Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ezra
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Patungo sa Jerusalem. Noong 468 B.C.E., 69 na taon pagkabalik ng tapat na mga Judiong nalabi mula sa Babilonya sa ilalim ng pangunguna ni Zerubabel, nang ipagkaloob ng Persianong hari na si Artajerjes Longimanus kay Ezra ang “lahat ng kahilingan niya” may kinalaman sa pagparoon sa Jerusalem at pagpapasulong ng dalisay na pagsamba roon. Ayon sa opisyal na liham ng hari, yaong mga Israelita na kusang-loob na nagnanais sumama kay Ezra patungo sa Jerusalem ay dapat na sumama.​—Ezr 7:1, 6, 12, 13.

      Maging noong mga araw ni Ezra, bakit kinailangan ng mga Judiong umalis ng Babilonya ang matibay na pananampalataya?

      Marami sa mga Judio ang yumaman sa Babilonya, ngunit walang gaanong oportunidad sa Jerusalem upang umunlad. Kakaunti lamang ang naninirahan sa Jerusalem. Ang mainam na pasimulang ginawa ng mga Judio sa ilalim ni Zerubabel ay waring naglaho. Isang komentarista, si Dean Stanley, ang nagsabi: “Mangilan-ngilan lamang ang tumatahan sa Jerusalem mismo, at waring naudlot ang naisagawang pagsulong sa ilalim ng mga unang namayan. . . . Tiyak nga na, kung dahil man sa orihinal na kahinaan ng bumabangong pamayanan, o dahil sa ilang bagong pananalakay ng nakapalibot na mga tribo, na dito ay wala tayong malinaw na pahiwatig, ang mga pader ng Jerusalem ay hindi pa rin tapos; malalaking puwang ang naiwan sa mga iyon kung saan ang mga pintuang-daan ay nasunog at hindi nakumpuni; nakakalat sa mga gilid ng mabatong mga burol nito ang mga guho ng mga ito; ang Templo, bagaman tapos na, ay kakaunti pa rin ang mga muwebles at kulang ang mga palamuti.” (Ezra and Nehemiah: Their Lives and Times, ni George Rawlinson, London, 1890, p. 21, 22) Kaya ang pagbabalik sa Jerusalem ay nangahulugan ng kawalan ng posisyon, pagkaputol ng mga ugnayan, pagkakait sa isa ng humigit-kumulang ay maginhawang paraan ng pamumuhay, at ng pagtatatag ng bagong buhay sa isang malayong lupain sa ilalim ng mga kalagayang nakapipighati, mahirap, at posibleng mapanganib, huwag nang banggitin pa ang isang mahaba at delikadong paglalakbay, yamang maraming napopoot na tribong Arabe at iba pang mga kaaway ang maaaring makaengkuwentro. Humiling ito ng sigasig sa tunay na pagsamba, pananampalataya kay Jehova, at lakas ng loob upang isagawa ang paglipat. Mga 1,500 lalaki lamang at ang kani-kanilang pamilya ang nasumpungang handa at may kakayahang pumaroon, marahil ay mga 6,000 sa kabuuan. Mahirap ang atas ni Ezra bilang kanilang lider. Ngunit naihanda si Ezra ng kaniyang nakaraang landasin sa buhay, at nagpakalakas siya kaayon ng kamay ni Jehova na sumasakaniya.​—Ezr 7:10, 28; 8:1-14.

