-
Kapangyarihan, Makapangyarihang mga GawaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Ang kaibahan ng tunay na Diyos sa “mga diyos ng kalikasan.” Ipinakikita ng sinaunang mga dokumento mula sa Babilonya at sa mga dako kung saan nandayuhan ang mga tao na ang pagsamba sa “mga diyos ng kalikasan” (gaya ng Babilonyong diyos-araw na si Shamash at ng Canaanitang diyos ng pag-aanak na si Baal) ay naging napakaprominente noon. Iniugnay ng mga tao ang “mga diyos ng kalikasan” sa mga siklo ng kalikasan na nagtatanghal ng kapangyarihan, gaya ng regular na pagsikat ng araw, epekto ng mga solstice at mga equinox sa kapanahunan (kung kaya may tag-araw, taglamig, tagsibol, at taglagas), mga hangin at mga bagyo, pag-ulan at ang epekto nito sa katabaan ng lupa sa panahon ng paghahasik at pag-aani, at iba pang katulad na mga kaganapan. Hindi persona ang mga puwersang ito. Dahil dito, kinailangan ng mga tao na bigyan ng personalidad ang kanilang mga diyos gamit ang kanilang imahinasyon. Karaniwan nang inilalarawan nila ang kanilang mga diyos bilang kapritsoso; ang mga iyon ay walang tiyak na layunin, mababa ang moral, at di-karapat-dapat sambahin at paglingkuran.
Gayunman, malinaw na pinatototohanan ng nakikitang langit at lupa na may isang nakatataas na Pinagmumulan ng kapangyarihan na siyang nagpairal sa lahat ng mga puwersang ito sa ugnay-ugnay at maayos na paraan, na nagbibigay ng di-matututulang ebidensiya ng matalinong layunin. Ang Pinagmumulang iyon ng kapangyarihan ay binigyan ng ganitong papuri: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.” (Apo 4:11) Si Jehova ay hindi isang Diyos na inuugitan o nililimitahan ng mga siklo sa langit o sa lupa. Ni ang mga pagpapamalas man niya ng kapangyarihan ay kapritsoso, pabugsu-bugso, o pabagu-bago. Sa bawat kaso, ang mga ito ay may isinisiwalat tungkol sa kaniyang personalidad, mga pamantayan, at layunin. Kaya naman may kinalaman sa Diyos na inilalarawan sa Hebreong Kasulatan, ang Theological Dictionary of the New Testament, inedit ni G. Kittel, ay nagsabi na “ang importante at nangingibabaw na salik ay hindi ang puwersa o kapangyarihan kundi ang kalooban na dapat isagawa at itaguyod ng kapangyarihang iyon. Ito ang pinakamahalagang salik sa lahat ng bahagi [ng Hebreong Kasulatan].”—Isinalin at inedit ni G. Bromiley, 1971, Tomo II, p. 291.
Ang pagsamba ng mga Israelita sa gayong “mga diyos ng kalikasan” ay pag-aapostata, isang pagsawata sa katotohanan upang halinhan ito ng kasinungalingan, isang walang-katuwirang pagsamba sa nilalang sa halip na sa Isa na lumalang; iyan ang sinabi ng apostol sa Roma 1:18-25. Bagaman hindi nakikita ang Diyos na Jehova, ginawa niyang hayag sa mga tao ang kaniyang mga katangian, sapagkat gaya ng sinabi ni Pablo, ang mga ito ay “malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, anupat wala silang maidadahilan.”
Katangi-tangi ang pagkontrol ng Diyos sa likas na mga puwersa. Upang patunayan na siya ang tunay na Diyos, angkop lamang na ipakita ni Jehova na kontrolado niya ang nilalang na mga puwersa, anupat ginagawa niya iyon sa paraan na tuwirang nauugnay sa kaniyang pangalan. (Aw 135:5, 6) Yamang ang araw, buwan, mga planeta, at mga bituin ay tumatahak sa kanilang regular na landas, yamang ang mga kalagayan ng atmospera ng lupa (na sanhi ng hangin, ulan, at iba pang mga epekto) ay sumusunod sa mga batas na umuugit sa mga iyon, yamang nagkukulupon ang mga balang at nandarayuhan ang mga ibon, ang mga ito at ang marami pang ibang normal na kaganapan ay hindi sapat upang pabanalin ang pangalan ng Diyos sa harap ng pagsalansang at huwad na pagsamba.
