-
ArkeolohiyaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Makikitang may ilang pagkakatulad ang mga ito sa mga kaugaliang inilalarawan sa ulat ng Genesis may kaugnayan sa mga patriyarka. Ang kaugalian ng mag-asawang walang anak na mag-ampon ng bata, iyon man ay ipinanganak na malaya o alipin, upang mag-alaga sa kanila, maglibing sa kanila, at maging kanilang tagapagmana, ay may pagkakahawig sa pananalita ni Abraham sa Genesis 15:2 tungkol sa kaniyang pinagkakatiwalaang alipin na si Eliezer. Inilalarawan sa mga teksto ang pagbibili ng pagkapanganay, na nagpapaalaala sa kaso nina Jacob at Esau. (Gen 25:29-34) Ipinakikita rin sa mga iyon na ang pagmamay-ari ng mga diyos ng pamilya, kadalasa’y maliliit na piguring luwad, ay itinuturing na katumbas ng pagtataglay ng titulo, anupat ang isa na nagmamay-ari ng mga diyos ay itinuturing na siyang may karapatan sa ari-arian o sa pagmamana nito. Maaaring iyon ang dahilan kung bakit kinuha ni Raquel ang terapim ng kaniyang amang si Laban at kung bakit gayon na lamang ang pagkabahala nito na mabawi ang mga iyon.—Gen 31:14-16, 19, 25-35.
Ehipto. Ang pinakadetalyadong paglalarawan sa Bibliya tungkol sa Ehipto ay may kaugnayan sa pagpasok doon ni Jose at, nang maglaon, sa pagdating at pakikipamayan doon ng buong pamilya ni Jacob. Ipinakikita ng mga natuklasan sa arkeolohiya na tumpak na tumpak ang paglalarawang iyon, anupat hindi iyon maihaharap sa gayong paraan ng isang manunulat na nabuhay nang dakong huli (gaya ng sinasabi ng ilang kritiko tungkol sa sumulat ng bahaging iyon ng ulat ng Genesis). Gaya nga ng sinabi ng aklat na New Light on Hebrew Origins ni J. G. Duncan (1936, p. 174) may kinalaman sa manunulat ng ulat tungkol kay Jose: “Gumagamit siya ng tamang titulo na ginagamit noon at ginagamit niya iyon sa eksaktong paraan ng paggamit noong yugtong tinutukoy, at, kapag walang katumbas sa Hebreo, ginagamit na lamang niya ang salitang Ehipsiyo at tinutumbasan ito ng transliterasyon sa Hebreo.” Ang mga pangalang Ehipsiyo, ang posisyon ni Jose bilang tagapamahala sa sambahayan ni Potipar, ang mga bahay-bilangguan, ang mga titulong “pinuno ng mga katiwala ng kopa” at “pinuno ng mga magtitinapay,” ang kahalagahan ng mga panaginip sa mga Ehipsiyo, ang kaugalian ng mga magtitinapay na Ehipsiyo na sunungin sa kanilang ulo ang mga basket ng tinapay (Gen 40:1, 2, 16, 17), ang posisyon bilang punong ministro at administrador ng pagkain na iginawad ni Paraon kay Jose, ang paraan ng pagtatalaga sa kaniya sa katungkulan, ang pagkarimarim ng mga Ehipsiyo sa mga tagapagpastol ng tupa, ang malaking impluwensiya ng mga mahiko sa korte ng Ehipto, ang paninirahan ng nakikipamayang mga Israelita sa lupain ng Gosen, ang mga kaugalian ng mga Ehipsiyo sa paglilibing—ang lahat ng ito at ang marami pang ibang bagay na inilalarawan sa rekord ng Bibliya ay malinaw na pinatutunayan ng arkeolohikal na mga katibayan mula sa Ehipto.—Gen 39:1–47:27; 50:1-3.
-
-
ArkeolohiyaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Partikular na nakatatawag-pansin ang paglitaw ng mga pangalang Peleg, Serug, Nahor, Tera, at Haran, na pawang nakatala bilang mga lunsod ng hilagang Mesopotamia at nagpapaalaala sa mga pangalan ng mga kamag-anak ni Abraham.—Gen 11:17-32.
-