga Kristiyano ay “tumangging makilahok sa [digmaan]; anuman ang maging resulta, ito man ay pagdusta, o pagkabilanggo, o kamatayan.” Mas minabuti pa nilang magdusa kaysa sa ikompromiso ang kanilang neutral na paninindigan. Ibang-iba rin ang kanilang pamantayang moral. Sinabi sa mga Kristiyano: “Sa dahilang hindi kayo patuloy na tumatakbong kasama nila sa landasing ito sa gayunding pusali ng kabuktutan, sila ay nagtataka at patuloy na nagsasalita nang may pang-aabuso tungkol sa inyo.” (1 Pedro 4:4) Isinulat naman ng istoryador na si Will Durant na ang mga Kristiyano ay “nakaliligalig sa mahilig-sa-kalayawang paganong sanlibutan . . . dahil sa kanilang pagiging relihiyoso at disente.”
Sino sa Ngayon ang Nagpapamalas ng Pagkakakilanlang Ito? Tungkol sa pagiging neutral ng mga Kristiyano, sinabi ng New Catholic Encyclopedia: “Ang pagtangging humawak ng sandata ay labag sa moral.” Ayon sa isang artikulo sa Reformierte Presse, pinatunayan ng isang report ng African Rights, isang organisasyon sa karapatang pantao, na may partisipasyon nga ang lahat ng relihiyon sa pag-uubusan ng lahi sa Rwanda noong 1994, “maliban sa mga Saksi ni Jehova.”
Habang tinatalakay ang tungkol sa Nazi Holocaust, isang titser sa high school ang malungkot na nagsabing “walang grupo o organisasyon ng karaniwang mga mamamayan ang nagsalita laban sa mga kasinungalingan, kalupitan, at kabuktutan.” Matapos kumonsulta sa United States Holocaust Memorial Museum, isinulat niya: “Alam ko na ngayon ang sagot.” Nalaman niyang ang mga Saksi ni Jehova ay nanindigan para sa kanilang mga paniniwala sa kabila ng malupit na pagtrato sa kanila.
Kumusta naman ang kanilang moralidad? “Ang karamihan sa mga adultong Katoliko sa ngayon ay tutol sa mga turo ng simbahan tungkol sa mga isyung gaya ng pagsasama [at] pagtatalik bago ang kasal,” ang sabi ng magasing U.S. Catholic. Sinipi nito ang isang diyakono na nagsabi: “Napakalaking porsiyento—sa palagay ko’y mahigit 50 porsiyento—ang nagsasama na bago pa man ikasal.” Sinasabi ng The New Encyclopædia Britannica na ang mga Saksi ni Jehova ay “mahigpit na sumusunod sa isang mataas na pamantayang moral sa personal na paggawi.”
-
-
“May Pag-ibig sa Isa’t Isa”Ang Bantayan—2012 | Marso 1
-
-
“May Pag-ibig sa Isa’t Isa”
“Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo ay ibigin din ninyo ang isa’t isa. Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”—JUAN 13:34, 35.
Ang Kahulugan Nito: Sinabi ni Kristo sa kaniyang mga tagasunod na ibigin nila ang isa’t isa gaya ng kung paano niya sila inibig. Paano ba sila inibig ni Jesus? Ang kaniyang pag-ibig ay walang pinipiling lahi at kasarian bagaman hindi ito ang kaugalian noong panahon niya. (Juan 4:7-10) Dahil sa pag-ibig, isinakripisyo ni Jesus ang kaniyang panahon, lakas, at personal na kaalwanan para tumulong sa iba. (Marcos 6:30-34) Nang dakong huli, ipinakita ni Kristo ang pinakadakilang pag-ibig. “Ako ang mabuting pastol,” ang sabi niya. “Ibinibigay ng mabuting pastol ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa mga tupa.”—Juan 10:11.
Ang Ginawa ng Unang mga Kristiyano: Noong unang siglo, “kapatid” ang tawag ng mga Kristiyano sa isa’t isa. (Filemon 1, 2) Ang mga tao mula sa lahat ng bansa ay tinatanggap sa kongregasyong Kristiyano dahil naniniwala silang “walang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, sapagkat may iisang Panginoon sa lahat.” (Roma 10:11, 12) Matapos ang Pentecostes 33 C.E., “ipinagbili [ng mga alagad na nasa Jerusalem] ang kanilang mga pag-aari at mga tinatangkilik at ipinamahagi sa lahat ang pinagbilhan, ayon sa pangangailangan ng sinuman.” Bakit? Para ang mga bagong nabautismuhan ay makapanatili sa Jerusalem at makapagpatuloy sa ‘pag-uukol ng kanilang sarili sa turo ng mga apostol.’ (Gawa 2:41-45) Ano ang nag-udyok sa kanila na gawin iyon? Halos 200 taon pagkamatay ng mga apostol, sinipi ni Tertullian ang sinabi ng iba tungkol sa mga Kristiyano: ‘Nagmamahalan sila at handang mamatay alang-alang sa isa’t isa.’
