Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Eden—Ito ba ang Orihinal na Tahanan ng Tao?
    Ang Bantayan—2011 | Enero 1
    • Eden​—Ito ba ang Orihinal na Tahanan ng Tao?

      ISIPIN mong ikaw ay nasa isang hardin. Walang mga pang-abala, walang ingay ng magulong buhay sa lunsod. Payapa at napakalawak ng harding ito. Walang mga problema, sakit, alerdyi, o kirot. Damang-dama mo ang kapaligiran.

      Tuwang-tuwa ka sa nakikita mong matitingkad na kulay ng mga bulaklak, sa kislap ng batis, at sa luntiang mga halaman at damo sa liwanag ng araw at sa lilim. Nadarama mo ang banayad na dampi ng hangin at nalalanghap ang mabangong simoy nito. Naririnig mo ang pagaspas ng mga dahon, ang lagaslas ng tubig sa mga bato, ang huni ng mga ibon, at ang ingay ng mga insekto. Hindi ka ba nananabik na tumira sa gayong lugar?

      Sa buong daigdig, marami ang naniniwala na gayon nga ang orihinal na tahanan ng tao. Sa loob ng mga dantaon, ang mga miyembro ng Judaismo, Sangkakristiyanuhan, at Islam ay tinuruan tungkol sa hardin ng Eden, kung saan pinatira ng Diyos sina Adan at Eva. Ayon sa Bibliya, namuhay sila rito nang maligaya at payapa. Hindi sila sinasaktan ng mga hayop, at may mabuti silang kaugnayan sa Diyos, na may-kabaitang nagbigay sa kanila ng pag-asang mabuhay magpakailanman sa magandang harding iyon.​—Genesis 2:15-24.

      May sariling paniniwala rin ang mga Hindu tungkol sa isang paraiso noong unang panahon. Naniniwala ang mga Budista na ang dakilang espirituwal na mga lider, o mga Buddha, ay maaaring lumitaw sa mga ginintuang panahon kung kailan ang daigdig ay gaya ng isang paraiso. At maraming relihiyon sa Aprika ang nagtuturo ng mga kuwentong kahawig ng ulat tungkol kina Adan at Eva.

      Sa katunayan, ang ideya tungkol sa sinaunang paraiso ay laganap sa maraming relihiyon at tradisyon. Sinabi ng isang awtor: “Maraming sibilisasyon ang naniniwala sa sinaunang paraiso kung saan may kasakdalan, kalayaan, kapayapaan, kaligayahan, kasaganaan, at walang panggigipit, tensiyon, at alitan. . . . Dahil sa paniniwalang ito, inaasam-asam ng lipunan sa pangkalahatan na maibalik ang isang nawala ngunit di-nalimutang paraiso.”

      Maaari kayang isa lamang ang pinagmulan ng lahat ng kuwento at tradisyong iyon? Mayroon kayang mapananaligang batayan ang “inaasam-asam ng lipunan sa pangkalahatan”? Talaga bang may hardin ng Eden noon? Totoo ba sina Adan at Eva?

      Marami ang nag-aalinlangan sa ulat tungkol sa hardin ng Eden. Ngayong masulong na ang siyensiya, iniisip nila na alamat lamang ito. At ang nakagugulat pa, hindi lahat ng lider ng relihiyon ay naniniwala sa hardin ng Eden. Sinasabi nila na walang gayong lugar at na ito ay isa lamang metapora, alamat, pabula, o talinghaga.

      Totoo, ang Bibliya ay may binabanggit na mga talinghaga. Kay Jesus mismo nagmula ang pinakakilala sa mga ito. Pero iniulat ng Bibliya ang tungkol sa Eden hindi bilang talinghaga kundi bilang kasaysayan​—simple at pawang katotohanan. Kung ang pangyayari sa Eden ay hindi kailanman naganap, paano mapagkakatiwalaan ang iba pang bahagi ng Bibliya? Suriin natin kung bakit ang ilan ay nag-aalinlangan tungkol sa hardin ng Eden at alamin natin kung makatuwiran ang kanilang mga dahilan. Pagkatapos, susuriin natin kung ano ang kahalagahan ng ulat na ito sa bawat isa sa atin.

  • Talaga Bang May Hardin ng Eden?
    Ang Bantayan—2011 | Enero 1
    • Talaga Bang May Hardin ng Eden?

