Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Kabutihang-loob
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • KABUTIHANG-LOOB

      [sa Ingles, goodwill].

      Kapuwa ang Hebreong ra·tsohnʹ at ang Griegong eu·do·kiʹa at ang kaugnay na mga anyo ng mga salitang ito ay tumutukoy sa bagay na nakalulugod o sa pagkalugod ng isa, at isinasalin ang mga ito bilang “kaluguran,” “ikinalulugod,” “kagustuhan,” “pagsang-ayon,” “kabutihang-loob,” at iba pa.

      Kabutihang-loob ng Diyos. Sa Bibliya, ang nabanggit na mga termino ay ginagamit may kinalaman sa kaluguran, pagsang-ayon, o kabutihang-loob ng Diyos. (Aw 51:18; 106:4; Efe 1:5, 9) Malinaw na inilalahad ng Diyos kung ano ang kahilingan upang mapaluguran siya, at siya ang nagpapasiya kung sino ang tatanggapin niya bilang kaniyang mga kaibigan, kung sino ang tatanggap ng kaniyang kabutihang-loob. Yaong mga nagtatakwil sa kaniyang Salita o naghihimagsik sa kaniya ay hindi tumatanggap ng kaniyang kabutihang-loob, kundi sa halip ay nararanasan nila ang kaniyang pagkayamot.​—Aw 2:5; Heb 3:16-19.

  • Kabutihang-loob
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • “Mga Taong may Kabutihang-loob.” Nang ipatalastas ng isang anghel ang kapanganakan ni Jesus, nagpakita siya, hindi sa relihiyosong mga lider ng mga Judio, kundi sa hamak na mga pastol. Pagkatapos niyang sabihin sa mga pastol ang tungkol sa kapanganakan ng Mesiyas, isang anghelikong hukbo ang naghayag: “Kaluwalhatian sa kaitaasan sa Diyos, at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob.” (Luc 2:14) Ang mga anghel na ito ay hindi naghahayag ng kapayapaan sa mga kaaway ng Diyos, yamang ang mga ito ay walang pakikipagpayapaan sa kaniya. “⁠‘Walang kapayapaan,’ ang sabi ng aking Diyos, ‘para sa mga balakyot.’⁠” (Isa 57:21) Ganito ang salin ng King James Version sa Lucas 2:14: “Kaluwalhatian sa Diyos sa kataas-taasan, at sa lupa ay kapayapaan, kabutihang-loob sa mga tao.” Ngunit dito ay hindi nagpapahayag ang Diyos ng kabutihang-loob sa mga tao sa pangkalahatan; ni ipinangangahulugan man niya na ang kaniyang kapayapaan ay iginagawad sa mga taong nagpapakita lamang ng palakaibigan at mapagparayang saloobin sa kaniya. Sa halip, ang tinutukoy ng Diyos ay yaong mga magpapalugod sa kaniya sa pamamagitan ng taimtim na pananampalataya sa kaniya at magiging mga tagasunod ng kaniyang Anak.

      Ang makabagong mga salin ay kasuwato ng pangmalas na ito at nagbibigay-linaw sa bagay na ito. Ang Revised Standard Version ay kababasahan: “Kapayapaan sa gitna ng mga taong kinalulugdan niya!” Ganito naman ang salin ng The New English Bible sa pariralang ito: “Ang kaniyang kapayapaan para sa mga taong pinagkakalooban niya ng kaniyang pabor.” Ang salin dito ni James Moffatt ay: “Kapayapaan sa lupa para sa mga taong pinapaboran niya!” at ang An American Translation ay kababasahan: “Kapayapaan sa mga taong pinapaboran niya!” Kahawig nito ang mababasa sa iba pang makabagong mga bersiyon.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share