AMNESTIYA
Inilalahad ng Esther 2:18 na ang Persianong monarka na si Ahasuero, matapos gawing kaniyang reyna si Esther, ay nagdaos ng isang malaking piging bilang parangal kay Esther at nagkaloob siya ng “isang amnestiya para sa mga nasasakupang distrito” sa kaniyang kaharian. Ang salitang Hebreo na hana·chahʹ na ginamit dito ay minsan lamang lumilitaw sa Kasulatan. Isinasalin ito sa iba’t ibang paraan bilang “pagpapalaya” (LXX, KJ), “pagpapalaya sa pagbabayad ng buwis” (sa isang Targum at sa RS), “pagpapatawad ng sala” (AS-Tg), “pahinga” (Vg), “araw ng pahinga” (BSP), at “pista opisyal” (AT, MB, NPV). Iminumungkahi ng mga komentarista na maaaring kasama sa gayong pagpapalaya, o amnestiya, ang pagpapalaya sa pagbabayad ng tributo, pagpapalaya sa paglilingkod militar, pagpapalaya sa pagkakabilanggo, o kombinasyon ng mga ito. Ibang salitang Hebreo (shemit·tahʹ) naman ang ginagamit sa ibang mga talata sa Kasulatan upang ilarawan ang pagpapalaya sa pagkakautang o pagtigil sa pagtatrabaho.—Deu 15:1, 2, 9; 31:10; tingnan ang SABBATH, TAON NG.
Tungkol sa pagpapalaya sa mga bilanggo, mapapansin na may ilang paghihimagsik na bumangon noong panahon ng paghahari ni Jerjes I, ipinapalagay na ang Ahasuero sa aklat ng Esther. Sinasabi sa isang inskripsiyong mula sa Persepolis na itinuturing na isinulat ni Jerjes: “Nang maging hari na ako, may (ilan) sa mga bansang ito . . . na naghimagsik (ngunit) dinurog (sa literal: pinatay) ko ang mga bansang ito, . . . at inilagay ko sila (muli) sa kanilang (dating pulitikal na) katayuan.” (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. B. Pritchard, 1974, p. 317) Walang alinlangan na nagkaroon si Ahasuero ng mga pulitikal na bilanggo nang supilin niya ang mga pag-aalsang ito, at maaaring pinatawad niya ang mga paratang laban sa mga iyon at pinagkalooban niya sila ng amnestiya, o paglaya, noong masayang panahong iyon nang gawin niyang reyna si Esther. (Ihambing ang Mat 27:15.) Gayunman, hindi pa rin matiyak kung ano talagang uri iyon ng amnestiya.