Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Makapangyarihan-sa-Lahat
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Ginamit ni Jehova ang titulong “Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” (ʼEl Shad·daiʹ) noong mangako siya kay Abraham may kinalaman sa kapanganakan ni Isaac, isang pangako na doo’y nangailangan si Abraham ng malaking pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos na tuparin ang pangakong iyon. Pagkatapos niyaon ay ginamit ito nang tukuyin ang Diyos bilang ang tagapagpala nina Isaac at Jacob na mga tagapagmana ng tipang Abrahamiko.​—Gen 17:1; 28:3; 35:11; 48:3.

      Kasuwato nito, nang maglaon ay nasabi ni Jehova kay Moises: “Nagpakita ako noon kay Abraham, kay Isaac at kay Jacob bilang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat [beʼElʹ Shad·daiʹ], ngunit may kinalaman sa aking pangalang Jehova ay hindi ako nagpakilala sa kanila.” (Exo 6:3) Hindi ito maaaring mangahulugan na hindi alam ng mga patriyarkang ito ang pangalang Jehova, yamang malimit nila itong gamitin at maging ng mga iba pa na nauna sa kanila. (Gen 4:1, 26; 14:22; 27:27; 28:16) Sa katunayan, sa aklat ng Genesis, na naglalahad ng buhay ng mga patriyarka, ang salitang “Makapangyarihan-sa-lahat” ay lumilitaw lamang nang 6 na ulit, samantalang ang personal na pangalang Jehova ay masusumpungan nang 172 ulit sa orihinal na tekstong Hebreo. Gayunman, bagaman naunawaan ng mga patriyarkang ito, sa pamamagitan ng personal na karanasan, ang karapatan at mga kuwalipikasyon ng Diyos para sa titulong “Makapangyarihan-sa-lahat,” hindi pa sila nagkaroon ng pagkakataong maunawaan ang lubos na kahulugan at mga implikasyon ng kaniyang personal na pangalang Jehova. Hinggil dito, ang The Illustrated Bible Dictionary (Tomo 1, p. 572) ay nagsabi: “Ang naunang pagsisiwalat, sa mga Patriyarka, ay may kinalaman sa mga pangako ukol sa malayong hinaharap; ipinahihiwatig nito na makatitiyak sila na Siya, si Yahweh, ay isang Diyos (ʼel) na may kakayahan (isang posibleng kahulugan ng sadday) na tuparin ang mga iyon. Ang pagsisiwalat sa lugar ng palumpong ay nakahihigit at mas personal, anupat ang kapangyarihan ng Diyos at ang kaniyang kagyat at namamalaging presensiya sa gitna nila ay lubusang nakapaloob sa pamilyar na pangalang Yahweh.”​—Inedit ni J. D. Douglas, 1980.

      Ang pagkakaroon ng isa ng lakas o kapangyarihan ay nagpapahiwatig na may kakayahan siyang isagawa o tuparin ang kaniyang layunin at daigin ang anumang hadlang o pagsalansang sa layuning iyon, at yamang si Jehova ang Makapangyarihan-sa-lahat, walang sinumang makapipigil sa kaniyang kapangyarihan na tuparin ang kaniyang layunin. Kung minsan, ang titulo ng Diyos na “Makapangyarihan-sa-lahat” ay nagpapahiwatig ng marahas na pagkilos, gaya halimbawa sa Awit 68:14, nang ‘ipangalat niya ang mga hari’; sa Joel 1:15, na naglalarawan sa “pananamsam [shodh] mula sa Makapangyarihan-sa-lahat [mi·Shad·daiʹ]” na darating sa “araw ni Jehova”; at sa Isaias 13:6, na nasipi na. Nagbibigay-katiyakan din ito na may kakayahan siyang magpala (Gen 49:25) at isa itong garantiya ng katiwasayan para sa mga nagtitiwala sa kaniya: “Ang sinumang tumatahan sa lihim na dako ng Kataas-taasan ay makasusumpong ng kaniyang matutuluyan sa pinakalilim ng Makapangyarihan-sa-lahat.”​—Aw 91:1.

