-
SumpaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Ang shevu·ʽahʹ ay tumutukoy sa sinumpaang kapahayagan ng isang tao na nagsasaad na gagawin niya o hindi niya gagawin ang isang partikular na bagay. Ang salitang ito ay hindi nagpapahiwatig ng pagnanais na sapitan ng masamang bagay ang isa na nanumpa kapag hindi niya iyon tinupad. Ito ang salitang ginamit para sa sumpa, o sinumpaang kapahayagan, na binitiwan kay Abraham ni Jehova, na hindi kailanman nabibigo sa pagtupad ng kaniyang salita at hindi maaaring sapitan ng anumang bagay na masama.—Gen 26:3.
Ang isa pang salitang Hebreo na ginamit ay ʼa·lahʹ, nangangahulugang “sumpa.” (Gen 24:41, tlb sa Rbi8) Maaari rin itong isalin bilang “sumpaang pananagutan.” (Gen 26:28) Ang terminong ito ay binibigyang-katuturan ng Hebreo at Aramaikong leksikon nina Koehler at Baumgartner (p. 49) bilang isang “sumpa (pagbabanta ng kapahamakan kapag may naganap na paglabag), na ipinapataw ng isang tao sa kaniyang sarili o ipinapataw sa kaniya ng iba.” Noong sinaunang panahong Hebreo, ang panunumpa ay itinuturing na isang napakaseryosong bagay. Dapat tuparin ang sumpa, ikapinsala man ito ng isa na sumumpa. (Aw 15:4; Mat 5:33) Ang isang tao ay ituturing na nagkasala sa harap ni Jehova kapag nagsalita siya nang di-pinag-iisipan sa isang sinumpaang kapahayagan. (Lev 5:4) Ang paglabag sa isang sumpa ay magdudulot ng malulubhang kaparusahan mula sa Diyos. Sa sinaunang mga bansa at partikular na sa mga Hebreo, ang panunumpa ay maituturing na isang relihiyosong pagkilos, anupat nagsasangkot sa Diyos. Sa paggamit ng terminong ʼa·lahʹ, ipinahihiwatig ng mga Hebreo na ang Diyos ay isang partido sa sumpa at na handa silang tumanggap ng anumang kahatulan na nais Niyang ipataw sakaling hindi sila maging tapat sa kanilang ipinanumpa. Ang terminong ito ay hindi kailanman ginagamit ng Diyos may kaugnayan sa kaniyang sariling mga sumpa.
-
-
SumpaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Mga Pananalitang Ginagamit sa Panunumpa. Kadalasan, ang sumpa ay ipinanunumpa sa pamamagitan ng Diyos o sa pangalan ng Diyos. (Gen 14:22; 31:53; Deu 6:13; Huk 21:7; Jer 12:16) Ipinanumpa ni Jehova ang kaniyang sarili, o ang kaniyang buhay. (Gen 22:16; Eze 17:16; Zef 2:9) Kung minsan, gumagamit ang mga tao ng pormal na mga pananalita, gaya ng, “Gayon nawa ang gawin sa akin [o, sa iyo] ni Jehova at dagdagan pa iyon kung . . . ” ako (o ikaw) ay hindi tutupad sa sinumpaan. (Ru 1:17; 1Sa 3:17; 2Sa 19:13) Nagiging mas mariin ang pananalitang ito kapag binanggit ng indibiduwal ang kaniyang sariling pangalan.—1Sa 20:13; 25:22; 2Sa 3:9.
Ang mga pagano ay gumawa rin ng gayong pamamanhik sa kanilang huwad na mga diyos. Si Jezebel na mananamba ni Baal ay namanhik, hindi kay Jehova, kundi sa “mga diyos” (ʼelo·himʹ, lakip ang isang pandiwang pangmaramihan), gaya rin ni Ben-hadad II na hari ng Sirya. (1Ha 19:2; 20:10) Sa katunayan, dahil naging napakalaganap ng gayong mga pananalita, ang idolatriya ay tinukoy sa Bibliya bilang ‘pagsumpa sa pamamagitan ng huwad na diyos,’ o sa pamamagitan niyaong “hindi naman Diyos.”—Jos 23:7; Jer 5:7; 12:16; Am 8:14.
Sa ilang napakaseryosong kaso o kapag ang taimtim na kapahayagan ay may kalakip na matinding damdamin, espesipikong binabanggit ang masasamang bagay o mga kaparusahan na sasapit kapag hindi tinupad ang sumpa. (Bil 5:19-23; Aw 7:4, 5; 137:5, 6) Nang ipinagtatanggol ni Job ang kaniyang pagiging matuwid, inilahad niya ang kaniyang naging buhay at ipinahayag niya na handa siyang sumailalim sa pinakamatitinding kaparusahan kung masusumpungang nilabag niya ang mga kautusan ni Jehova hinggil sa pagkamatapat, katuwiran, katarungan, at moralidad.—Job 31.