      ALAM mo ba ang kuwento tungkol kina Adan at Eva at sa hardin ng Eden? Alam ito ng mga tao sa buong daigdig. Bakit hindi mo basahin ang ulat na ito sa Genesis 1:26–3:24? Ganito iyon:

      Inanyuan ng Diyos na Jehovaa ang tao mula sa alabok, pinanganlan itong Adan, at inilagay sa isang hardin sa lugar na tinatawag na Eden. Ang Diyos mismo ang gumawa ng harding ito. Saganang tubig ang dumadaloy rito at maraming magaganda at namumungang punungkahoy. Nasa gitna nito “ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” Ipinagbawal ng Diyos sa tao ang pagkain ng bunga ng punungkahoy na ito. Sinabi niyang ang pagsuway ay mangangahulugan ng kamatayan. Nang maglaon, gumawa si Jehova ng isang kasama para kay Adan​—ang babaing si Eva​—na inanyuan mula sa isa sa mga tadyang ni Adan. Inutusan sila ng Diyos na pangalagaan ang hardin, magpakarami, at punuin ang lupa.

      Nang nag-iisa si Eva, kinausap siya ng isang serpiyente, o ahas. Tinukso siya nito na kainin ang ipinagbabawal na bunga at pinalabas na nagsisinungaling sa kaniya ang Diyos at na may ipinagkakait na mabuti sa kaniya. Kung kakain daw siya nito, magiging gaya siya ng Diyos. Natukso si Eva at kinain ang bunga. Nang maglaon, nakisama sa kaniya si Adan sa pagsuway sa Diyos. Hinatulan ni Jehova si Adan, si Eva, at ang ahas. Matapos palayasin ang mga tao sa paraisong hardin, may mga anghel na humarang sa pasukan.

      Noon, naniniwala ang karamihan sa mga iskolar, intelektuwal, at istoryador na talagang naganap ang mga pangyayaring nakaulat sa aklat ng Bibliya na Genesis. Pero ngayon, mas marami na ang nag-aalinlangan. Bakit ba pinag-aalinlanganan ang ulat ng Genesis tungkol kina Adan at Eva at sa hardin ng Eden? Suriin natin ang apat na karaniwang kinukuwestiyon ng mga kritiko.

      1. Totoong lugar ba ang hardin ng Eden?

      Bakit ba ito pinagdududahan? Marahil, dahil sa pilosopiya. Sa loob ng mga dantaon, ipinalalagay ng mga teologo na ang hardin ng Diyos ay umiiral pa. Pero ang simbahan ay naimpluwensiyahan ng mga pilosopong Griego na gaya nina Plato at Aristotle, na nagsabing walang anumang bagay sa lupa ang sakdal, o perpekto. Sa langit lamang makasusumpong ng kasakdalan. Kaya inisip ng mga teologo na ang orihinal na Paraiso ay malapit sa langit.b Sabi ng ilan, ang hardin ay nasa tuktok ng isang bundok na napakataas anupat hindi naapektuhan ng magulong planetang ito; sabi ng iba, ito raw ay nasa North Pole o South Pole; sabi naman ng iba pa, ito raw ay nasa buwan o malapit dito. Hindi kataka-taka, ang Eden ay nagmistulang isang pantasya. Iginigiit naman ng ilang iskolar ngayon na walang saysay na pag-usapan pa ang lokasyon ng Eden, yamang hindi ito talaga umiral.

      Pero hindi ganiyan ang pagkakalarawan ng Bibliya sa hardin. Sa Genesis 2:8-14, malalaman natin ang ilang detalye tungkol sa lugar na iyon. Ito ay nasa silangan ng lugar na tinatawag na Eden. Natutubigan ito ng isang ilog na nagsanga sa apat na ilog. Pinanganlan ang mga ito at binanggit kung saan umaagos. Dahil sa mga detalyeng ito, nagpursigi ang mga iskolar na saliksikin pa ang bahaging ito ng Bibliya para matunton ang aktuwal na lokasyon ng hardin ng Eden. Pero iba-iba ang naging opinyon nila. Ibig bang sabihin, hindi totoo o alamat lamang ang paglalarawan tungkol sa Eden, sa hardin nito, at sa mga ilog nito?

