-
CesareaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
CESAREA
[Ni (Kay) Cesar].
Isang mahalagang daungang lunsod na itinayo ni Herodes na Dakila sa baybaying dagat ng Mediteraneo noong huling bahagi ng unang siglo B.C.E. Ang orihinal na lokasyon nito ay kilala noon bilang Tore ni Straton o Strato, anupat ipinapalagay na isinunod sa pangalan ng isang tagapamahalang Sidonio. Ang sinaunang pangalan nito ay naingatan sa pangalang Arabe na Qaisariye (na sa ngayon ay tinatawag na Horvat Qesari sa Hebreo). Ito’y mga 40 km (25 mi) sa T ng Bundok Carmel at mga 87 km (54 na mi) sa HHK ng Jerusalem.
Ang Cesarea, na pinatayuan ni Herodes na Dakila ng pangharang sa alon (na ngayon ay nakalubog na) upang makalikha ng artipisyal na daungan
Ang Judiong istoryador na si Josephus ang pangunahing mapagkukunan ng impormasyon tungkol sa pagtatayo ng lunsod at sa maagang kasaysayan nito. Ang lugar na ito, pati na ang Samaria at iba pang bayan, ay ipinagkaloob ni Cesar Augusto kay Herodes na Dakila. Pagkatapos na muling maitayo ni Herodes ang Samaria, na pinangalanan niyang Sebaste, pinagtuunan naman niya ng pansin ang baybaying dagat at nagtayo siya ng isang maringal na daungan at lunsod sa Tore ni Strato. Ang pagtatayo ay inabot nang 10 hanggang 12 taon, at pinasinayaan ito noong mga 10 B.C.E. (ayon sa ilang iskolar). Ang mga proyektong ito ay pinangalanan ni Herodes bilang parangal kay Cesar Augusto—ang lunsod ay tinawag na Cesarea, samantalang ang daungang-dagat nito ay tinawag na Sebastos (na Griego para sa Augusto). Napakaganda ng materyales at ng pagkakatayo ng lunsod, at mayroon itong isang templo, isang dulaan, at isang malaking ampiteatro na doo’y kasya ang napakaraming tao. Isang paagusan ang nagdadala ng sariwang tubig sa Cesarea, at isang sistema ng mga kanal sa ilalim ng lunsod ang naglalabas ng tubig at dumi patungo sa dagat. Gayunman, ang pinakamahalagang proyekto ay ang pagtatayo ng artipisyal na daungan ng lunsod.
-