-
JehovaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Ikinubli ng pamahiin ang pangalan. Noong panahong iyon, nagkaroon ng pamahiin ang mga Judio na hindi man lamang dapat bigkasin ang banal na pangalan (kinakatawanan ng Tetragrammaton). Hindi matiyak kung ano ang orihinal na dahilan kung bakit inihinto ang paggamit sa pangalan. Naniniwala ang ilan na ang pangalan ay itinuring na napakasagrado upang bigkasin ng di-sakdal na mga labi. Gayunman, walang katibayan sa Hebreong Kasulatan na ang mga tunay na lingkod ng Diyos ay nag-atubiling bigkasin ang kaniyang pangalan. Ipinakikita ng di-Biblikal na mga dokumentong Hebreo, gaya ng tinatawag na Lachish Letters, na ang pangalan ay ginagamit sa karaniwang mga liham sa Palestina noong huling bahagi ng ikapitong siglo B.C.E.
Sinasabi naman ng iba na ang layunin nito ay upang ilihim ang pangalan sa mga taong di-Judio dahil baka gamitin nila ito sa maling paraan. Gayunman, si Jehova mismo ang nagsabi na ‘ipahahayag niya ang kaniyang pangalan sa buong lupa’ (Exo 9:16; ihambing ang 1Cr 16:23, 24; Aw 113:3; Mal 1:11, 14), anupat makikilala ito maging ng kaniyang mga kalaban. (Isa 64:2) Sa katunayan, ang pangalan ay kilala at ginagamit ng mga bansang pagano bago ang Karaniwang Panahon at noong unang mga siglo ng Karaniwang Panahon. (The Jewish Encyclopedia, 1976, Tomo XII, p. 119) Naniniwala naman ang iba na ang layunin nito ay protektahan ang pangalan upang hindi iyon gamitin sa mga ritwal ng mahika. Gayunman, ito’y mahinang pangangatuwiran, sapagkat maliwanag na miyentras nagiging mahiwaga ang pangalan dahil sa hindi paggamit niyaon, lalo namang nagiging kaakit-akit iyon sa mga nagsasagawa ng mahika.
Kailan nagsimula ang ganitong pamahiin? Kung paanong hindi matiyak ang orihinal na dahilan o mga dahilan kung bakit inihinto ang paggamit sa banal na pangalan, hindi rin matiyak kung kailan talaga nagsimula ang mapamahiing pangmalas na ito. Naniniwala ang ilan na nagsimula ito pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya (607-537 B.C.E.). Gayunman, ang teoriyang ito ay salig sa diumano’y pagkaunti ng paggamit sa pangalan ng Diyos ng mas huling mga manunulat ng Hebreong Kasulatan, isang pangmalas na mapatutunayang hindi makatuwiran. Halimbawa, maliwanag na ang Malakias ay isa sa huling mga aklat ng Hebreong Kasulatan na isinulat (noong huling kalahatian ng ikalimang siglo B.C.E.), ngunit napakaraming beses na ginamit dito ang banal na pangalan.
Sinasabi ng maraming reperensiyang akda na ang pangalan ay hindi na ginagamit noong mga 300 B.C.E. Ang katibayan diumano para sa petsang ito ay ang hindi paglitaw ng Tetragrammaton (o ng transliterasyon nito) sa Griegong Septuagint na salin ng Hebreong Kasulatan, na sinimulan noong mga 280 B.C.E. Totoo na ang pinakakumpletong mga kopyang manuskrito ng Septuagint na taglay natin ngayon ay lubusang sumunod sa kaugaliang halinhan ng mga salitang Griego na Kyʹri·os (Panginoon) o The·osʹ (Diyos) ang Tetragrammaton. Ngunit ang pangunahing mga manuskritong ito ay mula lamang noong ikaapat at ikalimang siglo C.E. May natuklasang mas sinaunang mga kopya, bagaman pira-piraso na lamang, na nagpapatunay na ang banal na pangalan ay lumilitaw sa pinakaunang mga kopya ng Septuagint.
