Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Katuwiran
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Ang Diyos ang Nagtatakda ng Pamantayan. Ganito ang sabi ng iskolar sa Griego na si Kenneth S. Wuest: “Ang Diyos ang ganap na pamantayan na nagtatakda ng diwa ng kahulugan ng dikaios [matuwid], at kasabay nito ay pinananatili niyang pareho at di-nagbabago ang diwa ng kahulugan nito, yamang Siya ang Isa na di-nagbabago.” Pagkatapos ay sinipi niya ang sinabi ni Cremer: “Sa diwa ng Bibliya, ang katuwiran ay isang kalagayan ng pagiging matuwid kung saan ang pamantayan ay ang Diyos, na isinusunod sa kaniyang pamantayan, na namamalas sa pag-uugaling iniaayon sa Diyos, at higit sa lahat ay may kinalaman sa kaugnayan nito sa Diyos, at sa paglakad sa harapan Niya. Ito ang, at tinatawag itong dikaiosune theou (katuwiran ng Diyos) (Rom. 3:21, 1:17), katuwiran na taglay ng Diyos, at may halaga sa Kaniya, tulad-Diyos na katuwiran, tingnan ang Efe. 4:24; sa ganitong katuturan ng katuwiran, dumating ang ebanghelyo (Rom. 1:17) sa daigdig ng mga bansa na karaniwang sumusukat dito sa pamamagitan ng ibang pamantayan.”​—Studies in the Vocabulary of the Greek New Testament, 1946, p. 37.

      Ipinakita ni Lucas ang diwa ng pagiging matuwid ng isang tao nang sabihin niya tungkol sa saserdoteng si Zacarias at sa asawa nitong si Elisabet (mga magulang ni Juan na Tagapagbautismo): “Sila ay kapuwa matuwid sa harap ng Diyos dahil sa paglakad nang walang kapintasan ayon sa lahat ng mga utos at mga kahilingan ng batas ni Jehova.” (Luc 1:6) Ang katuwiran ay sinusukat sa pamamagitan ng pag-ayon sa kalooban ng Diyos at sa kaniyang mga utos. Maaaring magkaiba-iba ang kaniyang espesipikong mga utos sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang tao​—hindi na naulit pa ang utos niya kay Noe na magtayo ng isang arka at hindi na rin kapit sa mga Kristiyano ang kaniyang utos may kinalaman sa pagtutuli. Gayunpaman, ang personal na mga pamantayan ng Diyos, ang kaniyang personalidad, at kung ano siya, gaya ng ipinahahayag ng kaniyang mga salita at mga daan, ay hindi nagbabago kailanman anupat naglalaan ng sakdal na pamantayan, ‘tulad-bato’ sa katatagan, na magagamit na panukat sa paggawi ng lahat ng kaniyang mga nilalang.​—Deu 32:4; Job 34:10; Aw 92:15; Eze 18:25-31; 33:17-20.

  • Katuwiran
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Si Jehova, ang Isa na Matuwid. Ang mga salitang Hebreo na tseʹdheq at tsedha·qahʹ at ang Griegong di·kai·o·syʹne ay malimit lumitaw may kinalaman sa pagiging matuwid ng mga daan ng Diyos: bilang Soberano (Job 37:23; Aw 71:19; 89:14), sa pagpapataw at paglalapat ng kahatulan at katarungan (Aw 9:8; 85:11; Isa 26:9; 2Co 3:9), sa pagpaparusa sa nag-aangking bayan niya (Isa 10:22), sa pagbabangong-puri ng kaniyang sarili sa kahatulan (Aw 51:4; Ro 3:4, 5), at sa pagbabangong-puri ng kaniyang bayan (Mik 7:9).

      Si Jehova mismo ay tinatawag na “tinatahanang dako ng katuwiran.” (Jer 50:7) Kaya naman siya ang Isa na Matuwid, at lahat ng katuwiran sa bahagi ng kaniyang mga nilalang ay nagmumula sa kaugnayan nila sa kaniya. Sinusunod ni Jehova ang kaniyang sariling pamantayan ng katuwiran at hindi siya lumilihis dito. Kaya naman lubos na makapagtitiwala sa kaniya ang kaniyang mga nilalang. Ganito ang nasusulat tungkol sa kaniya: “Ang katuwiran at ang kahatulan ang siyang tatag na dako ng iyong trono.”​—Aw 89:14.

      Matuwid habang nagpapakita ng awa. Gayon na lamang ang katuwiran, katarungan, at kadalisayan ni Jehova anupat hindi niya maaaring kunsintihin ang anumang kasalanan. (Aw 5:4; Isa 6:3, 5; Hab 1:13; 1Pe 1:15) Dahil dito, hindi niya maaaring patawarin ang mga kasalanan ng sangkatauhan kung hindi matutugunan ang katarungan​—sa diwa, kung walang legal na saligan. Ngunit sa pamamagitan ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan, ginawa niya ang makatarungang kaayusang ito sa pamamagitan ng paglalaan ng kaniyang Anak bilang isang haing handog, isang pampalubag-loob, o isang panakip sa mga kasalanan. Sa ganitong paraan, matuwid siyang makapagpapakita ng awa sa mga makasalanang tumatanggap sa kaayusang ito. Ipinapahayag ni Pablo ang bagay na ito sa ganitong paraan: “Ngunit ngayon hiwalay sa kautusan ay inihayag ang katuwiran ng Diyos, . . . oo, ang katuwiran ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo . . . Sapagkat ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos, at isa ngang kaloob na walang bayad na sila ay ipinahahayag na matuwid ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan sa pamamagitan ng pagpapalaya dahil sa pantubos na ibinayad ni Kristo Jesus. . . . upang siya [ang Diyos] ay maging matuwid kahit ipinahahayag niyang matuwid ang taong [likas na makasalanan ngunit] may pananampalataya kay Jesus.”​—Ro 3:21-26; tingnan ang IPAHAYAG NA MATUWID.