Kapag nililitis noon ang isang asawang babae dahil sa paninibugho ng kaniyang asawa, hinihilingan siyang sumagot ng “Amen! Amen!” sa panunumpa at sa sumpa na binasa ng saserdote, sa gayo’y nanunumpa na hindi siya nagkasala.—Bil 5:21, 22.
Ang ilang kapahayagan na para na ring sumpa ay kadalasan nang pinagtitibay hindi lamang sa pamamagitan ng pangalan ni Jehova kundi gayundin sa pamamagitan ng buhay ng hari o ng isa na nakatataas. (1Sa 25:26; 2Sa 15:21; 2Ha 2:2) Karaniwan nang binibigkas ang pananalitang “buháy si Jehova” upang ipakita na talagang seryoso ang kapasiyahan ng isa o na talagang totoo ang kaniyang sinabi. (Huk 8:19; 1Sa 14:39, 45; 19:6; 20:3, 21; 25:26, 34) Ang panunumpa naman sa pamamagitan ng buhay ng taong kausap, gaya halimbawa ng mga salita ni Hana kay Eli (1Sa 1:26) at ng sinabi ni Uria kay Haring David (2Sa 11:11; gayundin ang 1Sa 17:55), ay isang di-gaanong mapuwersang pananalita na maaaring hindi nilayon na ituring na isang sumpa ngunit nagpapahiwatig ng napakaseryosong intensiyon at binibigkas upang bigyang-katiyakan ang kausap.
Mga Pamamaraan o mga Pagkilos sa Panunumpa. Waring ang pagtataas ng kanang kamay tungo sa langit ang pinakamalimit na ginagawa kapag nanunumpa. Makasagisag na inilalarawan si Jehova bilang bumibigkas ng sumpa sa ganitong paraan. (Gen 14:22; Exo 6:8; Deu 32:40; Isa 62:8; Eze 20:5) Sa isa sa mga pangitain ni Daniel, isang anghel ang nagtaas ng dalawang kamay sa langit nang ito ay manumpa. (Dan 12:7) Hinggil sa mga bulaang manunumpa, sinasabing ang kanilang “kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.”—Aw 144:8.
-
-
SumpaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Kalimitan ay may kalakip na sumpa ang paggawa ng tipan. Karaniwan nang binibigkas sa gayong mga kaso ang pananalitang: “Ang Diyos ay saksi sa akin at sa iyo.” (Gen 31:44, 50, 53) Ginagamit din ang gayong pananalita upang patibayin ang pagiging totoo ng isang bagay na ipinahayag. Nanawagan si Moises sa langit at sa lupa bilang mga saksi nang talakayin niya ang papel ng Israel sa kanilang pinanumpaang tipan kay Jehova. (Deu 4:26)
-
-
SumpaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Sa Israel, ang mga panata ay kasingseryoso ng sumpa, kasingsagrado, at dapat tuparin mangahulugan man iyon ng kalugihan sa nanata. Ang Diyos ay itinuturing na nagbabantay upang tiyaking tinutupad ang mga panata at nagpapasapit ng kaparusahan sa mga hindi tumutupad ng mga ito. (Bil 30:2; Deu 23:21-23; Huk 11:30, 31, 35, 36, 39; Ec 5:4-6)
-
-
SumpaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Sa kaniyang Sermon sa Bundok, itinuwid ni Jesu-Kristo ang mga Judio sa kanilang di-seryoso, padalus-dalos, at walang-ingat na paggawa ng mga sumpa. Naging pangkaraniwan na lamang sa kanila na ipanumpa ang langit, ang lupa, ang Jerusalem, at maging ang kanilang sariling ulo. Ngunit yamang ang langit ay “trono ng Diyos,” ang lupa ay “tuntungan” niya, ang Jerusalem ay kaniyang maharlikang lunsod, at ang ulo (o buhay) ng isa ay nakadepende sa Diyos, ang paggawa ng gayong mga sumpa ay katumbas ng panunumpa sa pangalan ng Diyos. Hindi iyon dapat gawing biru-biro. Kaya sinabi ni Jesus: “Ang inyo lamang salitang Oo ay mangahulugang Oo, ang inyong Hindi, Hindi; sapagkat ang lumabis sa mga ito ay mula sa isa na balakyot.”—Mat 5:33-37.