Sino sa Ngayon ang Nagpapamalas ng Pagkakakilanlang Ito? Sinabi ng aklat na The History of the Decline and Fall of the Roman Empire (1837) na sa nakalipas na mga siglo, ang mga nagsasabing sila’y mga Kristiyano ay “nagdulot ng mas matinding pagdurusa sa isa’t isa kaysa sa naranasan nila mula sa mga hindi naniniwala sa Diyos [mga walang relihiyon].” Natuklasan ng isang kamakailang pag-aaral sa Estados Unidos na ang mga relihiyosong tao—na karamihan ay nagsasabing sila’y Kristiyano—ay nagtatangi rin ng lahi. Ang mga aktibong miyembro ng isang relihiyon sa isang lupain ay karaniwan nang walang pakialam sa kanilang mga karelihiyon sa ibang lupain kung kaya hindi nila natutulungan o tinutulungan ang kanilang mga kapananampalataya sa panahon ng pangangailangan.
Noong 2004, pagkatapos salantain ng apat na magkakasunod na bagyo ang Florida sa loob lang ng dalawang buwan, tiniyak ng chairman ng Emergency Operations Committee sa Florida na maayos na naipamamahagi ang kanilang mga suplay. Sinabi niyang ang mga Saksi ni Jehova ang pinakaorganisado sa lahat ng grupo, at nangakong ibibigay niya ang anumang suplay na kailangan ng mga Saksi. Noong 1997, isang relief team ng mga Saksi ni Jehova ang pumunta sa Democratic Republic of Congo para dalhan ng mga gamot, pagkain, at damit ang kanilang mga kapatid na Kristiyano, pati na ang iba. Ang mga Saksi naman sa Europa ay nag-abuloy ng mga suplay na nagkakahalaga ng isang milyong dolyar (U.S.).
-
-
‘Ipinakilala Ko ang Iyong Pangalan’Ang Bantayan—2012 | Marso 1
-
-
‘Ipinakilala Ko ang Iyong Pangalan’
“Inihayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. . . . Ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan at ipakikilala ito.”—JUAN 17:6, 26.
Ang Kahulugan Nito: Ipinakilala ni Jesus ang pangalan ng Diyos sa pamamagitan ng paggamit nito sa kaniyang ministeryo. Kapag binabasa ni Jesus ang Kasulatan, na madalas niyang gawin, binibigkas niya ang personal na pangalan ng Diyos. (Lucas 4:16-21) Tinuruan niya ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Ama, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.”—Lucas 11:2.
Ang Ginawa ng Unang mga Kristiyano: Sinabi ni apostol Pedro sa matatandang lalaki sa Jerusalem na ang Diyos ay kumuha mula sa mga bansa ng “isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” (Gawa 15:14) Ipinangaral ng mga apostol at ng iba pa na “ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” (Gawa 2:21; Roma 10:13) Ginamit din nila ang pangalan ng Diyos sa kanilang mga isinulat. Ang The Tosefta, isang koleksiyon ng mga kautusang Judio na nakumpleto noong mga 300 C.E., ay nagsasabi tungkol sa pagsunog ng mga mananalansang sa mga akdang Kristiyano: “Ang mga aklat ng mga Ebanghelista at ang mga aklat ng minim [sinasabing mga Judiong Kristiyano] ay hindi nila iniligtas sa apoy. Sa halip, hinayaan lamang nilang masunog ang mga ito . . . pati na ang Pangalan ng Diyos na nasusulat dito.”
Sino sa Ngayon ang Nagpapamalas ng Pagkakakilanlang Ito? Ang Revised Standard Version ng Bibliya, na awtorisado ng National Council of the Churches of Christ sa Estados Unidos, ay nagsasabi sa paunang salita nito: “Ang paggamit ng anumang pangalang pantangi para sa iisa at tanging Diyos, na waring may iba pang mga diyos na mula sa mga ito’y kailangang maitangi ang tunay na Diyos, ay sinimulang ihinto sa Judaismo bago pa ang panahong Kristiyano at hindi . . . angkop sa pangkalahatang pananampalataya ng Simbahang Kristiyano.” Kaya pinalitan nito ang pangalan ng Diyos ng titulong “PANGINOON.” Nitong kamakailan, iniutos ng Vatican sa mga obispo nito: “Sa mga awit at panalangin, ang pangalan ng Diyos sa anyong tetragrammaton na YHWHa ay hindi dapat gamitin o banggitin.”