      Isaalang-alang ito: Ang mga pangyayari sa hardin ng Eden ay naganap mga 6,000 taon na ang nakalipas. Si Moises ang sumulat nito, marahil batay sa mga ikinuwento sa kaniya o sa makukuhang mga dokumento noon. Isa pa, isinulat niya ito mga 2,500 taon pagkatapos nitong mangyari. Sa paglipas ng libu-libong taon, posible kayang nagbago ang mga palatandaan nito, gaya ng mga ilog? Ang topograpiya ng lupa ay laging nagbabago. Ang rehiyon na malamang na kinaroonan ng Eden ay madalas tamaan ng lindol. Sa katunayan, dito naganap ang mga 17 porsiyento ng pinakamalalakas na lindol sa daigdig. Sa gayong mga lugar, normal lang ang pagbabago. Bukod pa riyan, maaaring binago ng Baha noong panahon ni Noe ang topograpiya ng lupa sa maraming paraan na hindi natin alam ngayon.c

      Gayunman, narito ang ilang katotohanang alam natin: Tinutukoy sa ulat ng Genesis ang hardin bilang isang totoong lugar. Dalawa sa apat na ilog na binanggit sa ulat​—ang Eufrates at ang Tigris, o Hidekel​—ay umiiral pa at ang ilang pinagmumulan ng mga ito ay malapit sa isa’t isa. Binabanggit pa nga ng ulat ang pangalan ng mga lupaing dinadaluyan ng ilog at ang likas na yaman ng mga lupaing iyon. Sa mga Israelita noon, na siyang unang bumasa ng ulat na ito, ang mga detalyeng ito ay kapaki-pakinabang.

      Ganiyan ba ang mga alamat o fairy tale? Sa ganitong mga kuwento, hindi binabanggit ang mga detalye na maaaring magpatunay kung ito ay totoo o hindi. “Noong unang panahon sa isang malayong lupain”​—ganiyan nagsisimula ang isang alamat. Pero iniuulat ng kasaysayan ang mahahalagang detalye, gaya ng ulat tungkol sa Eden.

      2. Kapani-paniwala bang inanyuan ng Diyos si Adan mula sa alabok at si Eva mula sa isa sa mga tadyang ni Adan?

      Pinatunayan ng makabagong siyensiya na ang katawan ng tao ay binubuo ng iba’t ibang elemento​—gaya ng hidroheno, oksiheno, at karbon​—lahat ay masusumpungan sa lupa. Pero paano naging isang nabubuhay na nilalang ang mga elementong iyon?

      Ayon sa teoriya ng maraming siyentipiko, ang buhay ay basta na lamang lumitaw nang walang sinumang lumikha. Mula sa napakasimpleng anyo, unti-unti itong naging masalimuot sa paglipas ng milyun-milyong taon. Pero ang salitang “simple” ay maaaring makalito, sapagkat ang lahat ng nabubuhay na bagay​—kahit ang pagkaliit-liit na isang-selulang organismo​—ay lubhang masalimuot. Walang ebidensiya na ang anumang uri ng buhay ay bigla na lamang lumitaw. Sa halip, ang lahat ng nabubuhay na bagay ay nagpapatunay na may isang napakatalinong Disenyador.d​—Roma 1:20.

      Kapag nakikinig ka sa napakagandang musika ng isang orkestra o humahanga sa isang makulay na painting o sa isang pambihirang imbensiyon, iniisip mo bang walang gumawa ng mga ito? Siyempre hindi! Ngunit ang mga obramaestrang iyon ay walang-sinabi sa kagandahan, pagkamalikhain, o pagiging masalimuot ng pagkakadisenyo sa katawan ng tao. Kaya paano natin masasabing walang Maylalang? Isa pa, ipinaliliwanag ng ulat ng Genesis na sa lahat ng buhay sa lupa, ang tao lamang ang ginawa ayon sa larawan ng Diyos. (Genesis 1:26) Kaya mga tao lamang ang nakagagawa ng imbensiyon o nakabubuo ng kahanga-hangang likhang-sining at musika dahil minana nila ang kakayahang ito sa Diyos. Dapat ba tayong magtaka na makalilikha ang Diyos nang mas mahusay kaysa sa atin?

      Kung tungkol naman sa paglalang sa babae mula sa isang tadyang ng lalaki, mahirap ba iyon para sa Diyos?e Maaaring gumamit ang Diyos ng ibang paraan, pero ang paglalang niya sa babae ay may malalim na kahulugan. Gusto niyang ang lalaki at babae ay maging mag-asawa at mabuklod na parang “isang laman.” (Genesis 2:24) Hindi ba isang matibay na ebidensiya ng isang matalino at maibiging Maylalang ang pagiging kapupunan sa isa’t isa ng lalaki’t babae, anupat nakabubuo sila ng isang matibay at masayang buklod?

