Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Satanas
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Ibinangon ang Usapin Tungkol sa Soberanya. Noong lumapit si Satanas kay Eva (sa pamamagitan ng pananalita ng serpiyente), hinamon niya ang pagiging marapat at matuwid ng soberanya ni Jehova. Ipinahiwatig niya na may ipinagkakait ang Diyos sa babae. Pinagbintangan din niyang sinungaling ang Diyos dahil sinabi Niya na mamamatay si Eva kung kakain ito ng ipinagbabawal na bunga. Pinapaniwala rin ni Satanas si Eva na ito’y magiging malaya at independiyente sa Diyos, anupat magiging tulad ng Diyos. Sa ganitong paraan, itinaas ng balakyot na espiritung ito ang kaniyang sarili nang higit kaysa sa Diyos sa paningin ni Eva, at si Satanas ay naging diyos ni Eva, bagaman nang panahong iyon ay maliwanag na hindi alam ni Eva kung sino ang nandaraya sa kaniya. Sa ginawang ito ni Satanas, isinailalim niya ang unang lalaki’t babae sa kaniyang pangunguna at kontrol, at siya’y tumayo bilang karibal na diyos na salansang kay Jehova.​—Gen 3:1-7.

      Sinasabi ng Bibliya na nang maglaon, si Satanas bilang karibal na diyos ay humarap kay Jehova sa langit. Hinamon niya si Jehova sa pagsasabing maitatalikod niya ang lingkod ng Diyos na si Job mula sa Kaniya, at sa gayo’y ipinahiwatig na maitatalikod din niya ang kahit sinong lingkod ng Diyos. Sa diwa, pinaratangan niya ang Diyos ng di-matuwid na pagbibigay kay Job ng lahat ng bagay, lakip na ang lubos na proteksiyon, anupat hindi magawang subukin ni Satanas si Job at ipakita kung ano talaga ang nasa puso nito, na diumano’y masama, ayon sa pahiwatig ni Satanas. Pinalitaw niya na naglilingkod lamang si Job sa Diyos dahil sa makasariling mga kadahilanan. Nilinaw ni Satanas ang puntong ito ng kaniyang argumento nang sabihin niya: “Balat kung balat, at ang lahat ng pag-aari ng isang tao ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa. Upang mapaiba naman, iunat mo ang iyong kamay, pakisuyo, at galawin mo siya hanggang sa kaniyang buto at sa kaniyang laman at tingnan mo kung hindi ka niya susumpain nang mukhaan.”​—Job 1:6-12; 2:1-7; tingnan ang SOBERANYA.

      Sa natatanging kaso na ito, pinahintulutan ni Jehova si Satanas na magpasapit ng kapahamakan kay Job. Hindi Siya nakialam nang pangyarihin ni Satanas na lumusob ang mga mandarambong na Sabeano at malipol ang mga kawan at mga pastol sa pamamagitan ng tinagurian ng mensahero ni Job na “mismong apoy ng Diyos” mula sa langit. Hindi sinasabi ng ulat kung iyon ay kidlat o iba pang uri ng apoy. Pinangyari rin ni Satanas ang isang paglusob ng tatlong pangkat ng mga Caldeo, pati na ang isang buhawi. Dahil dito, namatay ang lahat ng mga anak ni Job at nasira ang kaniyang ari-arian. Bilang panghuli, nagpasapit si Satanas kay Job ng isang karima-rimarim na sakit.​—Job 1:13-19; 2:7, 8.

      Isinisiwalat nito ang lakas at kapangyarihan ng espiritung nilalang na si Satanas, gayundin ang kaniyang mabalasik at mapamaslang na saloobin.

      Gayunman, mahalagang pansinin na kinilala ni Satanas na wala siyang magagawa laban sa tuwirang utos ng Diyos, sapagkat hindi niya hinamon ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos nang pagbawalan siyang kitlin ang buhay ni Job.​—Job 2:6.

  • Satanas
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Bilang kasangkapan ni Satanas, binihag ng namamahalang dinastiya ng Babilonya, na pinangunahan ni Nabucodonosor, ang mga tapong Israelita sa loob ng 68 taon, hanggang sa bumagsak ang Babilonya. Walang intensiyon ang Babilonya na palayain kailanman ang mga bihag nito, at sa gayo’y masasalamin sa kaniya ang mapaghambog at ambisyosong mga pagtatangka ni Satanas bilang karibal na diyos na salansang kay Jehova na Soberano ng Sansinukob. Sa totoo, ang mga Babilonyong hari, na sumasamba sa kanilang idolong diyos na si Marduk, sa diyosang si Ishtar, at sa maraming iba pang diyos, ay mga mananamba ng mga demonyo at, bilang bahagi ng sanlibutang hiwalay kay Jehova ay pawang nasa ilalim ng pamumuno ni Satanas.​—Aw 96:5; 1Co 10:20; Efe 2:12; Col 1:21.

      Pinuspos ni Satanas ang hari ng Babilonya ng ambisyon na ganap na magpuno sa buong lupa, maging sa “trono ni Jehova” (1Cr 29:23) at sa “mga bituin ng Diyos,” ang mga hari sa linya ni David na nakaupo sa trono sa Bundok Moria (kung palalawakin ang pagkakapit, sa Sion). Ang ‘haring’ ito, samakatuwid nga, ang dinastiya ng Babilonya, ay ‘nagtaas ng kaniyang sarili’ sa kaniyang puso, at sa kaniyang paningin at sa paningin ng kaniyang mga tagahanga ay isa siyang “nagniningning,” isang “anak ng bukang-liwayway.” (Sa ilang bersiyon, pinanatili ang terminong “Lucifer” na ginamit sa Latin na Vulgate. Gayunman, isa lamang itong salin ng salitang Hebreo na heh·lelʹ, “isa na nagniningning.” Ang heh·lelʹ ay hindi isang pangalan o titulo kundi isang terminong naglalarawan sa mapaghambog na posisyong kinuha ng Babilonyong dinastiya ng mga hari sa linya ni Nabucodonosor.) (Isa 14:4-21) Yamang ang Babilonya ay isang kasangkapan ni Satanas, masasalamin sa “hari” nito ang ambisyosong pagnanasa mismo ni Satanas. Muli ay iniligtas ni Jehova ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng pagsasauli sa kanila sa kanilang lupain, hanggang sa dumating ang tunay na Binhing ipinangako.​—Ezr 1:1-6.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share