-
Takdang Panahon ng mga Bansa, MgaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
TAKDANG PANAHON NG MGA BANSA, MGA
Matapos talakayin ang nalalapit na pagkawasak ng lunsod ng Jerusalem, sinabi ni Jesus: “At ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga bansa, hanggang sa matupad ang mga takdang panahon ng mga bansa [“mga panahon ng mga Gentil,” AS-Tg].” (Luc 21:24)
-
-
Takdang Panahon ng mga Bansa, MgaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Ang “mga Bansa” at ang “Jerusalem.” Sabihin pa, ang sinabi ni Jesus sa Lucas 21:24 ay nauugnay sa ‘pagyurak sa Jerusalem,’ na binanggit niyang magpapatuloy hanggang sa matupad ang “mga takdang panahon ng mga bansa.” Ang terminong “mga bansa” o “mga Gentil” ay isinalin mula sa salitang Griego na eʹthne, na nangangahulugang “mga bansa” at ginamit ng mga manunulat ng Bibliya upang espesipikong tumukoy sa mga bansang di-Judio. Dahil dito, ipinapalagay ng ilan na ang hula ay tumutukoy sa yugto ng panahon kung kailan ang mismong lugar ng sinaunang lunsod ng Jerusalem ay mapapasailalim sa pamumuno at kontrol ng mga Gentil.
Maliwanag na ang literal na lunsod ng Jerusalem ang tinutukoy ni Jesus nang ilarawan niya ang pagkawasak na sasapit, at talaga namang sumapit, sa lunsod na iyon noong taóng 70 C.E. nang gibain ng mga Romano ang Jerusalem. Gayunman, ipinahihiwatig ng pananalita may kinalaman sa “mga takdang panahon ng mga bansa” na lampas pa sa yugtong iyon ang saklaw ng hula, gaya ng sabi ng maraming komentarista. Halimbawa, sinabi sa kilaláng Commentary ni F. C. Cook tungkol sa Lucas 21:24: “Inihihiwalay nito ang purong eskatolohikal na bahagi [samakatuwid nga, ang bahaging nauugnay sa mga huling araw] ng dakilang hula, mula sa bahagi na wastong nauukol sa pagkawasak ng Jerusalem.” Kaya nga mahalagang alamin kung ano ang tinutukoy ng kinasihang Kasulatan sa salitang “Jerusalem” upang matiyak kung ang “mga takdang panahon ng mga bansa” ay nauugnay lamang sa literal na lunsod ng Jerusalem o kung nauugnay rin ito sa iba pang bagay na mas dakila.
Ang Jerusalem ang kabisera ng bansang Israel, at ang mga hari ng bansang ito na mula sa linya ni David ay sinasabing “umupo sa trono ni Jehova.” (1Cr 29:23) Dahil dito, ang lunsod ay kumatawan sa sentro ng pamahalaang itinatag ng Diyos o sa makalarawang kaharian ng Diyos na nagpuno sa pamamagitan ng sambahayan ni David. Ang Jerusalem, kasama ang Bundok Sion, ang naging “bayan ng Dakilang Hari.” (Aw 48:1, 2) Kaya ito ay sumagisag sa kaharian ng dinastiya ni Haring David, kung paanong ang Washington, London, Paris, at Moscow ay kumakatawan sa namamahalang mga kapangyarihan ng makabagong-panahong mga bansa at tinutukoy sa mga balita gamit ang mga pangalang iyon. Matapos yurakan ng mga Babilonyo ang Jerusalem, anupat ang hari nito ay dinala sa pagkatapon at ang lupain ay natiwangwang, wala nang miyembro ng Davidikong dinastiya ang muling namahala mula sa makalupang Jerusalem. Gayunman, ipinakikita ng Kasulatan na si Jesus, ang Mesiyas, na ipinanganak sa linya ni David, ay mamamahala mula sa makalangit na Bundok Sion, mula sa makalangit na Jerusalem.—Aw 2:6, 7; Heb 5:5; Apo 14:1, 3.
Pasimula ng ‘pagyurak.’ Ang ‘pagyurak’ sa kaharian ng dinastiya ng Davidikong mga tagapamahala ay hindi nagsimula noong 70 C.E. nang wasakin ng mga Romano ang lunsod ng Jerusalem. Nagsimula iyon maraming siglo bago nito nang ibagsak ng mga Babilonyo ang dinastiyang iyon noong 607 B.C.E. Noon ay winasak ni Nabucodonosor ang Jerusalem at dinala niyang bihag ang hari nito na si Zedekias, at ang lupain ay naiwang tiwangwang. (2Ha 25:1-26; tingnan ang KRONOLOHIYA.) Kasuwato ito ng makahulang mga salita sa Ezekiel 21:25-27 na ipinatungkol kay Zedekias: “Hubarin mo ang turbante, at alisin mo ang korona. Hindi na ito magiging gaya ng dati. . . . Kagibaan, kagibaan, kagibaan ang gagawin ko roon. Kung tungkol din dito, hindi nga iyon aariin ninuman hanggang sa dumating siya na may legal na karapatan, at ibibigay ko iyon sa kaniya.” Ipinakikita sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na ang may “legal na karapatan” sa Davidikong korona na naiwala ni Zedekias ay si Kristo Jesus, anupat nang ipatalastas ng anghel ang kaniyang kapanganakan ay sinabi nito: “Ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, at siya ay mamamahala bilang hari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.”—Luc 1:32, 33.
Nang bumagsak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., mga kapangyarihang Gentil ang namuno sa buong lupa. Naputol ang Davidikong dinastiya at pamamahala, anupat ang Jerusalem, o ang isinasagisag nito, ay patuloy na ‘yuyurakan’ hangga’t ang kaharian ng Diyos, na nagpuno sa pamamagitan ng sambahayan ni David, ay nasa isang mababa at di-aktibong kalagayan sa ilalim ng mga kapangyarihang Gentil. Bilang komento sa gayong pag-uugnay sa pamamahala, ang Unger’s Bible Dictionary (1965, p. 398) ay nagsabi: “Kaya naman humahayo ang mga Gentil bilang ‘ang mga bansa’ tungo sa katapusan ng kanilang pagiging katiwala bilang mga tagapamahala sa lupa. Ang wakas ng yugtong ito ang magiging katapusan ng ‘mga panahon ng mga Gentil’ (Lucas 21:24; Dan. 2:36-44).”—Ihambing ang Eze 17:12-21; gayundin ang paglalarawan sa pagbagsak ng Medo-Persia sa Dan 8:7, 20.
-