Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ehipto, Ehipsiyo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Ang Ehipto ay isang lupaing napakarelihiyoso at punô ng politeismo. Bawat lunsod at bayan ay may sariling bathala, na nagtataglay ng titulong “Panginoon ng Lunsod.” Isang talaan na natagpuan sa libingan ni Thutmose III ang kababasahan ng pangalan ng mga 740 diyos. (Exo 12:12) Kadalasan, ang diyos ay inilalarawan bilang may asawang diyosa na nagsilang sa kaniya ng anak na lalaki, “sa gayon ay bumubuo ng tatluhang diyos o trinidad kung saan ang ama, karagdagan pa, ay hindi laging ang pinakaulo, anupat kung minsan ay kontento na siya sa papel na prinsipeng abay, samantalang ang pangunahing bathala ng lokalidad ay ang diyosa pa rin.” (New Larousse Encyclopedia of Mythology, 1968, p. 10) Bawat isa sa mga pangunahing diyos ay tumatahan sa isang templo na hindi bukas sa publiko. Ang diyos ay sinasamba ng mga saserdote na gumigising sa kaniya bawat umaga sa pamamagitan ng isang himno, nagpapaligo sa kaniya, nagdadamit sa kaniya, “nagpapakain” sa kaniya, at naglilingkod sa kaniya sa iba pang paraan. (Ihambing ang pagkakaiba sa Aw 121:3, 4; Isa 40:28.) Dahil dito, lumilitaw na ang mga saserdote ay itinuturing na mga kinatawan ng Paraon, na pinaniniwalaang isa ring diyos na buháy, ang anak ng diyos na si Ra. Ang situwasyong ito ay nagdiriin sa lakas ng loob na ipinakita nina Moises at Aaron sa pagharap kay Paraon upang sabihin dito ang utos ng tunay na Diyos at nagdaragdag ng kahulugan sa mapanghamak na tugon ni Paraon, “Sino si Jehova, anupat susundin ko ang kaniyang tinig?”​—Exo 5:2.

  • Ehipto, Ehipsiyo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • [Larawan sa pahina 654]

      Estatuwa ni Amon bilang isang barakong tupa kasama si Paraon Taharqa (Tirhaka); inilalarawan nito ang pagsasanggalang ng diyos sa tagapamahala

      Halimbawa, ang diyos na si Ra ay kilalá sa 75 iba’t ibang pangalan at anyo. Waring iilan lamang sa daan-daang bathala ang sinamba ng buong bansa. Ang pinakapopular sa mga ito ay ang trinidad nina Osiris, Isis (ang kaniyang asawa), at Horus (ang kaniyang anak). Nariyan din ang mga diyos sa kalawakan na pinangungunahan ni Ra, ang diyos-araw, kasama ang mga diyos ng buwan, kalangitan, hangin, lupa, ilog ng Nilo, at iba pa. Sa Thebes (No sa Bibliya), ang diyos na si Amon ay naging napakaprominente at nang maglaon ay binigyan ng titulong “hari ng mga diyos” at tinawag na Amon-Ra. (Jer 46:25) Sa mga panahon ng kapistahan (Jer 46:17), ang mga diyos ay ipinaparada sa mga lansangan ng lunsod. Halimbawa, kapag ang imahen ni Ra ay binubuhat ng kaniyang mga saserdote sa prusisyon, tinitiyak ng mga tao na naroon sila, anupat umaasang makikinabang sila dahil dito. Palibhasa’y itinuturing na ang basta pagpunta nila roon ay pagtupad na sa kanilang relihiyosong pananagutan, iniisip ng mga Ehipsiyo na pananagutan naman ni Ra na patuloy silang pasaganain. Umaasa lamang sila sa kaniya para sa materyal na mga pagpapala at kasaganaan at hindi sila kailanman humihingi ng anumang bagay na espirituwal. Maraming pagkakahawig sa pagitan ng mga pangunahing diyos ng Ehipto at ng Babilonya, anupat ipinakikita ng katibayan na ang mga Babilonyo ang tinularan ng mga Ehipsiyo sa bagay na ito.​—Tingnan ang DIYOS AT DIYOSA, MGA.

