-
KatawanKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Makasagisag na Paggamit. Tinutukoy si Jesu-Kristo bilang Ulo ng “kongregasyon, na siyang katawan niya.” (Efe 1:22, 23; Col 1:18) Ang Kristiyanong ‘katawang’ ito na isang kalipunan ng mga tao ay hindi nababaha-bahagi sa lahi, bansa, o iba pang salik, yamang may mga kinatawan dito ang mga Judio at ang mga tao ng lahat ng mga bansa. (Gal 3:28; Efe 2:16; 4:4) Ang lahat ay binautismuhan kay Kristo at sa kaniyang kamatayan sa pamamagitan ng banal na espiritu. Samakatuwid, silang lahat ay binautismuhan tungo sa iisang katawan. (1Co 12:13) Sa gayon, ang buong katawan ay sumusunod sa ulo, anupat namamatay ito sa kamatayang kauri ng kay Kristo at tinatanggap nito ang pagkabuhay-muli na kauri ng sa kaniya.—Ro 6:3-5; tingnan ang BAUTISMO (Bautismo kay Kristo Jesus at sa Kaniyang Kamatayan).
Ginagamit ng apostol na si Pablo ang paraan ng paggana ng katawan ng tao upang ilarawan kung paano tumatakbo ang kongregasyong Kristiyano, anupat inihalintulad niya ang mga sangkap, o miyembro, nito na nabubuhay sa lupa sa alinmang partikular na panahon sa isang katawan, na si Kristo ang di-nakikitang Ulo. (Ro 12:4, 5; 1Co 12) Idiniriin niya ang kahalagahan ng dakong kinaroroonan ng bawat sangkap, ang pagtutulungan, ang pag-ibig at pangangalaga sa isa’t isa, at ang pagsasakatuparan ng gawain. Inilagay ng Diyos ang bawat isa sa posisyon nito sa katawan, at sa pamamagitan ng iba’t ibang pagkilos ng banal na espiritu, isinasagawa ng katawan kung ano ang kinakailangan. Inilalaan ng Ulo, si Jesu-Kristo, bilang sangkap na tagapag-ugnay, sa ibang mga sangkap ng katawan ang mga bagay na kailangan ng mga ito sa pamamagitan ng “mga kasukasuan at mga litid,” ang paraan at mga kaayusan upang makapaglaan ng pagkaing espirituwal at ng komunikasyon at koordinasyon, anupat “ang katawan” ay napakakaing mainam sa espirituwal at ang bawat bahagi ay nasasabihan tungkol sa atas na gagampanan nito.—Col 2:19; Efe 4:16.
-
-
KatawanKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Kapag ang isang pinahirang sangkap, o miyembro, ng kongregasyong Kristiyano, ng katawan ni Kristo, ay nakiapid, kinukuha niya ang isang sangkap ng Kristo at ginagawa niya iyon na sangkap ng patutot. Ang gayong Kristiyano na nakikiapid ay nagpapasok ng karungisan sa moral at “nagkakasala [rin] laban sa kaniyang sariling katawan[g laman].” Isinasapanganib niyang maalis siya mula sa katawan ni Kristo, ang templong organisasyon, at inilalantad ang kaniyang sarili sa panganib na mahawa ng karima-rimarim na mga sakit. (1Co 6:13, 15-20; Kaw 7:1-27) Maaaring ‘ibigay siya ng kongregasyon kay Satanas para sa pagkapuksa ng laman.’—1Co 5:5.
Ang isang sangkap, o miyembro, ng katawan ni Kristo, gayundin ang iba pang mga taong naaalay na nakikiugnay sa mga sangkap na ito na inianak sa espiritu, ay dapat na umiwas hindi lamang sa pisikal na pakikiapid kundi pati rin sa espirituwal na pakikiapid. Sa Kasulatan, ang isa na nakikipagkaibigan sa sanlibutan ay tinatawag na isang “mangangalunya.” (San 4:4) Sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga alagad: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Ju 17:16) Dahil dito, tinitiyak ni Jesus na yaong mga bumubuo sa mga sangkap ng kaniyang katawan ay malinis sa moral at sa espirituwal. (Efe 5:26, 27) Sinasabing ang kanilang “mga katawan ay napaliguan na ng malinis na tubig.” (Heb 10:22) Gaya ng sinasabi ng apostol na si Pablo may kinalaman sa mga asawang lalaki: “Sa ganitong paraan dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan. Siya na umiibig sa kaniyang asawang babae ay umiibig sa kaniyang sarili, sapagkat walang taong napoot kailanman sa kaniyang sariling laman; kundi pinakakain at inaaruga niya ito, gaya ng ginagawa rin ng Kristo sa kongregasyon, sapagkat tayo ay mga sangkap ng kaniyang katawan. ‘Sa dahilang ito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman.’ Ang sagradong lihim na ito ay dakila. Nagsasalita nga ako may kaugnayan kay Kristo at sa kongregasyon.”—Efe 5:28-32.
-