      Isa pa, kinikilala ng mga eksperto sa henetika ngayon na ang lahat ng tao ay posibleng nagmula sa isang lalaki at babae lamang. Kaya malayo bang mangyari ang ulat ng Genesis?

      3. Parang alamat ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama at ang punungkahoy ng buhay.

      Ang totoo, hindi itinuturo ng ulat ng Genesis na ang mga punungkahoy na ito ay mahiwaga o may anumang pambihirang kapangyarihan. Sa halip, ang mga ito ay karaniwang mga punungkahoy na binigyan ni Jehova ng makasagisag na kahulugan.

      Hindi ba kung minsan, ginagawa rin iyan ng mga tao? Halimbawa, maaaring sabihin ng isa, ‘Hindi mo na iginalang ang pamamahay ko.’ Hindi naman talaga ang mismong bahay ang winalang-galang kundi ang karapatan ng may-ari sa sarili niyang pamamahay. Ginagamit din ng iba’t ibang monarka ang setro at korona bilang sagisag ng kanilang awtoridad.

      Kaya ano ang isinasagisag ng dalawang punungkahoy? Maraming masalimuot na teoriya ang lumitaw. Ang tunay na sagot, bagaman simple, ay malalim. Ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay kumakatawan sa karapatan na nauukol lamang sa Diyos​—ang magtakda ng kung ano ang mabuti at masama. (Jeremias 10:23) Kaya isang krimen ang magnakaw mula sa punungkahoy na iyon! Ang punungkahoy ng buhay naman ay kumakatawan sa isang kaloob na Diyos lamang ang makapagbibigay​—ang buhay na walang hanggan.​—Roma 6:23.

      4. Parang isang karakter lamang sa pabula ang ahas na nagsasalita.

      Sabihin pa, ang bahaging ito ng ulat ng Genesis ay nakalilito, lalo na kung hindi natin isasaalang-alang ang iba pang bahagi ng Bibliya. Pero unti-unting ipinaliliwanag ng Kasulatan ang misteryong ito.

      Paano nakapagsalita ang ahas na ito? Noon, alam ng mga Israelita ang ilang bagay na makapagbibigay-linaw sa papel ng ahas na iyon. Halimbawa, alam nila na bagaman hindi nagsasalita ang mga hayop, maaaring gawin ng isang espiritung persona na tila nagsasalita ito. Bukod diyan, isinulat ni Moises ang tungkol sa pagsusugo ng Diyos sa isang anghel upang pagsalitain na parang tao ang asno ni Balaam.​—Bilang 22:26-31; 2 Pedro 2:15, 16.

      Maaari bang magsagawa ng himala ang ibang espiritung persona, kabilang na ang mga kaaway ng Diyos? Nakita ni Moises na ginaya ng mga mahikong saserdote ng Ehipto ang ilan sa mga himala ng Diyos, gaya noong gawin nilang ahas ang tungkod. Maliwanag na ang gayong mga himala ay galing sa mga espiritung kaaway ng Diyos.​—Exodo 7:8-12.

      Maliwanag na si Moises din ang sumulat ng aklat ng Job. Maraming itinuturo ang aklat na iyon tungkol sa pangunahing kaaway ng Diyos, ang sinungaling na si Satanas, na humamon sa katapatan ng lahat ng lingkod ni Jehova. (Job 1:6-11; 2:4, 5) Naniniwala ba ang mga Israelita noon na si Satanas ang kumontrol sa ahas sa Eden, kung kaya nakapagsalita ito at nadaya si Eva? Malamang na gayon nga.

      Si Satanas ba ang kumokontrol sa ahas? Tinukoy ni Jesus si Satanas na “sinungaling at ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Kung siya ang “ama ng kasinungalingan,” siya ang pasimuno ng unang kasinungalingan, hindi ba? Ang unang kasinungalingan ay ang sinabi ng serpiyente kay Eva. Bilang pagsalungat sa babala ng Diyos na ang pagkain sa ipinagbabawal na bunga ay magdudulot ng kamatayan, sinabi ng serpiyente: “Tiyak na hindi kayo mamamatay.” (Genesis 3:4) Maliwanag, alam ni Jesus na si Satanas ang kumokontrol sa serpiyente. Niliwanag ito sa pagsisiwalat na ibinigay ni Jesus kay apostol Juan, nang tawagin Niya si Satanas na “ang orihinal na serpiyente.”​—Apocalipsis 1:1; 12:9.

