-
Pangmadlang TagapagturoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
PANGMADLANG TAGAPAGTURO
Isa na naturuan sa isang partikular na larangan ng kaalaman at nagtuturo nang hayagan sa iba. Ang pananalitang “pangmadlang tagapagturo” ay isinalin mula sa salitang Griego na gram·ma·teusʹ. Isinalin ito ng The New English Bible bilang “guro”; ginagamit naman ng Knox ang mga pananalitang “iskolar” at ‘taong mataas ang pinag-aralan.’ Isang talababa sa New World Translation ang kababasahan: “taong may pinag-aralan.” (Mat 13:52, tlb sa Rbi8; Mat 23:34) Kadalasan, ang gayunding salitang Griego ay isinasalin bilang “eskriba”; ngunit upang linawin na hindi ang relihiyosong grupo ng mga Judio na kilala bilang mga eskriba ang tinutukoy, ang pananalitang “pangmadlang tagapagturo” ang ginagamit sa Bagong Sanlibutang Salin kapag ang tinutukoy ng teksto ay ang sariling mga alagad ni Jesus.
-
-
Pangmadlang TagapagturoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Pumarito si Jesus upang magpatotoo sa katotohanan. Sa layuning maipangaral ang mabuting balita ng Kaharian, inihanda niya ang kaniyang mga alagad upang maging mga guro, o mga pangmadlang tagapagturo, hinggil sa Kaharian ng Diyos. Dinakila niya ang kanilang katungkulan at ang kahalagahan ng pakikinig sa kanilang turo nang tukuyin niya sila bilang mga pangmadlang tagapagturo; ang bawat isa sa kanila ay inihalintulad niya sa isang taong naturuan na may isang tunay na imbakan ng kayamanan na mapagkukunan ng kaalaman. (Mat 13:52) Ang mga ito ang isinugo niya sa Israel, ngunit hindi napag-unawa ng sariling mga eskriba ng Israel ang kayamanang iniaalok sa kanila ng Diyos sa pamamagitan ng mga taong ito. Sa kabaligtaran pa nga, sinalansang nila ang isinagawang pangmadlang pagtuturo at nakibahagi sila sa paghagupit, pag-uusig, at pagpatay kay Jesus at sa kasamahan niyang mga pangmadlang tagapagturo, sa gayo’y pinatunayan nilang sila’y mga bulaang tagapagturo. Gayunpaman, maraming tao mula sa Israel at mula sa mga bansa ang tinuruan ng mga naturuan ni Jesus, at ang mga ito rin naman ay naging mga pangmadlang tagapagturo ng Salita ng Diyos.—Mat 23:34; 28:19, 20.
-