-
PentecostesKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
PENTECOSTES
Isang pangalang ginagamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan upang tumukoy sa Kapistahan ng Pag-aani (Exo 23:16) o Kapistahan ng mga Sanlinggo (Exo 34:22), na tinatawag ding “araw ng mga unang hinog na bunga.” (Bil 28:26) Ang mga tagubilin para sa kapistahang ito ay nasa Levitico 23:15-21; Bilang 28:26-31; at Deuteronomio 16:9-12. Dapat itong ipagdiwang sa ika-50 araw (ang Pentecostes ay nangangahulugang “Ikalimampu”) mula Nisan 16, ang araw kung kailan inihahandog ang tungkos ng sebada. (Lev 23:15, 16) Pumapatak ito sa Sivan 6 ng kalendaryong Judio. Ito ay ginaganap pagkatapos ng pag-aani ng sebada at sa pasimula ng pag-aani ng trigo, na mas huling nahihinog kaysa sa sebada.—Exo 9:31, 32.
Hindi pinahihintulutan ang mga Israelita na simulan ang pag-aani hangga’t hindi pa naihahandog kay Jehova ang mga unang bunga ng sebada sa araw ng Nisan 16. Kaayon nito, tinagubilinan sila sa Deuteronomio 16:9, 10: “Mula sa unang paggamit ng karit sa nakatayong halamang butil ay magpapasimula kang bumilang ng pitong sanlinggo. Pagkatapos ay ipagdiriwang mo ang kapistahan ng mga sanlinggo kay Jehova na iyong Diyos.” Ang bawat lalaki ay dapat dumalo, at sinabi rin may kaugnayan sa kapistahang ito: “Magsasaya ka sa harap ni Jehova na iyong Diyos, ikaw at ang iyong anak na lalaki at ang iyong anak na babae at ang iyong aliping lalaki at ang iyong aliping babae at ang Levita na nasa loob ng iyong mga pintuang-daan at ang naninirahang dayuhan at ang batang lalaking walang ama at ang babaing balo, na nasa gitna mo, sa dakong pipiliin ni Jehova na iyong Diyos upang doon patahanin ang kaniyang pangalan.” (Deu 16:11) Ang Paskuwa ay partikular nang isang pampamilyang pagdiriwang. Sa kabilang dako, ang Kapistahan ng Pag-aani, o Pentecostes, ay humihiling ng pagiging mas mapagpatuloy at bukas-palad, anupat sa ganitong diwa ay katulad ito ng Kapistahan ng mga Kubol.
Ang paghahandog ng mga unang bunga ng pag-aani ng trigo ay naiiba sa paghahandog ng mga unang bunga ng sebada. Dalawang ikasampu ng isang epa ng mainam na harinang trigo (4.4 L; 4 na tuyong qt) na may kasamang lebadura ang niluluto upang maging dalawang tinapay. Ang mga iyon ay dapat na “mula sa inyong mga tahanang dako,” na nangangahulugang ang mga iyon ay kagaya ng tinapay na niluluto bilang pang-araw-araw na pagkain ng pamilya at hindi pantanging ginawa para sa banal na mga layunin. (Lev 23:17) May kasama ang mga iyon na mga handog na sinusunog at isang handog ukol sa kasalanan, at dalawang lalaking kordero bilang handog na pansalu-salo. Ilalagay ng saserdote ang mga tinapay at ang mga piraso ng kordero sa kaniyang mga palad at pagkatapos ay ikakaway niya ang mga ito nang paroo’t parito sa harap ni Jehova bilang sagisag ng paghahandog ng mga ito sa Kaniya. Pagkatapos na maihandog ang mga tinapay at mga kordero, ang mga iyon ay mapupunta sa saserdote upang kainin niya bilang handog na pansalu-salo.—Lev 23:18-20.
May kinalaman sa iba pang mga handog (maliban sa handog na pansalu-salo), ang ulat ng Bilang 28:27-30 ay naiiba nang kaunti sa Levitico 23:18, 19. Sa halip na pitong kordero, isang guyang toro, dalawang barakong tupa, at isang anak ng kambing, na siyang mababasa sa Levitico, ang hinihiling sa Mga Bilang ay pitong kordero, dalawang guyang toro, isang barakong tupa, at isang anak ng kambing. Sinasabi ng mga Judiong komentarista na ang hain na binabanggit sa Levitico ay tumutukoy sa hain na kasama ng mga tinapay na ikinakaway, at yaon namang nasa Mga Bilang ay tumutukoy sa itinalagang hain para sa kapistahan, anupat parehong inihahandog ang mga haing ito. Bilang suporta rito, nang ilarawan ni Josephus ang mga hain sa araw ng Pentecostes, binanggit muna niya ang dalawang kordero na handog na pansalu-salo, at pagkatapos ay pinagsama-sama niya ang iba pang mga handog, samakatuwid nga, tatlong guya, dalawang barakong tupa (dapat ay tatlo ngunit maliwanag na nagkamali ang tagakopya), 14 na kordero, at dalawang anak ng kambing. (Jewish Antiquities, III, 253 [x, 6]) Ang araw na ito ay isang banal na kombensiyon, isang araw ng sabbath.—Lev 23:21; Bil 28:26.
-
-
PentecostesKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Sa panahon ng kapistahang ito, marami ring personal na mga handog na ibinibigay ang mga Israelita mula sa mga unang bunga ng kanilang ani.
-
-
PentecostesKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Pagkatapos na maihandog ang regular na pang-umagang hain, ang mga haing pangkapistahan na inilarawan sa Bilang 28:26-30 ay dinadala. Kasunod nito, inihahain ang handog na para lamang sa Pentecostes—ang mga tinapay na ikinakaway at ang mga haing kasama ng mga ito. (Lev 23:18-20) Pagkatapos na maikaway ang mga tinapay, ang isa sa mga ito ay kukunin ng mataas na saserdote, at ang ikalawa naman ay paghahati-hatian ng lahat ng mga nanunungkulang saserdote.
-