Ang isa sa mga ito ay ang pira-pirasong labí ng isang balumbong papiro ng isang bahagi ng Deuteronomio, itinala bilang ang P. Fouad Inventory No. 266. (LARAWAN, Tomo 1, p. 326) Palaging ginagamit dito ang Tetragrammaton, na nakasulat sa kuwadradong mga titik Hebreo, sa bawat paglitaw nito sa tekstong Hebreo na isinalin. Ang papirong ito, ayon sa mga iskolar, ay mula noong unang siglo B.C.E., at sa gayon ay isinulat nang apat o limang siglo ang kaagahan kaysa sa unang nabanggit na mga manuskrito.—Tingnan ang apendise ng Rbi8, p. 1562-1564.
Kailan itinigil ng mga Judio sa pangkalahatan ang pagbigkas sa personal na pangalan ng Diyos?
Samakatuwid, walang matibay na ebidensiya na naglaho na o hindi na ginagamit ang banal na pangalan noong yugtong B.C.E., kahit man lamang sa anyong nasusulat. Waring noong unang siglo C.E. nagsimulang lumitaw ang katibayan ng mapamahiing saloobin may kaugnayan sa pangalan. Nang iulat ni Josephus, isang Judiong istoryador na nagmula sa isang makasaserdoteng pamilya, ang pagsisiwalat ng Diyos kay Moises sa lugar ng nagniningas na palumpong, sinabi niya: “Sa gayon ay isiniwalat ng Diyos sa kaniya ang Kaniyang pangalan, na noon ay hindi pa naririnig ng mga tainga ng mga tao, at na ipinagbabawal na bigkasin ko.” (Jewish Antiquities, II, 276 [xii, 4]) Gayunman, bukod sa hindi tumpak ang sinabi ni Josephus na wala pang nakaaalam sa banal na pangalan bago ang panahon ni Moises, ang pananalita niya ay malabo at hindi nito isinisiwalat nang malinaw kung ano ang pangkalahatang saloobin noong unang siglo tungkol sa pagbigkas o paggamit sa banal na pangalan.
Ilang bahagi ng Mga Awit, mula sa Dead Sea Scroll. Paulit-ulit na lumilitaw rito ang Tetragrammaton sa naiibang sinaunang mga titik Hebreo
Ang Judiong Mishnah, isang koleksiyon ng rabinikong mga turo at tradisyon, ay waring mas tuwiran hinggil sa bagay na ito. Sinasabing tinipon ito ng isang rabbi na kilala bilang si Juda na Prinsipe, na nabuhay noong ikalawa at ikatlong siglo C.E. Ang ilan sa materyal ng Mishnah ay malinaw na nauugnay sa mga pangyayari bago ang pagkawasak ng Jerusalem at ng templo nito noong 70 C.E. Ngunit tungkol sa Mishnah, isang iskolar ang nagsabi: “Napakahirap pagpasiyahan kung ano talaga ang kahalagahan sa ulat ng kasaysayan ng anumang tradisyon na nakatala sa Mishnah. Ang paglipas ng panahon na maaaring nagpalabo o pumilipit sa mga alaala tungkol sa mga panahong lubhang naiiba; ang pulitikal na mga kaligaligan, mga pagbabago, at mga kalituhan na resulta ng dalawang rebelyon at dalawang panlulupig ng mga Romano; ang mga pamantayang itinaguyod ng partidong Pariseo (na ang mga opinyon ay iniuulat ng Mishnah) na hindi kaayon niyaong sa partidong Saduceo . . .—ito ay mga salik na dapat isaalang-alang sa pagtaya sa kaurian ng mga pananalita sa Mishnah. Bukod diyan, ang marami sa nilalaman ng Mishnah ay para lamang sa larangan ng akademikong talakayan, anupat (tila) hindi ito gaanong nag-aangkin na nag-uulat ito ng mga kaugalian may kaugnayan sa kasaysayan.” (The Mishnah, isinalin ni H. Danby, London, 1954, p. xiv, xv) Ang ilan sa mga tradisyon ng Mishnah may kinalaman sa pagbigkas sa banal na pangalan ay gaya ng sumusunod:
