Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Galilea
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Mga Tao ng Galilea. Sa pangkalahatan, ang mga Judio ng Galilea ay naiiba sa mga Judio ng Judea. Ayon sa testimonyo ng mga rabbi noong sinaunang panahon, mahalaga sa mga taga-Galilea ang reputasyon, samantalang mas mahalaga naman sa mga Judeano ang salapi kaysa sa isang mabuting pangalan. Sa pangkalahatan, ang mga taga-Galilea ay hindi metikuloso sa tradisyon gaya ng mga Judeano. Sa katunayan, sa Talmud (Megillah 75a) ay pinaratangan ang mga taga-Galilea ng pagiging pabaya sa tradisyon. Sa bagay na ito, mapapansin na mga Pariseo at mga eskriba mula sa Jerusalem, hindi mula sa Galilea, ang nakipagtalo tungkol sa hindi pagtupad ng mga alagad ni Jesus sa tradisyonal na paghuhugas ng mga kamay.​—Mar 7:1, 5.

      Yamang ang Sanedrin at ang templo ay nasa Jerusalem, walang alinlangang mas maraming guro ng Kautusan doon; kaya naman may kawikaang Judio: “Pumaroon ka sa hilaga [sa Galilea] para sa kayamanan, pumaroon ka sa timog [sa Judea] para sa karunungan.” Ngunit hindi ito nangangahulugan na ignoranteng-ignorante ang mga taga-Galilea. Sa lahat ng mga lunsod at mga nayon ng Galilea ay may mga guro ng Kautusan at mga sinagoga. Ang mga sinagoga ay nagsilbing mga sentro para sa edukasyon. (Luc 5:17) Gayunman, maliwanag na para sa mga punong saserdote at mga Pariseo sa Jerusalem, nakahihigit sila sa karaniwang mga taga-Galilea anupat minalas nila ang mga ito bilang ignorante sa Kautusan. Halimbawa, nang ipagtanggol ni Nicodemo si Jesu-Kristo, sumagot ang mga Pariseo: “Hindi ka rin naman mula sa Galilea, hindi ba? Magsaliksik ka at tingnan mo na walang propetang ibabangon mula sa Galilea.” (Ju 7:45-52) Sa gayon ay winalang-bahala nila ang katuparan ng hula ni Isaias tungkol sa pangangaral ng Mesiyas.​—Isa 9:1, 2; Mat 4:13-17.

      Ipinapalagay ng ilan na ang naiibang puntong Galilea ay dahil sa impluwensiya ng mga banyaga. Talagang madaling makilala ang mga taga-Galilea sa kanilang pananalita (Mat 26:73), lalo na yamang nasa pagitan ng Galilea at Judea ang rehiyon ng Samaria. Maging sa ngayon, sa maraming bahagi ng daigdig, ang mga tao ay madaling makilala sa punto ng kanilang rehiyon. Gayundin, mayroon nang pagkakaiba-iba sa pagbigkas sa gitna ng mga tribo ng Israel mga ilang siglo bago pa nito. Ang kapansin-pansing halimbawa nito ay ang kawalang-kakayahan ng mga Efraimita noong mga araw ni Jepte na bigkasin nang wasto ang salitang “Shibolet.”​—Huk 12:5, 6.

  • Galilea
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Bagaman pangunahing inilalahad ng mga sinoptikong Ebanghelyo ang ministeryo ni Jesus sa Galilea, hindi pinabayaan ng Anak ng Diyos ang Judea, gaya ng maling palagay ng iba. Kapansin-pansin na sa pasimula ay naging interesado kay Jesus ang mga taga-Galilea dahil sa mga nakita nilang ginawa niya sa Jerusalem. (Ju 4:45) Gayunman, malamang na tinalakay nang higit ang gawain ni Jesus sa Galilea dahil mas handang tumugon ang mga taga-Galilea kaysa sa mga Judeano. Pinatutunayan ito ng pangyayari na ang unang mga alagad na tumanggap ng banal na espiritu ng Diyos ay mga taga-Galilea, na mga 120 katao. (Gaw 1:15; 2:1-7) Malamang na mas malakas ang kontrol at impluwensiya ng mga Judiong lider ng relihiyon sa mga Judeano kaysa sa mga taga-Galilea. (Ihambing ang Luc 11:52; Ju 7:47-52; 12:42, 43.) Sinasabi ng ilan na ang pulutong na nagsigawan na patayin si Jesus ay pangunahin nang binubuo ng mga Judeano (Mat 27:20-23), samantalang yaon namang mga nagbunyi kay Jesus bilang hari bago nito ay marahil pangunahin nang mga taga-Galilea. (Mat 21:6-11) Ang presensiya ng maraming taga-Galilea at iba pang mga di-Judeano noong panahon ng Paskuwa ay maaaring nakaragdag sa takot ng mga lider sa Jerusalem na lantarang dakpin si Jesus dahil ‘sa pangamba na may kaguluhang bumangon.’​—Mat 26:3-5.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share