Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Cus
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Bagaman may mga Cusita noon sa Arabia, ang karamihan ng paglitaw ng pangalang Cus sa Bibliya ay malinaw na tumutukoy sa isang rehiyon sa Aprika, at kapag maliwanag ang kaugnayan, isinasalin lamang ng mga tagapagsalin ang “Cus” bilang “Etiopia.” Lagi itong iniuugnay sa Ehipto (Isa 20:3-5; 43:3; Jer 46:7-9) at gayundin sa Libya. (2Cr 12:2, 3; Dan 11:43; Na 3:9) Itinatala ng Isaias 11:11 ang sinaunang heograpikong mga katawagan para sa iba’t ibang rehiyon na patimog mula sa Delta ng Nilo: “Ehipto” (o “Mizraim,” dito, Mababang Ehipto), “Patros” (Mataas na Ehipto), at “Cus” (Nubia-Etiopia). Binabanggit ng Ezekiel 29:10 ang pagkawasak ng Ehipto “mula sa Migdol hanggang sa Seyene at hanggang sa hangganan ng Etiopia [Cus].” Sa gayon, ang Cus o sinaunang Etiopia ay waring nasa ibayo pa ng Seyene (makabagong Aswan) at, ayon sa arkeolohikal na katibayan, nagpatuloy sa T, marahil hanggang sa makabagong Khartoum. Kaya saklaw ng Cus ang makabagong Sudan at ang pinakatimugang bahagi ng makabagong Ehipto. Iminumungkahi na ang “mga ilog ng Etiopia [Cus]” ay ang mga ilog ng Asul at Puting Nilo, na nagsasalubong sa Khartoum, at gayundin ang Ilog Atbara, na sumasanib sa Nilo sa T ng ikalimang talon.​—Zef 3:10.

      Posibleng ang “mga Arabe na nasa panig ng mga Etiope [Ku·shimʹ]” (2Cr 21:16) ay yaong mga tribong Arabe na nasa TK baybayin ng Peninsula ng Arabia at sa gayon ay nakaharap sa Aprika sa ibayo ng Dagat na Pula.

      Ang kalakhan ng lupain ng Cus ay maliwanag na tigang at disyertong lupain. Ang “pook ng mga ilog ng Etiopia” ay inilalarawan bilang ang “lupain ng mga humihiging na kulisap na may mga pakpak” (Isa 18:1), marahil ay tumutukoy sa mga balang na nagkukulupon sa Etiopia at Ehipto; gayunman, iminumungkahi ng ilan na ito ay mga lamok, at itinatawag-pansin naman ng iba na ang salitang Hebreo para sa “humihiging” (tsela·tsalʹ) ay katunog ng pangalang ibinigay ng mga tribong Oromo (isang bayang Hamitiko na naninirahan sa makabagong Etiopia) sa tsetse fly (tsaltsalya). Ang mga produkto ng lupain ay garing, ebano, ginto, mahahalagang bato, bakal, at mga pampabango, at may binabanggit sa Bibliya na “mga mangangalakal ng Etiopia” (Isa 45:14) at “topacio ng Cus.”​—Job 28:19.

      Kasaysayan Nang Dakong Huli. Ang Cus, o Etiopia, ay nasa ilalim ng pamumuno ng Ehipto noong panahon ng Pag-alis ng Israel mula sa Ehipto, at nagpatuloy pa ito nang mga 500 taon. Isang kinatawang pinuno na nangangasiwa sa teritoryong ito sa ilalim ng Ehipsiyong Paraon ang nakilala sa titulong “Anak ng Hari ng Kush.” Maliwanag na sa pagtatapos ng ikalawang milenyo B.C.E., ang Etiopia ay nakalaya mula sa kontrol ng Ehipto. Pagkatapos nito, ang kabisera ng Etiopia ay inilagay muna sa Napata, malapit sa ikaapat na talon, at nang dakong huli ay sa Meroë, mga 210 km (130 mi) sa HHS ng Khartoum.

      Kabilang sa mga hukbo ni Paraon Sisak na sumalakay sa Juda noong ikalimang taon ni Rehoboam (993 B.C.E.) ang mga mandirigmang Etiope. (2Cr 12:2, 3) Pagkatapos ng ikasampung taon ni Haring Asa, o noong mga 967 B.C.E., nilusob ng Etiopeng si Zera ang Juda kasama ang isang milyong lalaki ngunit lubusan silang natalo sa Maresa.​—2Cr 14:1, 9-15; 16:8.

