-
JehoiakinKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Ang ama ni Jehoiakin, si Jehoiakim, ay nagpasakop sa Babilonyong si Haring Nabucodonosor ngunit naghimagsik noong ikatlong taon ng kaniyang pagiging basalyo (618 B.C.E.). (2Ha 24:1) Nagbunga ito ng pagkubkob sa Jerusalem. Ang pananalitang “nang panahong iyon” (2Ha 24:10) ay maaaring tumutukoy, hindi sa maikling paghahari ni Jehoiakin, kundi sa kalakhang yugto na nakasasaklaw rito, samakatuwid ay nagpapahintulot na ang pagkubkob ay nagsimula noong panahon ng paghahari ng kaniyang amang si Jehoiakim, gaya ng waring ipinahihiwatig ng Daniel 1:1, 2. Lumilitaw na namatay si Jehoiakim sa panahon ng pagkubkob na ito at si Jehoiakin ay lumuklok naman sa trono ng Juda. Gayunman, nagwakas ang kaniyang pamamahala pagkaraan lamang ng tatlong buwan at sampung araw, nang sumuko siya kay Nabucodonosor noong 617 B.C.E. (noong buwan ng Adar, ayon sa isang kronikang Babilonyo). (2Ha 24:11, 12; 2Cr 36:9; Assyrian and Babylonian Chronicles, ni A. Grayson, 1975, p. 102) Bilang katuparan ng salita ni Jehova sa pamamagitan ni Jeremias, siya ay dinala sa pagkatapon sa Babilonya. (Jer 22:24-27; 24:1; 27:19, 20; 29:1, 2) Ipinatapon din ang iba pang mga miyembro ng maharlikang sambahayan, mga opisyal ng korte, mga bihasang manggagawa, at mga mandirigma.—2Ha 24:14-16; tingnan ang NABUCODONOSOR.
Sinasabi ng rekord sa 2 Hari 24:12-16 na dinala ni Nabucodonosor sa pagkatapon ang mga bihag na ito, kasama ang “lahat ng kayamanan ng bahay ni Jehova at ang lahat ng kayamanan ng bahay ng hari.” Ang ulat sa Daniel 1:1, 2 ay tumutukoy lamang sa “iba sa mga kagamitan” na dinala sa Babilonya. Maaaring ang paliwanag ay na ang mga kayamanang tinutukoy sa Ikalawang Hari ay partikular na nagsasangkot sa mga kagamitang ginto, na binigyang-diin sa ulat na iyon, at na ang iba pang mga kagamitan ay pinahintulutang maiwan. Ang isa pang posibilidad ay na, nang sumuko ang Jerusalem sa pagkubkob ng Babilonya (na sumapit bunga ng paghihimagsik ni Jehoiakim laban sa hari ng Babilonya), “ang ilan sa mga kagamitan ng bahay ni Jehova” ay dinala sa Babilonya, at pagkatapos ng maikling panahon, nang si Jehoiakin mismo ay ilipat sa Babilonya, ang iba pang “kanais-nais na mga kagamitan ng bahay ni Jehova” ay dinala rin. Ang posibilidad na ito ay ipinahihiwatig ng ulat sa 2 Cronica 36:6-10. Mula sa ulat ng Mga Cronica, lumilitaw na matapos niyang lupigin ang Jerusalem, lumisan si Nabucodonosor ngunit pagkatapos ay ‘nagsugo siya at dinala si Jehoiakin sa Babilonya kasama ang kanais-nais na mga kagamitan ng bahay ni Jehova.’
-
-
JehoiakimKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Sinasabi ng ulat ni Daniel (1:1, 2) na dumating si Nabucodonosor laban sa Jerusalem at kinubkob iyon at na si Jehoiakim, kasama ang ilan sa mga kagamitan sa templo, ay ibinigay sa mga kamay ng Babilonyong hari. Gayunman, inilalarawan ng ulat sa 2 Hari 24:10-15 ang pagkubkob sa Jerusalem ng mga Babilonyo at ipinakikita na ang anak ni Jehoiakim na si Jehoiakin, na ang paghahari ay tumagal lamang nang tatlong buwan at sampung araw, ang siyang sumuko nang dakong huli at lumabas sa mga Babilonyo. Lumilitaw kung gayon na namatay si Jehoiakim sa panahon ng pagkubkob sa lunsod, marahil ay noong maagang bahagi nito. Ipinakikita ng hula ni Jehova sa pamamagitan ni Jeremias (22:18, 19; 36:30) na hindi tatanggap si Jehoiakim ng isang disenteng libing; ang bangkay niya ay maiiwang di-naaasikaso sa labas ng mga pintuang-daan ng Jerusalem, na nakalantad sa init ng araw sa maghapon at sa matinding lamig sa gabi. Hindi isiniwalat kung paano ‘ibinigay sa kamay ni Nabucodonosor’ si Jehoiakim. (Dan 1:2) Iyon ay maaaring sa diwa ng pagkamatay niya habang nasa pagkubkob at ng paghayo ng kaniyang mga anak sa pagkabihag pagkatapos nito, anupat dinanas ng angkan ni Jehoiakim ang pagkawala ng pagkahari sa mga kamay ni Nabucodonosor. Walang paraan upang matiyak ang tradisyong Judio (na iniulat ni Josephus) na pinatay ni Nabucodonosor si Jehoiakim at ipinag-utos na itapon ang bangkay nito sa labas ng mga pader ng Jerusalem. (Jewish Antiquities, X, 97 [vi, 3]) Paanuman sumapit ang kamatayan ni Jehoiakim, lumilitaw na ang mga tansong pangaw na dinala ni Nabucodonosor upang ipanggapos kay Jehoiakim ay hindi nagamit gaya ng isinaplano.—2Cr 36:6.
-