Gayunpaman, maaaring gamitin ng Diyos na Jehova ang sangnilalang at likas na mga elemento upang patunayan ang kaniyang pagka-Diyos, samakatuwid nga, maaari niyang gamitin ang mga ito upang isakatuparan ang espesipikong mga layunin sa paraang nakahihigit sa karaniwang pagkilos ng mga ito, kadalasa’y sa isang partikular na panahong itinakda. Bagaman hindi pambihira sa ganang sarili ang mga pangyayaring gaya ng tagtuyot, bagyong maulan, o iba pang lagay ng panahon, ang mga iyon ay naging katangi-tangi dahil nagsilbing katuparan ang mga iyon ng mga hula ni Jehova. (Ihambing ang 1Ha 17:1; 18:1, 2, 41-45.) Gayunman, sa karamihan ng mga kaso, natatangi ang mga pangyayaring iyon sa ganang sarili, maaaring dahil sa lakas o tindi ng mga iyon (Exo 9:24) o dahil naganap ang mga iyon sa di-pangkaraniwang paraan, na maaaring hindi pa kailanman naobserbahan, o sa panahong hindi inaasahan.—Exo 34:10; 1Sa 12:16-18.
Sa katulad na paraan, pangkaraniwan lamang na magsilang ng bata ang isang babae. Ngunit kung ang nagsilang ng bata ay isang babae na baog sa buong buhay niya at lampas na sa edad ng panganganak, gaya sa kaso ni Sara, ang pangyayaring iyon ay pambihira. (Gen 18:10, 11; 21:1, 2) Malinaw na ang Diyos ang nagpangyari niyaon. Pangkaraniwan din ang kamatayan. Ngunit kapag dumating ang kamatayan sa inihulang panahon o bilang katuparan ng isang hula anupat hindi patiunang ipinabatid ang sanhi, iyon ay pambihira at nagpapahiwatig ng pagkilos ng Diyos. (1Sa 2:34; 2Ha 7:1, 2, 20; Jer 28:16, 17) Pinatunayan ng lahat ng ito na si Jehova ang tunay na Diyos, at na ang “mga diyos ng kalikasan” ay “walang-silbing mga diyos.”—Aw 96:5.
-
-
Kapangyarihan, Makapangyarihang mga GawaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Pinatunayan na Siya ang Diyos ng Israel. Nangako si Jehova sa bansang Israel na nasa Ehipto noon: “Ako nga ay magiging Diyos sa inyo; at tiyak na makikilala ninyo na ako ay si Jehova na inyong Diyos.” (Exo 6:6, 7) Nagtiwala si Paraon na may kapangyarihan ang mga diyos at mga diyosa ng Ehipto na kontrahin ang mga gawa ni Jehova. Sinadya naman ng Diyos na pahintulutan si Paraon na patuloy na magmatigas nang ilang panahon. Ginawa ito ni Jehova upang ‘maipakita niya ang kaniyang kapangyarihan at upang maipahayag ang kaniyang pangalan sa buong lupa.’ (Exo 9:13-16; 7:3-5) Nagbigay ito ng pagkakataon upang maparami ng Diyos ang kaniyang “mga tanda” at “mga himala” (Aw 105:27), anupat nagpasapit siya ng sampung salot na nagpatunay na kontrolado niya bilang Maylalang ang tubig, liwanag ng araw, mga kulisap, mga hayop, at ang katawan ng tao.—Exo 7-12.
Sa bagay na ito, pinatunayan ni Jehova na naiiba siya sa “mga diyos ng kalikasan.” Ang mga salot na iyon, kabilang na ang kadiliman, bagyo, graniso, mga kulupon ng balang, at ang katulad na mga pangyayari, ay inihula at natupad na gaya ng pagkakahula. Hindi basta nagkataon lamang ang mga iyon. Ang mga babala na patiunang ibinigay ay nakatulong sa mga nakinig upang makatakas sa partikular na mga salot. (Exo 9:18-21; 12:1-13) Maaaring maging mapamili ang Diyos kung tungkol sa epekto ng mga salot, anupat pinangyari niyang huwag mapinsala ng ilang salot ang isang espesipikong lugar, sa gayo’y pinatutunayan kung sino ang kaniyang sinang-ayunang mga lingkod. (Exo 8:22, 23; 9:3-7, 26) May kakayahan siyang pasapitin at pahintuin ang mga salot kung kailan niya nais. (Exo 8:8-11; 9:29) Bagaman waring natularan ng mga mahikong saserdote ni Paraon ang unang dalawang salot (maaaring sinabi pa nga nila na iyon ay sa tulong ng mga bathala ng Ehipto), di-nagtagal ay binigo sila ng kanilang mga lihim na sining, at napilitan silang kilalanin na “ang daliri ng Diyos” ang nagpasapit ng ikatlong salot. (Exo 7:22; 8:6, 7, 16-19) Hindi nila napatigil ang mga salot at sila mismo ay naapektuhan.—Exo 9:11.
-