Sino sa ngayon ang gumagamit at nagpapakilala sa personal na pangalan ng Diyos? Noong tin-edyer pa lang si Sergey na taga-Kyrgyzstan, napanood niya ang isang pelikula na nagsabing Jehova ang pangalan ng Diyos. Sa loob ng mga sampung taon, hindi na niya narinig ulit ang pangalan ng Diyos. Nang lumipat si Sergey sa Estados Unidos, dalawang Saksi ni Jehova ang dumalaw sa kaniyang bahay at ipinakita sa kaniya ang pangalan ng Diyos mula sa Bibliya. Tuwang-tuwa si Sergey na matagpuan ang isang grupong gumagamit ng pangalang Jehova. Kapansin-pansin, ganito ang kahulugang ibinigay ng Webster’s Third New International Dictionary para sa “Jehovah God”: “Isang kataas-taasang bathala na kinikilala at ang tanging bathalang sinasamba ng mga Saksi ni Jehova.”
[Talababa]
a Sa wikang Tagalog, ang pangalan ng Diyos ay karaniwang tinutumbasan ng transliterasyong “Jehova.”
-
-
“Ang Mabuting Balitang Ito ng Kaharian ay Ipangangaral”Ang Bantayan—2012 | Marso 1
-
-
“Ang Mabuting Balitang Ito ng Kaharian ay Ipangangaral”
“Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—MATEO 24:14.
Ang Kahulugan Nito: Ang manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas ay nagsabi na “naglakbay [si Jesus] sa bawat lunsod at sa bawat nayon, na ipinangangaral at ipinahahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos.” (Lucas 8:1) Sinabi mismo ni Jesus: “Dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa dahilang ito ako isinugo.” (Lucas 4:43) Isinugo niya ang kaniyang mga alagad para ipangaral ang mabuting balita sa mga bayan at nayon, at pagkaraan ay inutusan sila: “Kayo ay magiging mga saksi ko . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”—Gawa 1:8; Lucas 10:1.
Ang Ginawa ng Unang mga Kristiyano: Sumunod agad kay Jesus ang kaniyang mga alagad. “Bawat araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang humpay sa pagtuturo at pagpapahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo.” (Gawa 5:42) Ang lahat ng miyembro ng kongregasyon ay nangaral. Napansin ng istoryador na si Neander na “[ginawang] katatawanan ni Celsus, unang manunulat laban sa Kristiyanismo, ang katotohanan na ang mga manggagawa ng lana, sapatero, mangungulti, pinakamangmang at pinakakaraniwan sa sangkatauhan ay masisigasig na mángangarál ng ebanghelyo.” Sa kaniyang aklat na The Early Centuries of the Church, isinulat ni Jean Bernardi: “[Ang mga Kristiyano] ay kailangang lumabas at magpahayag sa lahat ng dako at sa bawat isa. Sa mga haywey at sa mga lunsod, sa mga liwasang-bayan at sa mga tahanan. Tanggapin man sila o hindi. . . . Hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.”
Sino sa Ngayon ang Nagpapamalas ng Pagkakakilanlang Ito? “Ang pagkabigo ng simbahan na mangaral at magturo ay isang dahilan kung bakit walang interes sa ngayon ang mga tao na maglingkod sa Diyos,” ang isinulat ng paring Anglikano na si David Watson. Sa kaniyang aklat na Why Are the Catholics Leaving?, si José Luis Pérez Guadalupe ay sumulat tungkol sa mga gawain ng mga Evangelical, Adventist, at iba pa, at nagsabing “hindi sila nagbabahay-bahay.” Tungkol naman sa mga Saksi ni Jehova, isinulat niya: “Sistematiko silang nagbabahay-bahay.”
Isang kapansin-pansin at makatotohanang obserbasyon ni Jonathan Turley ang mababasa sa Cato Supreme Court Review, 2001-2002: “Kapag nababanggit ang mga Saksi ni Jehova, naiisip agad ng marami ang mga mángangarál na dumadalaw sa ating mga bahay nang wala sa oras. Para sa mga Saksi ni Jehova, ang pangungumberte sa bahay-bahay ay hindi lang basta para maisulong ang kanilang pananampalataya, kundi napakahalaga mismo sa kanilang pananampalataya.”
[Kahon sa pahina 9]
Kanino Mo Nakikita ang mga Pagkakakilanlan?
Batay sa maka-Kasulatang mga palatandaang tinalakay sa seryeng ito, sino sa ngayon, sa palagay mo, ang nagtataglay ng mga pagkakakilanlan ng tunay na Kristiyano? Bagaman libu-libong grupo at denominasyon ang nagsasabing sila’y Kristiyano, tandaan ang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Hindi ang bawat nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang isa na gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.” (Mateo 7:21) Kung makikilala mo ang mga gumagawa ng kalooban ng Ama—anupat nagtataglay ng mga pagkakakilanlan ng tunay na Kristiyano—at makikisama ka sa kanila, matatamasa mo ang walang-hanggang mga pagpapala sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Inaanyayahan ka naming makipag-usap sa mga Saksi ni Jehova, na nagdala sa iyo ng magasing ito, para sa higit pang impormasyon tungkol sa Kaharian ng Diyos at sa mga pagpapalang idudulot nito.—Lucas 4:43.
-