      Naglaan ang Diyos na Jehova ng lubhang kinakailangang materyal na tulong, sapagkat ang pinansiyal na kalagayan sa Jerusalem ay hindi mabuti at ang kayamanan niyaong mga maglalakbay na kasama ni Ezra ay limitado. Napakilos si Haring Artajerjes at ang kaniyang pitong tagapayo na magbigay ng boluntaryong abuloy na gagamitin sa pagbili ng mga hayop na ihahain at ng kanilang mga handog na mga butil at mga handog na inumin. Karagdagan pa, si Ezra ay binigyan ng awtoridad na tumanggap ng mga abuloy para sa layuning ito mula sa nasasakupang distrito ng Babilonya. Kung may anumang lalabis sa mga pondo, pagpapasiyahan ni Ezra at niyaong mga kasama niya kung paano ito magagamit sa pinakamainam na paraan. Ang mga sisidlan para sa paglilingkod sa templo ay dapat na dalhing lahat sa Jerusalem. Kung kinakailangan, ang karagdagang mga pondo ay maaaring makuha mula sa ingatang-yaman ng hari. Ang mga ingat-yaman sa kabilang ibayo ng Ilog ay sinabihan na si Ezra ay maaaring humiling sa kanila ng pilak, trigo, alak, at langis hanggang sa itinakdang dami, at asin na walang takdang dami, at na ang kahilingan nito ay dapat ibigay kaagad. Bukod diyan, ang mga saserdote at mga manggagawa sa templo ay libre sa pagbubuwis. Karagdagan pa, si Ezra ay binigyan ng awtoridad na mag-atas ng mga mahistrado at mga hukom, at ang kahatulan ay dapat na ilapat sa sinuman na hindi sumusunod sa kautusan ng Diyos at sa kautusan ng hari, “ukol man sa kamatayan o ukol sa pagpapalayas, o ukol sa multang salapi o ukol sa pagkabilanggo.”​—Ezr 7:11-26.

      Palibhasa’y kinikilala ni Ezra ang patnubay ni Jehova sa bagay na ito, kaagad niyang isinagawa ang kaniyang atas. Tinipon niya ang mga Israelita sa pampang ng ilog ng Ahava, kung saan niya isinagawa ang tatlong-araw na pagsusuri sa bayan. Dito ay nasumpungan niya na, bagaman kasama nila ang ilang saserdote, walang isa man sa mga di-saserdoteng Levita ang nagboluntaryo, at kailangang-kailangan sila sa paglilingkod sa templo. Dito ay ipinakita ni Ezra ang kaniyang mga kuwalipikasyon bilang isang lider. Palibhasa’y di-nasiraan ng loob sa situwasyong iyon, kaagad siyang nagsugo ng opisyal na delegasyon sa mga Judio sa Casipia. Mabuti ang naging pagtugon ng mga ito, anupat naglaan ng 38 Levita at 220 Netineo. Kasama ang kani-kanilang pamilya, walang alinlangang pinalaki nito ang bilang ng mga kasamahan ni Ezra tungo sa mahigit na 7,000.​—Ezr 7:27, 28; 8:15-20.

      Pagkatapos ay naghayag si Ezra ng isang pag-aayuno upang usisain kay Jehova ang tamang daan. Bagaman ang kaniyang pulutong ay magdadala ng malaking kayamanan, hindi nais ni Ezra na malagay sa kahit kaunting pag-aalinlangan ang pangalan ni Jehova sa pamamagitan ng paghiling ng hukbong tagapaghatid matapos niyang ipahayag sa hari ang kaniyang lubos na pananampalataya sa pagsasanggalang ni Jehova sa kaniyang mga lingkod. Pagkatapos na magsumamo sa Diyos, tumawag siya ng 12 mula sa mga pinuno ng mga saserdote, anupat maingat na tinimbang sa kanila ang abuloy, na sa makabagong-panahong halaga ay maliwanag na nagkakahalaga nang mahigit sa $43,000,000, at ipinagkatiwala iyon sa kanila.​—Ezr 8:21-30.

      Ang kamay ni Jehova ay napatunayang sumasa kay Ezra at sa mga kasama niya, anupat ipinagsanggalang sila mula sa “kaaway sa daan,” kung kaya nakarating sila nang ligtas sa Jerusalem. (Ezr 8:22) Hindi siya nahirapan na makilala siya ng mga saserdote at mga Levita na naglilingkod sa templo, na pinagbigyan niya ng mahahalagang bagay na dinala niya.​—Ezr 8:31-34.

  • Ezra, Aklat ng
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • EZRA, AKLAT NG

      Isang rekord na nagpapakita kung paano tinupad ni Jehova ang kaniyang mga pangako na isauli ang Israel mula sa pagkatapon sa Babilonya at muling itatag ang tunay na pagsamba sa Jerusalem. Kalakip dito ang mga utos ng mga emperador na isauli ang pagsamba kay Jehova sa gitna ng mga Judio pagkatapos ng 70-taóng pagkatiwangwang ng Jerusalem at ang ulat ng mga pagsisikap na ginawa upang maisakatuparan ito sa kabila ng mga hadlang.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share