May kaugnayan sa taunang Araw ng Pagbabayad-Sala, ang salin ni Danby sa Mishnah ay nagsasabi: “At kapag narinig ng mga saserdote at ng taong-bayan na nakatayo sa Looban ng Templo ang Binigkas na Pangalan mula sa bibig ng Mataas na Saserdote, nakagawian nilang lumuhod at yumukod at sumubsob sa kanilang mukha at magsabi, ‘Pagpalain nawa ang pangalan ng kaluwalhatian ng kaniyang kaharian magpakailan-kailanman!’” (Yoma 6:2) Tungkol sa pang-araw-araw na mga pagpapalang binibigkas ng mga saserdote, ang Sotah 7:6 ay nagsasabi: “Sa Templo, binibigkas nila ang Pangalan gaya ng pagkakasulat dito, ngunit sa mga probinsiya naman, sa pamamagitan ng isang salitang inihalili.” Sinasabi ng Sanhedrin 7:5 na ang isang mamumusong ay hindi nagkasala ‘malibang binigkas niya ang Pangalan,’ at na sa paglilitis may kinalaman sa paratang na pamumusong, isang pangalang panghalili ang gagamitin hanggang sa marinig ang lahat ng ebidensiya; pagkatapos, ang pangunahing saksi ay tatanungin nang sarilinan upang ‘tuwirang sabihin kung ano ang narinig niya,’ anupat maipapalagay na gagamitin niya ang banal na pangalan. Ang Sanhedrin 10:1, sa pagtatala sa mga “walang bahagi sa sanlibutang darating,” ay naglalahad: “Sinasabi ni Abba Saul: Pati siya na bumibigkas sa Pangalan gamit ang wastong mga titik nito.” Gayunman, sa kabila ng negatibong mga pangmalas na ito, masusumpungan din sa unang seksiyon ng Mishnah ang positibong utos na “dapat batiin ng isang tao ang kaniyang kapuwa sa pamamagitan ng [paggamit ng] Pangalan [ng Diyos],” pagkatapos ay binanggit ang halimbawa ni Boaz (Ru 2:4).—Berakhot 9:5.
Kung paniniwalaan natin ang mga ito, maaaring isinisiwalat ng tradisyonal na mga pangmalas na ito na nagkaroon ng pamahiing iwasan ang paggamit ng banal na pangalan ilang panahon bago wasakin ang templo ng Jerusalem noong 70 C.E. Magkagayunman, mga saserdote ang pangunahin nang tuwirang tinutukoy na gumagamit ng pangalang panghalili kapalit ng banal na pangalan, at nangyayari lamang iyan sa mga probinsiya. Karagdagan pa, kuwestiyunable ang kahalagahan sa ulat ng kasaysayan ng mga tradisyon ng Mishnah, gaya ng nakita na natin.
Samakatuwid, walang matibay na saligan upang magtakda ng panahong mas maaga kaysa sa una at ikalawang siglo C.E. para sa pag-unlad ng mapamahiing pangmalas na nagsasabing dapat ihinto ang paggamit sa banal na pangalan. Gayunman, talagang dumating ang panahon na kapag ang isang Judio ay nagbabasa ng Hebreong Kasulatan sa orihinal na wika, hinahalinhan niya ng ʼAdho·naiʹ (Soberanong Panginoon) o ʼElo·himʹ (Diyos) ang banal na pangalan na kinakatawanan ng Tetragrammaton sa halip na bigkasin iyon. Kaayon nito, nang simulan ang paglalagay ng mga tuldok-patinig noong ikalawang kalahatian ng unang milenyo C.E., inilakip ng mga tagakopyang Judio sa Tetragrammaton ang mga tuldok-patinig ng alinman sa ʼAdho·naiʹ o ʼElo·himʹ, maliwanag na upang ihudyat sa mambabasa na sambitin ang mga salitang iyon sa halip na bigkasin ang banal na pangalan.
-
-
JehovaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Noong ikalawang kalahatian ng unang milenyo C.E., pinasimulan ng mga Judiong iskolar ang isang sistema ng paglalagay ng mga tuldok sa tekstong Hebreo na puro katinig upang kumatawan sa di-isinusulat na mga patinig. Ngunit pagdating sa pangalan ng Diyos, sa halip na ilakip ang wastong mga marka ng patinig para rito, ibang mga marka ng patinig ang inilagay nila upang ipaalaala sa mambabasa na ang dapat niyang sabihin ay ʼAdho·naiʹ (nangangahulugang “Soberanong Panginoon”) o ʼElo·himʹ (nangangahulugang “Diyos”).
-