      Ipinakikita ng sekular na kasaysayan na noong pagtatapos ng ikawalong siglo B.C.E., nilupig ng Etiopia ang Ehipto at pinamunuan ito nang mga 60 taon. Naganap ito noong “Ikadalawampu’t limang (Etiopeng) Dinastiya,” anupat kabilang sa mga tagapamahala nito si Haring Taharqa, tinatawag na Tirhaka sa Bibliya. Ang haring ito ay umahon laban sa mga hukbo ni Senakerib noong salakayin ng mga ito ang Juda (732 B.C.E.) ngunit, ayon sa mga inskripsiyong Asiryano, natalo siya sa Elteke(h).​—2Ha 19:9; Isa 37:8, 9.

      Sinalakay ng mga Asiryanong emperador na sina Esar-hadon at Ashurbanipal ang Ehipto noong panahon ng kani-kanilang paghahari, at dahil sa pagkawasak ng Thebes sa Mataas na Ehipto (tinatawag na No-amon sa Na 3:8-10) sa kamay ni Ashurbanipal (mga 684 B.C.E.), lubusang nasupil ang Ehipto at nagwakas din ang pamumuno ng Etiopia sa libis ng Nilo. Ito’y katuparan ng hula na binigkas ng propetang si Isaias mga kalahating siglo bago nito.​—Isa 20:3-6.

      Sa pagbabaka sa Carkemis noong 625 B.C.E., mga Etiope ang bumubuo sa isang bahagi ng hukbo ni Paraon Neco, na dumanas ng pagkatalo sa mga kamay ni Nabucodonosor. (Jer 46:2, 9) Ang pagsalakay ni Nabucodonosor sa Ehipto nang dakong huli (posibleng 588 B.C.E.) ay nagdulot ng “matitinding kirot” sa Cus at ‘nagpanginig sa nagtitiwala-sa-sariling Etiopia [Cus].’​—Eze 29:19; 30:4-9.

      Nalupig ng Persianong si Haring Cambyses II (529-522 B.C.E.) ang Ehipto noong mga araw ni Paraon Psamtik III, at ito ang nagbukas ng daan upang ang Etiopia ay mapasailalim ng kontrol ng Persia; sa gayon ay masasabing namahala si Ahasuero (Jerjes I) “mula sa India hanggang sa Etiopia [Cus].” (Es 1:1; 8:9) Bilang katibayan nito, sinabi ni Jerjes sa isang inskripsiyon: “Ito ang mga bansa​—bukod pa sa Persia​—na pinaghaharian ko . . . India . . . (at) Kush.”​—Ancient Near Eastern Texts, p. 316.

      Inihula na ang mga Judeanong tapon ay babalik sa kanilang sariling lupain mula sa malalayong dako, kabilang na rito ang Cus. (Isa 11:11, 12; ihambing ang Zef 3:10.) Sa hula ni Daniel tungkol sa “panahon ng kawakasan,” binabanggit na ang Etiopia at Libya ay ‘susunod sa mga hakbang’ ng agresibong “hari ng hilaga,” samakatuwid nga, tutugon sa pangunguna nito. (Dan 11:40-43) Ang Etiopia (Cus) ay kabilang din sa balakyot na mga hukbong pandigma ni “Gog ng lupain ng Magog” sa tulad-bagyong pagsalakay nito sa mga muling tinipon ni Jehova “sa huling bahagi ng mga taon.” (Eze 38:2-5, 8) Gayunman, paborableng inihula ng salmista na ang Cus ay mapapabilang sa mga magdadala ng mga kaloob sa Diyos.​—Aw 68:29-32.

  • Cusita
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Gayunman, ang “Cusita” ay pangunahin nang tumutukoy sa mga Aprikanong naninirahan sa rehiyon na tinatawag na Etiopia noong sinaunang panahon. Bukod pa kay “Zera na Etiope [Cusita]” at kay “Tirhaka na hari ng Etiopia” (2Cr 14:9; 2Ha 19:9), ang iba pang mga Cusita na binanggit sa Bibliya ay si Ebed-melec (Jer 38:7-12; 39:16-18), ang bating na Etiope na nakumberte sa Kristiyanismo, at ang reyna na pinaglingkuran nito, si Candace. (Gaw 8:26, 27) Pinili ni Heneral Joab ang isang mananakbong Cusita na di-binanggit ang pangalan (tinawag na Cusi sa KJ) sa halip na isang Israelita upang maghatid kay David ng balita tungkol sa pagkatalo at pagkamatay ng anak nitong si Absalom.​—2Sa 18:19-32; tingnan ang CUS Blg. 2.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share