      Mahirap bang paniwalaan na kayang manipulahin ng isang makapangyarihang espiritung persona ang isang ahas para magtingin itong nagsasalita? Kung nagagawa ng mga tao na maging kapani-paniwala ang mga special effect at palabasing nagsasalita ang isang papet, gaano pa kaya ang makapangyarihang mga espiritu?

      Ang Pinakamatibay na Ebidensiya

      Hindi ka ba sasang-ayon na ang pag-aalinlangan tungkol sa ulat ng Genesis ay wala namang matibay na saligan? Sa kabilang dako, may matibay na ebidensiya na ang ulat ng Genesis ay tunay na kasaysayan.

      Halimbawa, si Jesu-Kristo ay tinawag na “saksing tapat at totoo.” (Apocalipsis 3:14) Bilang isang sakdal na tao, hinding-hindi siya nagsinungaling ni pinilipit man niya ang katotohanan. Higit pa riyan, itinuro niya na umiral na siya bago pa naging tao sa lupa. Sa katunayan, nabuhay na siya kapiling ng kaniyang Ama, si Jehova, “bago pa ang sanlibutan.” (Juan 17:5) Kaya buháy na siya nang magsimula ang buhay sa lupa. Ano ang sinabi ng pinakatapat na saksing ito?

      Tinukoy ni Jesus sina Adan at Eva bilang tunay na mga tao. Binanggit niya ang kanilang pag-aasawa nang ipaliwanag niya ang pamantayan ni Jehova tungkol sa pagkakaroon ng isa lamang asawa. (Mateo 19:3-6) Kung hindi umiral sina Adan at Eva at isa lamang alamat ang hardin na tirahan nila, lumalabas na si Jesus ay nadaya o isang sinungaling. Imposible iyan! Si Jesus ay nasa langit at nakita niya ang masaklap na pangyayari sa hardin. May mas matibay pa bang ebidensiya kaysa riyan?

      Sa katunayan, ang hindi paniniwala sa ulat ng Genesis ay nagpapahina ng pananampalataya kay Jesus. Imposible ring maunawaan ang ilan sa pinakamahahalagang tema ng Bibliya at ang pinakamaaasahang mga pangako nito kung hindi ka naniniwala sa ulat na ito. Tingnan natin kung bakit.

      [Mga talababa]

      a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos sa Bibliya.

      b Ang ideyang ito ay wala sa Kasulatan. Itinuturo ng Bibliya na ang lahat ng gawa ng Diyos ay sakdal; hindi nanggaling sa kaniya ang kasiraan. (Deuteronomio 32:4, 5) Pagkatapos lalangin ni Jehova ang lupa, sinabi niyang ang lahat ng ginawa niya ay “napakabuti.”​—Genesis 1:31.

      c Maliwanag na binura ng Delubyo, na pinasapit ng Diyos, ang lahat ng bakas ng hardin ng Eden. Ipinahihiwatig ng Ezekiel 31:18 na ang “mga punungkahoy sa Eden” ay matagal nang hindi umiiral pagdating ng ikapitong siglo B.C.E. Kaya ang lahat ng naghahanap sa hardin ng Eden ay nabibigo.

      d Tingnan ang brosyur na The Origin of Life​—Five Questions Worth Asking, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

      e Kapansin-pansin, natuklasan ng makabagong siyensiya sa medisina na ang tadyang, di-tulad ng ibang buto, ay may pambihirang kakayahan na tumubong muli kung hindi napinsala ang lamad na nakabalot dito.

  • Ang Kahalagahan sa Iyo ng Eden
    Ang Bantayan—2011 | Enero 1
    • Ang Kahalagahan sa Iyo ng Eden

      IGINIGIIT ng ilang iskolar na hindi sinusuportahan ng iba pang bahagi ng Bibliya ang ulat tungkol sa Eden. Halimbawa, ganito ang isinulat ni Paul Morris, propesor sa pag-aaral hinggil sa relihiyon: “Hindi na muling tuwirang binanggit sa Bibliya ang tungkol sa Eden.” Ang kaniyang opinyon ay maaari ngang sang-ayunan ng diumano’y mga eksperto, pero salungat ito sa katotohanan.

