-
Hebreo, IKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
HEBREO, I
Ang katawagang “Hebreo” ay unang ginamit kay Abram, sa gayon ay ipinakikita ang kaibahan niya sa kaniyang mga kapitbahay na Amorita. (Gen 14:13) Pagkatapos nito, sa halos lahat ng kaso ng paggamit dito, ang terminong “(mga) Hebreo” ay patuloy na ginamit bilang isang katawagang nagpapahiwatig ng pagiging naiiba—anupat ang nagsasalita ay mula sa isang bansang di-Israelita (Gen 39:13, 14, 17; 41:12; Exo 1:16; 1Sa 4:6, 9), o isang Israelita na nagsasalita sa isang banyaga (Gen 40:15; Exo 1:19; 2:7; Jon 1:9), o may binabanggit na mga banyaga (Gen 43:32; Exo 1:15; 2:11-13; 1Sa 13:3-7).
Gaya ng ipinakikita sa nabanggit na mga teksto, ang katawagang “Hebreo” ay pamilyar na sa mga Ehipsiyo noong ika-18 siglo B.C.E. Waring ipinahihiwatig nito na sina Abraham, Isaac, at Jacob ay nakilala nang malawakan, anupat alam ng marami ang bansag na “Hebreo.” Nang banggitin ni Jose ang “lupain ng mga Hebreo” (Gen 40:15) sa dalawa sa mga lingkod ni Paraon, tiyak na ang tinukoy niya ay ang rehiyon sa palibot ng Hebron na matagal nang ginagamit ng kaniyang ama at mga ninuno bilang pinakasentro ng mga gawain.
-
-
Hebreo, IKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Pinanggalingan at Kahulugan ng Termino. Ang mga pangmalas tungkol sa pinanggalingan at kahulugan ng terminong “Hebreo” ay karaniwan nang nauuwi sa mga sumusunod:
Ayon sa isang pangmalas, ang pangalang iyon ay nagmula sa salitang-ugat na ʽa·varʹ, nangangahulugang “dumaan; lumampas; tumawid; bumagtas.” Kaya ang termino ay kakapit kay Abraham bilang ang isa na kinuha ng Diyos “mula sa kabilang ibayo ng Ilog [Eufrates].” (Jos 24:3) Gayon ang pagkaunawa ng mga tagapagsalin ng Griegong Septuagint sa termino kung kaya sa Genesis 14:13 ay tinukoy si Abraham bilang “ang dumaan” sa halip na ang “Hebreo.” Bagaman napakapopular ng teoriyang ito, mayroon din itong mga depekto. Ang hulapi ng terminong ʽIv·riʹ (Hebreo) ay katulad niyaong ginagamit sa ibang mga termino na walang alinlangang mga patronymic, samakatuwid nga, mga pangalang binubuo sa pamamagitan ng paglalakip ng isang unlapi o hulapi na nagpapahiwatig ng kaugnayan sa pangalan ng ama o ninuno ng magulang ng isa. Halimbawa, ang Moh·ʼa·viʹ (Moabita) ay pangunahin nang tumutukoy sa isa na nagmula kay Moab (Moh·ʼavʹ) sa halip na sa isa mula sa isang heograpikong rehiyon; gayundin ang ʽAm·moh·niʹ (Ammonita), Da·niʹ (Danita), at marami pang iba.
Karagdagan pa, kung ang “Hebreo” ay kakapit kay Abraham dahil lamang sa ‘pagtawid’ niya sa Eufrates, waring napakalawak ng termino, anupat maikakapit sa sinumang tao na gayon din ang ginawa—at malamang na maraming nandayuhang gaya niya sa paglipas ng mga siglo. Sa gayong pinagmulan, magiging pantangi lamang ang termino kung ang pagtawid ni Abraham sa Eufrates ay kinilalang dahil sa pagtawag ng Diyos. Pinag-aalinlanganan kung ang bagay na ito ay kinilala ng mga paganong gumamit ng terminong iyon, bagaman hindi naman ito maituturing na imposible.
-
-
Hebreo, IKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Ang ikatlong pangmalas na lubhang kaayon ng katibayan sa Bibliya ay na ang “Hebreo” (ʽIv·riʹ) ay nanggaling sa Eber (ʽEʹver), ang pangalan ng apo sa tuhod ni Sem at isang ninuno ni Abraham. (Gen 11:10-26) Totoo na walang anumang nalalaman tungkol kay Eber maliban sa kaniyang pampamilyang kaugnayan bilang isang kawing sa pagkakasunud-sunod ng angkan mula kay Sem hanggang kay Abraham. Walang anumang namumukod-tanging gawa o iba pang personal na katangian na napaulat na maaaring maging saligan ng napakaprominenteng paggamit ng mga inapo ni Eber sa kaniyang pangalan. Gayunpaman, mapapansin na si Eber ay espesipikong binanggit sa Genesis 10:21, anupat doon ay tinukoy si Sem bilang ang “ninuno ng lahat ng mga anak ni Eber.”
-
-
Hebreo, IKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Kung gayon, malamang na si Eber ay pinili sa mga talaan ng angkan bilang isang pahiwatig mula sa Diyos na ang pagpapala ni Noe na binigkas kay Sem ay pantanging matutupad sa mga inapo ni Eber, anupat ipinakikita ng sumunod na mga pangyayari na mga Israelita ang pangunahing tumanggap ng pagpapalang iyon. Ang gayong espesipikong pagbanggit kay Eber ay magsisilbi rin sa layuning ituro ang linya ng angkan ng ipinangakong Binhi na binanggit sa hula ni Jehova sa Genesis 3:15, sa gayon si Eber ay naging isang espesipikong kawing sa pagitan nina Sem at Abraham.
-