Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Hebreo, I
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • HEBREO, I

      Ang katawagang “Hebreo” ay unang ginamit kay Abram, sa gayon ay ipinakikita ang kaibahan niya sa kaniyang mga kapitbahay na Amorita. (Gen 14:13) Pagkatapos nito, sa halos lahat ng kaso ng paggamit dito, ang terminong “(mga) Hebreo” ay patuloy na ginamit bilang isang katawagang nagpapahiwatig ng pagiging naiiba​—anupat ang nagsasalita ay mula sa isang bansang di-Israelita (Gen 39:13, 14, 17; 41:12; Exo 1:16; 1Sa 4:6, 9), o isang Israelita na nagsasalita sa isang banyaga (Gen 40:15; Exo 1:19; 2:7; Jon 1:9), o may binabanggit na mga banyaga (Gen 43:32; Exo 1:15; 2:11-13; 1Sa 13:3-7).

      Gaya ng ipinakikita sa nabanggit na mga teksto, ang katawagang “Hebreo” ay pamilyar na sa mga Ehipsiyo noong ika-18 siglo B.C.E. Waring ipinahihiwatig nito na sina Abraham, Isaac, at Jacob ay nakilala nang malawakan, anupat alam ng marami ang bansag na “Hebreo.” Nang banggitin ni Jose ang “lupain ng mga Hebreo” (Gen 40:15) sa dalawa sa mga lingkod ni Paraon, tiyak na ang tinukoy niya ay ang rehiyon sa palibot ng Hebron na matagal nang ginagamit ng kaniyang ama at mga ninuno bilang pinakasentro ng mga gawain. Pagkaraan ng mga anim na siglo, tinutukoy pa rin ng mga Filisteo ang mga Israelita bilang “mga Hebreo.” Noong panahon ni Haring Saul, ang “mga Hebreo” at “Israel” ay magkatumbas na mga termino. (1Sa 13:3-7; 14:11; 29:3) Noong ikasiyam na siglo B.C.E. ang propetang si Jonas ay nagpakilala bilang isang Hebreo sa mga magdaragat (posibleng mga taga-Fenicia) na nasa isang barko mula sa daungang-dagat ng Jope. (Jon 1:9) Ipinakita rin ng Kautusan ang kaibahan ng mga aliping “Hebreo” sa mga aliping may ibang lahi o nasyonalidad (Exo 21:2; Deu 15:12), at sa pagtukoy rito, ipinakikita ng aklat ng Jeremias (noong ikapitong siglo B.C.E.) na ang terminong “Hebreo” ay katumbas noon ng “Judio.”​—Jer 34:8, 9, 13, 14.

      Nang maglaon, ang karaniwang tawag ng mga manunulat na Griego at Romano sa mga Israelita ay “mga Hebreo” o kaya’y “mga Judio,” hindi “mga Israelita.”

  • Hebreo, I
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Ang ikalawang pangmalas, na itinataguyod ng ilang iskolar, ay na tumutukoy ang pangalan sa mga nakikipamayan, samakatuwid nga, ‘dumaraan,’ na naiiba sa mga tumatahan o mga namamayan sa isang lugar. (Ihambing ang paggamit ng ʽa·varʹ sa Gen 18:5; Exo 32:27; 2Cr 30:10.) Bagaman ang mga Israelita ay talagang namuhay nang pagala-gala sa loob ng ilang panahon, hindi ganito ang nangyari pagkatapos na masakop ang Canaan. Gayunman, ang pangalang Hebreo ay patuloy na kumapit sa kanila. Maaaring ang isa pang pagtutol sa ideyang ito ay na napakalawak nito anupat sasaklaw ito sa lahat ng grupong pagala-gala. Yamang ipinakikilala si Jehova sa Bibliya bilang ang “Diyos ng mga Hebreo,” maliwanag na hindi ito nangangahulugang ‘lahat ng mga pagala-gala,’ yamang maraming pagala-galang grupo ng mga tao ang sumasamba sa huwad na mga diyos.​—Exo 3:18; 5:3; 7:16; 9:1, 13; 10:3.