      Ang politeistikong pagsambang ito ay hindi naging kapaki-pakinabang sa mga Ehipsiyo. Gaya nga ng sinabi ng Encyclopædia Britannica (1959, Tomo 8, p. 53): “Kamangha-manghang mga hiwaga, na lihim na nag-iingat ng malalalim na katotohanan, ang iniuugnay sa kanila ng klasikal at makabagong imahinasyon. Sabihin pa, mayroon silang mga hiwaga tulad ng mga Ashanti o mga Ibo [mga tribong Aprikano]. Gayunman, isang pagkakamali na isiping ang mga hiwagang ito ay nagtataglay ng katotohanan, at na may okultong ‘pananampalataya’ sa likuran ng mga ito.” Sa katunayan, ipinakikita ng mga katibayan na ang mahika at sinaunang pamahiin ang pangunahing mga elemento ng pagsamba ng mga Ehipsiyo. (Gen 41:8) Ang relihiyosong mahika ay ginamit upang iwasan ang sakit; ang espiritismo ay prominente, anupat marami silang “mga engkantador,” “mga espiritista,” at “mga manghuhula ng mga pangyayari.” (Isa 19:3) Ang mga agimat at mga “suwerteng” anting-anting ay isinusuot, at ang mga mahikang orasyon ay isinusulat sa mga piraso ng papiro at ikinukuwintas sa leeg. (Ihambing ang Deu 18:10, 11.) Nang magpakita sina Moises at Aaron ng makahimalang mga gawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, ipinagparangalan ng mga saserdoteng mahiko at manggagaway ng korte ni Paraon na kaya nilang gayahin ang gayong mga gawa sa pamamagitan ng mga sining ng mahika hanggang sa mapilitan silang tumanggap ng pagkatalo.​—Exo 7:11, 22; 8:7, 18, 19.

      Pagsamba sa hayop. Dahil sa mapamahiing pagsambang ito, ang mga Ehipsiyo ay nagsagawa ng karumal-dumal na idolatriya kasama ang pagsamba sa mga hayop. (Ihambing ang Ro 1:22, 23.) Marami sa pinakaprominenteng mga diyos ang palaging ipinakikita na may katawan ng tao at ulo ng isang hayop o ibon. Halimbawa, ang diyos na si Horus ay inilalarawan na may ulo ng halkon; si Thoth naman ay may ulo ng ibong ibis o ng unggoy. Sa ilang kaso ang diyos ay itinuturing na aktuwal na nagkatawang-hayop, gaya sa kaso ng mga torong Apis. Ang buháy na torong Apis, na itinuturing na pagkakatawang-hayop ng diyos na si Osiris, ay inaalagaan sa templo at kapag namatay ay binibigyan ng marangyang prusisyon at libing. Dahil sa paniniwala na ang ilang hayop, gaya ng pusa, baboon, buwaya, chakal, at iba’t ibang uri ng ibon, ay sagrado dahil iniuugnay ang mga ito sa partikular na mga diyos, literal na daan-daang libo ng gayong mga hayop ang ginawang momya ng mga Ehipsiyo at inilibing sa espesyal na mga sementeryo.

      [Larawan sa pahina 655]

      Napahiya ang diyos na si Apis, isinasagisag ng isang toro, nang salutin ni Jehova ang mga alagang hayop ng Ehipto

      Bakit iginiit ni Moises na ang mga hain ng Israel ay magiging “karima-rimarim sa mga Ehipsiyo”?