      Hanapin ang Katuwiran ng Diyos. Pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig: ‘Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang katuwiran ng Diyos, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.’ (Mat 6:33) Kailangan na patuluyang hanapin ng isa ang Kaharian; dapat niyang nasain ang pamahalaang iyon at maging matapat doon. Ngunit hindi niya dapat kalimutan na iyon ay Kaharian ng Diyos; dapat siyang umayon sa kalooban ng Diyos, sa pamantayan ng Diyos ng tama at maling paggawi, at dapat niyang patuluyang ‘baguhin ang kaniyang pag-iisip’ upang ang bawat pitak ng kaniyang buhay ay maging alinsunod sa katuwiran ng Diyos. (Ro 12:2) Dapat siyang “magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.”​—Efe 4:23, 24.

      Inakala ng mga Judio na ligtas sila at tatanggapin nila ang Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pagsisikap na itatag ang sarili nilang katuwiran, ngunit hindi sila nagpasakop sa katuwiran ng Diyos. (Ro 10:1-3) Iyan ang dahilan kung bakit sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Sapagkat sinasabi ko sa inyo na kung ang inyong katuwiran ay hindi nananagana nang higit kaysa roon sa mga eskriba at mga Pariseo, hindi kayo sa anumang paraan makapapasok sa kaharian ng langit.” Ang mga taong ito ay may anyo ng katuwiran sa kanilang pagsunod sa ilang kahilingan ng Kautusan at sa mga tradisyong idinagdag nila. Ngunit sa katunayan ay pinawalang-bisa nila ang salita ng Diyos dahil sa kanilang tradisyon, at itinakwil nila si Kristo, ang daang inilaan ng Diyos na sa pamamagitan niya ay maaari sana silang magtamo ng tunay na katuwiran.​—Mat 5:17-20; 15:3-9; Ro 10:4.

      Ang katuwiran ay hindi sa pamamagitan ng sariling mga gawa. Dahil dito, maliwanag na ang di-sakdal na mga tao ay hindi kailanman makapagtatamo ng tunay na katuwiran​—hindi nila maaabot ang katuwiran ng Diyos​—sa pamamagitan man ng pagsandig sa mga gawa ng Kautusang Mosaiko o sa pamamagitan ng sarili nilang mga gawang pagmamatuwid sa sarili. (Ro 3:10; 9:30-32; Gal 2:21; 3:21; Tit 3:5) Ang mga taong tinawag ng Diyos bilang “matuwid” ay mga taong nanampalataya sa Diyos at hindi nagtiwala sa kanilang sariling mga gawa kundi sinuhayan nila ang pananampalatayang iyon sa pamamagitan ng mga gawang kasuwato ng kaniyang matuwid na pamantayan.​—Gen 15:6; Ro 4:3-9; San 2:18-24.

      Ang Kautusan ay matuwid. Hindi ito nangangahulugan na wala sa Kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang pamantayan ng Diyos sa katuwiran. Ang totoo ay nakapaloob ito roon. Nagpaliwanag ang apostol: “Kaya nga, sa ganang sarili, ang Kautusan ay banal, at ang utos ay banal at matuwid at mabuti.” (Ro 7:12; Deu 4:8) Tinupad nito ang layunin ng Diyos na mahayag ang mga pagsalansang at maging tagapagturo na aakay sa tapat-pusong mga Judio tungo kay Kristo, at ang pagkakaroon din ng anino ng mabubuting bagay na darating. (Gal 3:19, 24; Heb 10:1) Ngunit hindi ito nakapagdulot ng tunay at lubos na katuwiran sa mga nasa ilalim nito. Lahat sila ay mga makasalanan; hindi nila kayang tuparin nang ganap ang Kautusan; at hindi nagawang alisin ng kanilang mataas na saserdote ang kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang mga hain at mga paglilingkod. Dahil dito, makapagtatamo lamang sila ng katuwiran sa pamamagitan ng pagtanggap sa paglalaan ng Diyos ng kaniyang Anak. (Ro 8:3, 4; Heb 7:18-28) Yaong mga tumatanggap kay Kristo ay ipinahahayag na matuwid, hindi bilang kabayaran, kundi bilang kaloob, at sa kanila, si Kristo ay naging “karunungan mula sa Diyos, at katuwiran din at pagpapabanal at pagpapalaya sa pamamagitan ng pantubos.” Alinsunod dito, sa pamamagitan lamang ni Kristo maaaring dumating ang tunay na katuwiran. Dinadakila nito si Jehova, anupat ibinibigay sa kaniya, at hindi sa tao o sa sariling mga gawa, ang papuri bilang ang Bukal ng lahat ng katuwiran, “upang maging gaya nga ng nasusulat: ‘Siya na naghahambog, ipaghambog niya si Jehova.’⁠”​—1Co 1:30, 31; Ro 5:17.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share