      Sa aklat ng Job, ang Shad·daiʹ ay lumilitaw nang 31 ulit, anupat ginamit ito ng lahat ng tauhan sa dramang inilahad doon. Ipinakikita roon ang kapangyarihan ni Jehova na magparusa o magdulot ng pighati (Job 6:4; 27:13-23), upang matanto niyaong mga nagsasabi, “Ano ba ang halaga ng Makapangyarihan-sa-lahat, upang paglingkuran natin siya, at paano tayo makikinabang sa pakikipagtalastasan natin sa kaniya?” anupat nagtitiwala sa kanilang sariling lakas, na ipaiinom sa kanila ang “pagngangalit ng Makapangyarihan-sa-lahat.” (Job 21:15, 16, 20) Kaya naman ang Makapangyarihan-sa-lahat ay marapat sa pagkasindak, panghihilakbot pa nga, yamang hindi maaaring ipagwalang-bahala ang kaniyang kalooban ni maaari mang labagin ang kaniyang kautusan nang hindi naparurusahan (Job 6:14; 23:15, 16; 31:1-3), bagaman hindi kaagad nakikita ang pagpapamalas niya ng lakas. (Job 24:1-3, 24; ihambing ang Exo 9:14-16; Ec 8:11-13.) Gayunman, ang kaniyang kapangyarihan at lakas ay laging ginagamit nang lubusang kaayon ng katarungan at katuwiran, hindi kailanman sa walang-kontrol, walang-pakundangan, pabagu-bago, o iresponsableng paraan. (Job 34:10, 12; 35:13; 37:23, 24) Kaya naman walang makatuwirang dahilan ang mga tao upang makipagtalo sa kaniya o hanapan siya ng pagkakamali. (Job 40:2-5) Yaong mga nagsasagawa ng katuwiran ay may-pagtitiwalang makalalapit sa kaniya at makapagtatamasa ng personal na kaugnayan sa kaniya. (Job 13:3; 29:4, 5; 31:35-37) Bilang ang Maylalang, siya ang Bukal ng buhay at karunungan.​—Job 32:8; 33:4.

  • Makapangyarihan-sa-Lahat
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Ang Terminong Griego. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang Pan·to·kraʹtor ay lumilitaw nang sampung ulit, at siyam sa mga ito ay nasa aklat ng Apocalipsis. Ang salitang ito ay may saligang kahulugan na “Makapangyarihan-sa-lahat,” o “Pinakamakapangyarihan sa Lahat.” Ang paggamit nito sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay sumusuporta sa pagkaunawa sa terminong Hebreo na Shad·daiʹ bilang nangangahulugang “Makapangyarihan-sa-lahat,” yamang sa Hebreong Kasulatan ay wala nang iba pang katumbas na termino para sa Pan·to·kraʹtor.

      Sa 2 Corinto 6:18, sumipi si Pablo mula sa Hebreong Kasulatan nang himukin niya ang mga Kristiyano na iwasan ang huwad na pagsamba at ang paggamit ng walang-buhay at walang-kapangyarihang mga idolo, upang sila’y maging kuwalipikado bilang mga anak ng “Makapangyarihan-sa-lahat [Pan·to·kraʹtor].” Batay sa mga pagsipi ng apostol, maliwanag na ang nabanggit na titulo ay tumutukoy sa Diyos na Jehova.

      Sa katulad na paraan, sa buong Apocalipsis, ang titulong Pan·to·kraʹtor ay ikinakapit sa Maylalang at Haring Walang Hanggan, si Jehova, gaya sa ‘awit ni Moises na alipin ng Diyos at awit ng Kordero [si Jesu-Kristo],’ na nagbubunyi sa Diyos na Jehova bilang ang isa na karapat-dapat sambahin at katakutan ng lahat ng mga bansa. (Apo 15:3; ihambing ang Apo 21:22.) Ang pagkakapit ng titulong ito sa Diyos na Jehova ay maliwanag na makikita sa Apocalipsis 19:6 kung saan ginagamit ang pananalitang Hallelujah (Purihin ninyo si Jah!). Sa katulad na paraan, ang pananalitang “ang Isa na ngayon at ang nakaraan at ang darating” (Apo 1:8; 4:8) ay maliwanag na tumutukoy sa Diyos na walang hanggan (Aw 90:2), anupat hindi lamang siya Makapangyarihan-sa-lahat noong sinaunang mga panahon kundi maging sa kasalukuyan at hanggang sa hinaharap kung kailan “darating” siya taglay ang pagpapamalas ng kaniyang buong kapangyarihan. Muli, pagkatapos niyang ‘kunin ang kaniyang dakilang kapangyarihan’ upang mamahala bilang hari, marahas na pagkilos ang ipinahihiwatig ng pagpapamalas ng kaniyang poot laban sa mga bansang sumasalansang, sa panahon ng “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apo 11:17, 18; 16:14) Ang kaniyang Anak, si Kristo Jesus, “Ang Salita ng Diyos,” ay ipinakikitang nagpapahayag ng gayong “poot ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” laban sa mga bansa sa kaniyang posisyon bilang haring pinahiran ng Diyos. (Apo 19:13-16) Gayunman, ang gayong makapangyarihang mga kapahayagan ng mga hudisyal na pasiya ng Diyos ay lubusan pa ring kasuwato ng kaniyang mga pamantayan ng katotohanan at katuwiran.​—Apo 16:5-7; tingnan ang DIYOS.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share