      Sa katunayan, madalas banggitin sa Bibliya ang tungkol sa hardin ng Eden, kina Adan at Eva, at sa serpiyente.a Pero ang pagkakamaling ito ng ilang iskolar ay napakaliit kumpara sa nagawa ng mga lider ng relihiyon at mga kritiko sa Bibliya. Nang palabasin nilang di-mapananaligan ang ulat ng Genesis tungkol sa hardin ng Eden, para na rin nilang pinalabas na hindi mapananaligan ang buong Bibliya. Paano?

      Napakahalagang maunawaan ang nangyari sa Eden para maunawaan ang iba pang bahagi ng Bibliya. Halimbawa, ang Salita ng Diyos ay dinisenyo para tulungan tayong mahanap ang sagot sa pinakamahahalagang tanong ng tao. Ang sagot ng Bibliya sa mga tanong na iyon ay madalas na nauugnay sa nangyari sa hardin ng Eden. Tingnan natin ang ilang halimbawa.

      ● Bakit tayo tumatanda at namamatay? Sina Adan at Eva ay mabubuhay sana magpakailanman kung patuloy silang magiging masunurin kay Jehova. Mamamatay lamang sila kung maghihimagsik sila. Nang maghimagsik sila, nagsimula na silang tumanda at mamatay. (Genesis 2:16, 17; 3:19) Naiwala nila ang kasakdalan at ang tanging naipamana nila sa kanilang mga anak ay kasalanan at di-kasakdalan. Ganito ang paliwanag ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”​—Roma 5:12.

      ● Bakit pinahihintulutan ng Diyos ang labis na kasamaan? Sa hardin ng Eden, tinawag ni Satanas ang Diyos na isang sinungaling na nagkakait ng mabubuting bagay sa kaniyang mga nilalang. (Genesis 3:3-5) Sa gayon, kinuwestiyon niya ang pagiging matuwid ng pamamahala ni Jehova. Pinili nina Adan at Eva na sumunod kay Satanas; kaya tinanggihan din nila ang pamamahala ni Jehova at para na rin nilang sinabi na nasa tao na ang pagpapasiya kung ano ang mabuti at masama. Dahil sa kaniyang sakdal na katarungan at karunungan, alam ni Jehova na isa lamang ang paraan upang masagot ang hamon​—palipasin ang panahon upang ang mga tao ay magkaroon ng pagkakataong pamahalaan ang sarili sa paraang gusto nila. Ang resultang labis na kasamaan, dahil na rin sa impluwensiya ni Satanas, ay unti-unting nagsiwalat ng katotohanang ito: Hindi kayang pamahalaan ng tao ang kaniyang sarili nang wala ang Diyos.​—Jeremias 10:23.

      ● Ano ang layunin ng Diyos para sa lupa? Inatasan ni Jehova sina Adan at Eva na punuin ang lupa ng kanilang mga anak at “supilin iyon,” upang ang buong lupa ay maging kasingganda ng hardin ng Eden. (Genesis 1:28) Kaya layunin ng Diyos na ang lupa ay maging paraiso na tinatahanan ng sakdal at nagkakaisang pamilya ng mga anak nina Adan at Eva. Sinasabi ng maraming teksto sa Bibliya kung paano tutuparin ng Diyos ang orihinal na layuning iyan.

      ● Bakit pumarito si Jesu-Kristo sa lupa? Ang paghihimagsik sa hardin ng Eden ay nagbunga ng kamatayan kina Adan at Eva at sa lahat ng kanilang anak, ngunit maibiging naglaan ang Diyos ng pag-asa. Isinugo niya ang kaniyang Anak sa lupa bilang pantubos. (Mateo 20:28) Ano ang ibig sabihin niyan? Si Jesus “ang huling Adan”; nagtagumpay siya kung saan nabigo si Adan. Naingatan ni Jesus ang kaniyang sakdal na buhay-tao sa pananatiling masunurin kay Jehova. Pagkatapos, kusa niyang ibinigay ang kaniyang buhay bilang isang handog, o pantubos, na nagsilbing daan para ang lahat ng taong tapat ay mapatawad sa kanilang mga kasalanan at sa dakong huli ay magtamo ng buhay na tinamasa nina Adan at Eva sa Eden bago sila nagkasala. (1 Corinto 15:22, 45; Juan 3:16) Kaya ginarantiyahan ni Jesus na matutupad ang layunin ni Jehova na gawing paraisong gaya ng Eden ang lupang ito.b

      Ang layunin ng Diyos ay hindi malabo, ni isang relihiyosong turo na walang malinaw na basehan. Totoo ito. Kung paanong ang hardin ng Eden ay totoong lugar dito sa lupa, na may tunay na mga hayop at tao, ang pangako ng Diyos sa hinaharap ay tiyak​—at malapit na itong matupad. Ito kaya ang magiging kinabukasan mo? Depende iyan sa iyo. Iyan ang kinabukasan na gusto ng Diyos para sa mga tao, pati na sa mga taong naligaw ng landas.​—1 Timoteo 2:3, 4.