      Ang ikatlong pangmalas na lubhang kaayon ng katibayan sa Bibliya ay na ang “Hebreo” (ʽIv·riʹ) ay nanggaling sa Eber (ʽEʹver), ang pangalan ng apo sa tuhod ni Sem at isang ninuno ni Abraham. (Gen 11:10-26) Totoo na walang anumang nalalaman tungkol kay Eber maliban sa kaniyang pampamilyang kaugnayan bilang isang kawing sa pagkakasunud-sunod ng angkan mula kay Sem hanggang kay Abraham. Walang anumang namumukod-tanging gawa o iba pang personal na katangian na napaulat na maaaring maging saligan ng napakaprominenteng paggamit ng mga inapo ni Eber sa kaniyang pangalan. Gayunpaman, mapapansin na si Eber ay espesipikong binanggit sa Genesis 10:21, anupat doon ay tinukoy si Sem bilang ang “ninuno ng lahat ng mga anak ni Eber.” Ipinakikita sa hula ni Balaam noong ika-15 siglo B.C.E. na ang pangalang Eber ay ikinapit sa isang bayan o rehiyon maraming siglo pagkamatay niya. (Bil 24:24) Ang paggamit sa pangalan bilang isang patronymic ay magsisilbi ring kawing ng mga Israelita sa isang partikular na tao na bahagi ng “mga angkan” mula kay Noe, gaya ng nakatala sa Genesis 10:1-32.

      Gaya ng iba pang mga pangmalas na natalakay na, bumabangon ang tanong kung bakit ang “Hebreo,” kung hinalaw sa pangalang Eber, ay ikakapit nang lubhang espesipiko at bukod-tangi sa mga Israelita. Nagkaroon si Eber ng iba pang mga inapo, sa pamamagitan ng kaniyang anak na si Joktan, na wala sa linya ng angkan hanggang kay Abraham (at kay Israel). (Gen 10:25-30; 11:16-26) Waring ang terminong ʽIv·riʹ (Hebreo) ay kakapit sa lahat ng gayong inapo na matuwid na makapag-aangkin na si Eber ay kanilang ninuno. Iminumungkahi ng ilang iskolar na maaaring ganito ang nangyari sa pasimula, ngunit sa paglipas ng panahon, ang pangalan ay nilimitahan sa mga Israelita bilang ang pinakaprominente sa mga Eberita, o mga Hebreo. May mga katulad na pangyayari rin sa ulat ng Bibliya. Bagaman si Abraham ay maraming mga di-Israelitang inapo, kabilang na ang mga Edomita, mga Ismaelita, at ang mga inapo ni Abraham sa pamamagitan ng kaniyang asawang si Ketura, ang mga Israelita ang bukod-tanging tinatawag na “binhi ni Abraham.” (Aw 105:6; Isa 41:8; ihambing ang Mat 3:9; 2Co 11:22.) Sabihin pa, ito ay dahil sa pagkilos ng Diyos alang-alang sa kanila may kaugnayan sa tipang Abrahamiko. Ngunit ang mismong bagay na ginawa sila ng Diyos na isang bansa at ibinigay niya sa kanila ang lupain ng Canaan bilang mana, gayundin ang mga tagumpay laban sa maraming makapangyarihang mga kaaway, ay tiyak na magpapakita ng kaibahan ng mga Israelita hindi lamang sa iba pang mga inapo ni Abraham kundi gayundin sa lahat ng iba pang mga inapo ni Eber. May posibilidad din na naiwala ng marami sa gayong mga inapo ang kanilang pagkakakilanlang “Eberita” dahil sa pakikipag-asawa sa ibang mga bayan.

      Kung gayon, malamang na si Eber ay pinili sa mga talaan ng angkan bilang isang pahiwatig mula sa Diyos na ang pagpapala ni Noe na binigkas kay Sem ay pantanging matutupad sa mga inapo ni Eber, anupat ipinakikita ng sumunod na mga pangyayari na mga Israelita ang pangunahing tumanggap ng pagpapalang iyon. Ang gayong espesipikong pagbanggit kay Eber ay magsisilbi rin sa layuning ituro ang linya ng angkan ng ipinangakong Binhi na binanggit sa hula ni Jehova sa Genesis 3:15, sa gayon si Eber ay naging isang espesipikong kawing sa pagitan nina Sem at Abraham. Ang gayong kaugnayan ay lubos na makakasuwato rin ng katawagan kay Jehova bilang “Diyos ng mga Hebreo.”

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share