Hindi naman ipinagbabawal ni Jesu-Kristo ang lahat ng panunumpa, sapagkat siya mismo ay nasa ilalim ng Kautusang Mosaiko, na humihiling ng panunumpa sa ilang situwasyon. Sa katunayan, nang panumpain si Jesus ng mataas na saserdote noong nililitis siya, hindi niya iyon tinutulan kundi sumagot pa nga siya. (Mat 26:63, 64) Kaya ipinakikita lamang ng pananalita ni Jesus na ang isang tao ay hindi dapat magkaroon ng dalawang pamantayan. Dapat niyang ituring na sagradong tungkulin ang pagtupad sa kaniyang binitiwang salita at dapat niyang tuparin iyon gaya ng pagtupad sa isang sumpa; dapat siyang maging taimtim sa kaniyang sinabi. Higit pang nilinaw ni Jesus ang kahulugan ng kaniyang pananalita nang ilantad niya ang pagpapaimbabaw ng mga eskriba at mga Pariseo sa pamamagitan ng pagsasabi sa kanila: “Sa aba ninyo, mga bulag na tagaakay, na nagsasabi, ‘Kung ipanumpa ng sinuman ang templo, ito ay walang anuman; ngunit kung ipanumpa ng sinuman ang ginto ng templo, siya ay mananagot.’ Mga mangmang at mga bulag! Alin, sa katunayan, ang mas dakila, ang ginto o ang templo na nagpabanal sa ginto?” Sinabi pa niya: “Siya na ipinanunumpa ang langit ay ipinanunumpa ang trono ng Diyos at yaong nakaupo rito.”—Mat 23:16-22.
Gaya ng itinawag-pansin ni Jesus, sa pamamagitan ng kanilang maling pangangatuwiran at tusong argumento, ipinagmatuwid ng mga eskriba at mga Pariseo ang hindi nila pagtupad sa ilang sumpa, ngunit ipinakita ni Jesus na sa kanilang panunumpa, hindi sila nagiging matapat sa Diyos at sa katunayan ay dinudusta nila ang Kaniyang pangalan (sapagkat ang mga Judio ay isang bayang nakaalay kay Jehova). Malinaw na sinabi ni Jehova na kinapopootan niya ang bulaang sumpa.—Zac 8:17.
Sinuportahan ni Santiago ang sinabi ni Jesus. (San 5:12) Ngunit ang mga pananalitang ito nina Jesus at Santiago laban sa gayong walang-ingat na panunumpa ay hindi nagbabawal sa isang Kristiyano na manumpa kung kinakailangan niyang bigyang-katiyakan ang iba na seryoso ang kaniyang intensiyon o na totoo ang sinasabi niya. Halimbawa, gaya ng parisang ipinakita ni Jesus noong nasa harap siya ng Judiong mataas na saserdote, ang isang Kristiyano ay hindi tatangging manumpa sa hukuman, sapagkat talagang magsasabi siya ng katotohanan nasa ilalim man siya ng sumpa o hindi. (Mat 26:63, 64) Maging ang pasiya ng isang Kristiyano na maglingkod sa Diyos ay isang panunumpa kay Jehova, anupat inilalagay nito ang Kristiyano sa isang sagradong kaugnayan. Pinagsama ni Jesus sa iisang kategorya ang pagsumpa at ang pananata.—Mat 5:33.
Gayundin, sa 2 Corinto 1:23 at Galacia 1:20, pinatotohanan ng apostol na si Pablo ang mga sinabi niya sa kaniyang mga mambabasa sa pamamagitan ng pagbigkas ng pananalita na katumbas ng isang sumpa. Bukod diyan, tinukoy niya ang sumpa bilang isang karaniwan at wastong paraan upang wakasan ang isang pagtatalo at itinawag-pansin niya na ang Diyos, “nang nilayon niyang ipakita nang lalong sagana sa mga tagapagmana ng pangako ang kawalang-pagbabago ng kaniyang layunin, ay pumasok taglay ang isang sumpa,” anupat ipinanumpa ang kaniyang sarili, yamang hindi niya maipanumpa ang sinumang mas dakila. Ito ay nagdagdag ng legal na garantiya sa kaniyang pangako at nagbigay ng dobleng katiyakan sa pamamagitan ng “dalawang bagay na di-mababago na doon ay imposibleng magsinungaling ang Diyos,” samakatuwid nga, ang salita ng pangako ng Diyos at ang kaniyang sumpa. (Heb 6:13-18) Karagdagan pa, itinawag-pansin ni Pablo na si Kristo ay ginawang Mataas na Saserdote sa pamamagitan ng sumpa ni Jehova at ibinigay bilang panagot ng isang mas mabuting tipan. (Heb 7:21, 22) Mahigit na 50 beses na tinutukoy si Jehova sa Kasulatan bilang nanunumpa.
-