Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ipahayag na Matuwid
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Tungkol kay Abraham, sinasabing siya’y nanampalataya sa Diyos at “ipinahayag na matuwid”; gayundin, iniuulat na si Rahab ng Jerico ay nagpamalas ng kaniyang pananampalataya sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa kung kaya siya’y ‘ipinahayag na matuwid,’ anupat iniligtas ang kaniyang buhay nang wasakin ang lunsod ng Jerico. (San 2:21-23, 25) Mapapansin na sa liham ni Santiago (na sinipi) at sa liham din ni Pablo sa mga taga-Roma (4:3-5, 9-11), kung saan sinipi niya ang Genesis 15:6, sinasabi na ang pananampalataya ni Abraham ay ‘ibinilang na katuwiran sa kaniya.’ Mauunawaan ang pananalitang ito kung isasaalang-alang ang diwa ng pandiwang Griego na lo·giʹzo·mai, “ibilang,” na ginamit dito.

      Kung paano ‘ibinibilang’ na matuwid. Noong sinaunang panahon, ang pandiwang Griego na lo·giʹzo·mai ay karaniwang ginagamit sa pagkakalkula o pagkukuwenta ng mga numero gaya sa accounting, anupat ginagamit upang tumukoy kapuwa sa isang bagay na itinala sa isang kuwenta bilang debit at gayundin sa isang bagay na itinala bilang credit. Sa Bibliya, ginagamit ito upang mangahulugang “ituring, isipin, isaalang-alang, ibilang, o purihin.” Kaya naman sinasabi ng 1 Corinto 13:5 na ang pag-ibig ay ‘hindi nagbibilang [isang anyo ng lo·giʹzo·mai] ng pinsala’ (ihambing ang 2Ti 4:16); at iniuulat na sinabi ng salmistang si David: “Maligaya ang tao na ang kaniyang kasalanan ay hindi na ibinibilang pa ni Jehova.” (Ro 4:8) Sa mga tumitingin sa mga bagay ayon sa panlabas na anyo, sinabi ni Pablo na kailangan nilang suriin nang wasto ang mga bagay-bagay, anupat tinitingnan ang magkabilang panig ng ledyer, wika nga. (2Co 10:2, 7, 10-12) Kasabay nito, nais ni Pablo na ‘walang sinumang pumuri sa kaniya [isang anyo ng lo·giʹzo·mai; sa literal, maglagay sa kaniyang kredito]’ nang higit sa nararapat may kinalaman sa kaniyang ministeryo.​—2Co 12:6, 7.

      Ang salitang lo·giʹzo·mai ay maaari ring mangahulugang “ituring, tayahin, o ibilang (na kasama sa isang grupo, pangkat, o uri).” (1Co 4:1) Kaya naman sinabi ni Jesus na siya ay ‘ibibilang [isang anyo ng lo·giʹzo·mai] na kasama ng mga tampalasan,’ samakatuwid nga, ituturing o uuriin na kasama nila o waring isa sa kanila. (Luc 22:37) Sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, sinabi ng apostol na sa kaso ng taong di-tuli na tumutupad sa Kautusan, ang kaniyang “di-pagtutuli ay ibibilang na pagtutuli,” samakatuwid nga, ituturing na para bang ito’y pagtutuli. (Ro 2:26) Sa katulad na paraan, ang mga Kristiyano ay hinihimok na ‘ibilang ang kanilang sarili na patay may kaugnayan sa kasalanan ngunit buháy may kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus.’ (Ro 6:11) At ang mga pinahirang Kristiyano na nagmula sa mga Gentil, bagaman hindi mga inapo ni Abraham sa laman, ay “ibinibilang na binhi” ni Abraham.​—Ro 9:8.

      Paano naging posible na ipinahayag na matuwid si Abraham bago namatay si Kristo?

      Gayundin naman, ang pananampalataya ni Abraham, na nilakipan ng mga gawa, ay ‘ibinilang [itinuring] na katuwiran sa kaniya.’ (Ro 4:20-22) Sabihin pa, hindi ito nangangahulugan na siya at ang iba pang mga taong tapat bago ang panahong Kristiyano ay sakdal o malaya sa kasalanan; ngunit dahil sa kanilang pananampalataya sa pangako ng Diyos may kinalaman sa “binhi” at dahil pinagsikapan nilang sundin ang mga utos ng Diyos, hindi sila inuri bilang mga di-matuwid na walang mabuting katayuan sa harap ng Diyos, na gaya ng iba pa sa sangkatauhan. (Gen 3:15; Aw 119:2, 3) Maibigin silang ibinilang ni Jehova na walang-sala, kung ihahambing sa sangkatauhang hiwalay sa Diyos. (Aw 32:1, 2; Efe 2:12) Sa gayon, dahil sa kanilang pananampalataya, ang Diyos ay maaaring magkaroon ng pakikipag-ugnayan sa gayong di-sakdal na mga tao at maaari niya silang pagpalain, anupat ginagawa iyon nang hindi lumalabag sa kaniyang sariling sakdal na mga pamantayan ng katarungan. (Aw 36:10) Gayunman, kinilala ng mga taong iyon na kailangan nila ng katubusan mula sa kasalanan at hinihintay nila ang takdang panahon ng Diyos upang ilaan ito.​—Aw 49:7-9; Heb 9:26.

  • Ipahayag na Matuwid
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Samakatuwid, ang pagpapahayag sa gayong mga Kristiyano bilang matuwid ay mas nakahihigit kaysa sa kaso ni Abraham (at ng iba pang mga lingkod ni Jehova bago ang panahong Kristiyano), na tinalakay na. Upang ipakita ang saklaw ng pagbibigay-katuwiran kay Abraham, ang alagad na si Santiago ay sumulat: “Ang kasulatan ay natupad na nagsasabi: ‘Si Abraham ay nanampalataya kay Jehova, at ibinilang itong katuwiran sa kaniya,’ at siya ay tinawag na ‘kaibigan ni Jehova.’⁠” (San 2:20-23) Kaya dahil sa kaniyang pananampalataya, si Abraham ay ipinahayag na matuwid bilang kaibigan ng Diyos, hindi bilang anak ng Diyos na “ipinanganak muli” taglay ang pag-asang mabuhay sa langit. (Ju 3:3) Nililinaw ng rekord ng Kasulatan na ang gayong pribilehiyo ng pagiging anak at ang gayong pag-asang mabuhay sa langit ay hindi bukás sa mga tao bago dumating si Kristo.​—Ju 1:12, 17, 18; 2Ti 1:10; 1Pe 1:3; 1Ju 3:1.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share