      Habang naghihingalo si Jesus, kinausap niya ang isang makasalanang lalaki. Ang lalaking ito ay isang kriminal; alam niya na karapat-dapat siyang mamatay. Pero bumaling siya kay Jesus para sa kaaliwan at pag-asa. Ano ang naging tugon ni Jesus? “Makakasama kita sa Paraiso.” (Lucas 23:43) Kung gusto ni Jesus na makita roon ang dating kriminal na iyon​—na binuhay-muli at binigyan ng pagkakataong mabuhay magpakailanman sa isang paraisong gaya ng Eden​—hindi kaya ganiyan din ang gusto niya para sa iyo? Siyempre! At gusto rin iyan ng kaniyang Ama! Kung gusto mo rin ang kinabukasang iyan, gawin ang lahat ng magagawa mo para matuto tungkol sa Diyos na gumawa ng hardin ng Eden.

      [Mga talababa]

      a Halimbawa, tingnan ang Genesis 13:10; Deuteronomio 32:8; 2 Samuel 7:14; 1 Cronica 1:1; Isaias 51:3; Ezekiel 28:13; 31:8, 9; Lucas 3:38; Roma 5:12-14; 1 Corinto 15:22, 45; 2 Corinto 11:3; 1 Timoteo 2:13, 14; Judas 14; at Apocalipsis 12:9.

      b Para sa higit pang impormasyon tungkol sa haing pantubos ni Kristo, tingnan ang kabanata 5 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

      [Kahon/Mga Larawan sa pahina 10]

      ISANG HULA NA NAG-UUGNAY SA BUONG BIBLIYA

      “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo [ang serpiyente] at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.”​—Genesis 3:15.

      Iyan ang unang hula sa Bibliya na binigkas ng Diyos sa Eden. Kanino tumutukoy ang apat na tauhan: ang babae, ang kaniyang binhi, ang serpiyente, at ang binhi nito? Paano nagkaroon ng “alitan” sa pagitan ng mga ito?

      ANG SERPIYENTE

      Si Satanas na Diyablo.​—Apocalipsis 12:9.

      ANG BABAE

      Ang organisasyon ni Jehova sa langit. (Galacia 4:26, 27) Inihula ni Isaias na ang “babae” ay magsisilang ng isang espirituwal na bansa.​—Isaias 54:1; 66:8.

      ANG BINHI NG SERPIYENTE

      Ang lahat ng sumusunod kay Satanas.​—Juan 8:44.

      ANG BINHI NG BABAE

      Pangunahin na, si Jesu-Kristo, na mula sa organisasyon ni Jehova sa langit. Kabilang din sa “binhi” ang espirituwal na mga kapatid ni Kristo na naghaharing kasama niya sa langit. Ang mga Kristiyanong ito na pinahiran ng banal na espiritu ang bumubuo sa espirituwal na bansa, ang “Israel ng Diyos.”​—Galacia 3:16, 29; 6:16; Genesis 22:18.

      ANG SUGAT SA SAKONG

      Isang masakit na pagsugat sa Mesiyas ngunit hindi permanente ang mga epekto. Naipapatay ni Satanas si Jesus sa lupa. Pero si Jesus ay binuhay-muli.

      ANG SUGAT SA ULO

      Ang lubusang pagdurog kay Satanas. Pupuksain ni Jesus si Satanas. Pero bago iyan, papawiin ni Jesus ang kasamaang sinimulan ni Satanas sa Eden.​—1 Juan 3:8; Apocalipsis 20:10.

      Para sa maikling sumaryo ng pangunahing tema ng Bibliya, tingnan ang brosyur na Ang Bibliya​—Ano ang Mensahe Nito? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

      [Larawan sa pahina 11]

      Pinagdusahan nina Adan at Eva ang kapaha-pahamak na mga epekto ng kanilang kasalanan

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share