      Tiyak na dahil napakaraming iba’t ibang hayop ang sinasamba sa iba’t ibang bahagi ng Ehipto, mapuwersa at mapanghikayat ang sinabi ni Moises na pahintulutan ang Israel na pumaroon sa ilang upang maghandog ng kanilang mga hain, anupat sinabi pa niya kay Paraon: “Halimbawang maghahain kami ng bagay na karima-rimarim sa mga Ehipsiyo sa kanilang paningin; hindi ba nila kami babatuhin?” (Exo 8:26, 27) Lumilitaw na karamihan sa mga hain na inihandog ng Israel nang maglaon ay talagang lubhang makagagalit sa mga Ehipsiyo. (Sa Ehipto, ang diyos-araw na si Ra ay inilalarawan kung minsan bilang isang guya na isinilang ng makalangit na baka.) Sa kabilang dako, gaya ng ipinakikita sa artikulong DIYOS AT DIYOSA, MGA, sa pamamagitan ng Sampung Salot sa Ehipto, naglapat si Jehova ng kahatulan “sa lahat ng diyos ng Ehipto,” anupat nagpasapit ng malaking kahihiyan sa mga ito habang ipinakikilala ang kaniyang sariling pangalan sa buong lupain.​—Exo 12:12.

      Ang bansang Israel ay hindi lubusang nakaiwas na mahawa sa gayong huwad na pagsamba sa loob ng dalawang siglong pakikipamayan nito sa Ehipto (Jos 24:14), at tiyak na ito ang isang dahilan ng maling mga saloobin na ipinakita nila noong maagang bahagi ng Pag-alis. Bagaman tinagubilinan ni Jehova ang mga Israelita na itapon ang “mga karumal-dumal na idolo ng Ehipto,” hindi nila ito ginawa. (Eze 20:7, 8; 23:3, 4, 8) Ang paggawa nila ng ginintuang guya upang sambahin sa ilang ay nagpapahiwatig na ang pagsamba ng mga Ehipsiyo sa hayop ay nakahawa sa ilang Israelita. (Exo 32:1-8; Gaw 7:39-41) Mismong bago pumasok ang Israel sa Lupang Pangako, muli silang binabalaan ni Jehova na huwag silang gumamit ng anumang bagay na anyong hayop o ng mga bagay sa kalawakan sa kanilang pagsamba sa Kaniya. (Deu 4:15-20) Gayunman, ang pagsamba sa hayop ay muling lumitaw pagkaraan ng ilang siglo nang si Jeroboam, na kababalik lamang mula sa Ehipto, ay gumawa ng dalawang ginintuang guya para sa pagsamba nang matamo niya ang pagkahari sa hilagang kaharian ng Israel. (1Ha 12:2, 28, 29) Kapansin-pansin na ang kinasihang Kasulatan na isinulat ni Moises ay walang anumang bahid ng gayong idolatriya at pamahiing Ehipsiyo.

  • Ehipto, Ehipsiyo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Lumilitaw na ang relihiyon ng sinaunang Ehipto ay halos puro mga seremonya at mga orasyon, na ginagawa upang matamo ang partikular na mga resulta sa pamamagitan ng pagpapala ng isa o higit pa sa kanilang maraming diyos.

      Bagaman sinasabing nagkaroon ng isang anyo ng monoteismo noong panahong naghahari ang mga paraon na sina Amenhotep III at Amenhotep IV (Akhenaton), noong halos ang diyos-araw na si Aton lamang ang sinasamba, hindi iyon tunay na monoteismo. Ang Paraon mismo ay patuloy na sinamba bilang diyos. At maging sa yugtong ito ay hindi nagkaroon ng moral na katangian ang mga tekstong relihiyoso ng Ehipto, anupat ang mga himno sa diyos-araw na si Aton ay pumupuri lamang sa kaniya dahil sa kaniyang nagbibigay-buhay na init ngunit salat pa rin sa anumang kapahayagan ng papuri o pagpapahalaga sa anumang espirituwal o moral na mga katangian. Kaya talagang walang saligan ang opinyon na ang monoteismo sa mga akda ni Moises ay impluwensiya ng Ehipto.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share