Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Pag-asa
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Walang Tunay na Pag-asa Kung Wala ang Diyos. Ang tunay na pag-asa na binabanggit sa Bibliya ay higit pa sa basta pagnanasa lamang, na maaaring walang saligan o posibilidad na matupad. Mas mainam din ito kaysa sa basta pag-asam lamang, sapagkat yaong mga bagay na inaasam ay hindi naman laging kanais-nais. Ipinakikita ng Bibliya na ang mga tao sa sanlibutan ay walang tunay at matibay na pag-asa. Ang sangkatauhan ay namamatay, at palibhasa’y wala silang kaalaman hinggil sa isang paglalaan mula sa isa na nakatataas, wala silang pag-asa sa hinaharap. Inilarawan ni Solomon ang kawalang-saysay ng kalagayan ng tao, kung hindi makikialam ang Diyos, bilang “kaylaking kawalang-kabuluhan! . . . Ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan.”​—Ec 12:8; 9:2, 3.

      Sinabi ng tapat na patriyarkang si Job na maging ang isang punungkahoy ay may pag-asang sumibol muli, ngunit ang tao, kapag namatay siya, ay lubusang naglalaho. Ngunit ipinahiwatig din ni Job na ang tinutukoy niya ay ang tao sa ganang sarili nito na walang tulong mula sa Diyos, sapagkat nagpahayag siya ng pag-asam at pag-asa na aalalahanin siya ng Diyos. (Job 14:7-15) Sa katulad na paraan, sinabihan ng apostol na si Pablo ang mga Kristiyano na yamang sila ay may pag-asa ng pagkabuhay-muli, hindi sila dapat “malumbay na gaya rin ng iba na walang pag-asa.” (1Te 4:13) Bukod dito, may kinalaman sa mga Kristiyanong Gentil, itinawag-pansin ni Pablo sa kanila na bago sila nagkaroon ng kaalaman hinggil sa paglalaan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, sila’y hiwalay sa bansa na noon pa man ay pinakikitunguhan na ng Diyos, at bilang mga Gentil, sila noon ay “walang pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan.”​—Efe 2:12.

      Ang mga pananalita ng mga walang pag-asa sa Diyos at sa kaniyang pangako na pagkabuhay-muli ng mga patay ay katulad ng mga salita ng masuwaying mga tumatahan sa Jerusalem na nagpakasasa sa makalamang kasiyahan, sa halip na magpakita ng pagsisisi at kalumbayan dahil sa nalalapit na pagkawasak ng kanilang lunsod bilang isang kahatulan mula sa Diyos. Sinabi nila: “Magkaroon ng kainan at inuman, sapagkat bukas ay mamamatay tayo.” (Isa 22:13) Binabalaan ng apostol ang mga Kristiyano hinggil sa panganib na mahawahan sila ng saloobin ng mga taong ito na walang pag-asa.​—1Co 15:32, 33.

  • Pag-asa
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Ang Pinagmumulan ng Pag-asa. Ang Diyos na Jehova ang Pinagmumulan ng tunay na pag-asa at ang Isa na makatutupad sa lahat ng kaniyang mga pangako at sa mga pag-asa ng mga nagtitiwala sa kaniya. Sa pamamagitan ng kaniyang di-sana-nararapat na kabaitan ay binigyan niya ng “kaaliwan at mabuting pag-asa” ang sangkatauhan. (2Te 2:16) Mula’t sapol, siya ang pag-asa ng mga taong matuwid. Tinawag siyang “pag-asa ng Israel” at ‘pag-asa ng mga ninuno ng Israel’ (Jer 14:8; 17:13; 50:7), at ang Hebreong Kasulatan ay naglalaman ng maraming kapahayagan ng pag-asa, pagtitiwala, at pananalig sa kaniya. Dahil sa kaniyang maibiging-kabaitan sa bayan niya, kahit noong ang mga ito ay yayaon sa pagkatapon dahil sa pagkamasuwayin sa kaniya, sinabi niya sa kanila: “Nalalaman kong lubos ang mga kaisipan na iniisip ko tungkol sa inyo, . . . mga kaisipang ukol sa kapayapaan, at hindi ukol sa kapahamakan, upang bigyan kayo ng kinabukasan at pag-asa.” (Jer 29:11) Pinanatiling buháy ng pangako ni Jehova ang pananampalataya at pag-asa ng tapat na mga Israelita noong panahon ng pagkatapon sa Babilonya. Lubha nitong pinalakas ang mga lalaking gaya nina Ezekiel at Daniel, sapagkat sinabi ni Jehova: “May pag-asa ang iyong kinabukasan, . . . at ang mga anak ay tiyak na babalik sa kanilang sariling teritoryo.” (Jer 31:17) Natupad ang pag-asang iyon nang bumalik noong 537 B.C.E. ang tapat na mga Judiong nalabi upang muling itayo ang Jerusalem at ang templo nito.​—Ezr 1:1-6.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share