Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Sagradong Lihim
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Ang Mesiyanikong Kaharian. Sa mga isinulat ni Pablo, nagbigay siya ng maraming detalye tungkol sa pagsisiwalat ng sagradong lihim ng Kristo. Sa Efeso 1:9-11, binanggit niya na ipinaalam ng Diyos “ang sagradong lihim” ng Kaniyang kalooban, at pagkatapos ay sinabi niya: “Ito ay ayon sa kaniyang ikinalulugod na nilayon niya sa kaniyang sarili ukol sa isang pangangasiwa sa hustong hangganan ng mga takdang panahon, samakatuwid nga, upang muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa langit at ang mga bagay na nasa lupa. Oo, sa kaniya, na kaisa niya ay itinakda rin tayo bilang mga tagapagmana, yamang patiuna tayong itinalaga ayon sa layunin niya na nagpapakilos ng lahat ng mga bagay ayon sa ipinapasiya ng kaniyang kalooban.” Ang “sagradong lihim” na ito ay may kaugnayan sa isang pamahalaan, ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos. “Ang mga bagay na nasa langit,” na binanggit ni Pablo, ay tumutukoy sa magiging mga tagapagmana ng makalangit na Kahariang iyon kasama ni Kristo. “Ang mga bagay na nasa lupa” naman ay ang makalupang mga sakop niyaon. Ipinakita ni Jesus na ang sagradong lihim ay nauugnay sa Kaharian nang sabihin niya sa kaniyang mga alagad: “Sa inyo ay ibinigay ang sagradong lihim ng kaharian ng Diyos.”​—Mar 4:11.

      Kalakip ang Kongregasyon. Maraming aspekto ang kaalaman sa sagradong lihim. Nagbigay ng karagdagang detalye ang apostol nang ipaliwanag niya na kalakip sa sagradong lihim ang kongregasyon, kung saan si Kristo ang Ulo. (Efe 5:32; Col 1:18; Apo 1:20) Sila ang mga kasamang tagapagmana ni Kristo, mga kabahagi niya sa Kaharian. (Luc 22:29, 30) Kukunin sila kapuwa mula sa mga Judio at mga Gentil. (Ro 11:25; Efe 3:3-6; Col 1:26, 27) Naipabatid lamang ang aspektong ito ng “sagradong lihim” noong 36 C.E., nang utusan si Pedro na dalawin ang Gentil na si Cornelio at makita niyang tumanggap ng mga kaloob ng banal na espiritu ang sambahayang Gentil na iyon. (Gaw 10:34, 44-48) Ganito ang sinabi ni Pablo nang sumulat siya sa mga Kristiyanong Gentil: “Kayo nang mismong panahong iyon ay walang Kristo, . . . mga taga-ibang bayan sa mga tipan ng pangako, at kayo ay walang pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan. Ngunit ngayon sa pagiging kaisa ni Kristo Jesus kayo na dating malayo ay naging malapit sa pamamagitan ng dugo ng Kristo.” (Efe 2:11-13) Sa pamamagitan ng mga pakikitungo ng Diyos sa kongregasyon, malalaman ng “mga pamahalaan at . . . mga awtoridad sa makalangit na mga dako ang malawak na pagkakasari-sari ng karunungan ng Diyos.”​—Efe 3:10.

      Sa Apocalipsis kay Juan, ipinakita sa pangitain na ang kongregasyong ito’y binubuo ng 144,000 na “binili mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero.” Nakatayo silang kasama ng Korderong si Jesu-Kristo sa Bundok Sion, na kinaroroonan ng “lunsod ng Diyos na buháy, makalangit na Jerusalem.” Noon, ang “trono ni Jehova,” kung saan umupo ang mga hari sa linya ni David, ay nasa sinaunang makalupang Jerusalem. Naroon din ang templo ni Jehova. Iniluklok naman si Jesu-Kristo sa makalangit na Jerusalem, at makikibahagi sa kaniyang pamamahala sa Kaharian ang kaniyang matapat at pinahiran-ng-espiritung mga tagasunod. (Apo 14:1, 4; Heb 12:22; 1Cr 29:23; 1Pe 2:4-6) Ang pagkabuhay-muli ng mga ito tungo sa imortalidad at kawalang-kasiraan sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo ay isa sa mga aspekto ng mga pakikitungo ng Diyos sa kongregasyon, anupat “isang sagradong lihim” din.​—1Co 15:51-54.

  • Sagradong Lihim
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Sumapit sa Katapusan. Sinabihan ang apostol na si Juan sa kaniyang pangitain: “Sa mga araw ng pagpapatunog ng ikapitong anghel, kapag malapit na niyang hipan ang kaniyang trumpeta, ang sagradong lihim ng Diyos ayon sa mabuting balita na ipinahayag niya sa kaniyang sariling mga alipin na mga propeta ay tunay ngang sumapit na sa katapusan.” (Apo 10:7) Ang pagtatapos na ito ng sagradong lihim ay may malapit na kaugnayan sa paghihip ng ikapitong anghel sa kaniyang trumpeta, anupat nang hipan niya ito ay ganito ang ipinatalastas sa langit: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo, at mamamahala siya bilang hari magpakailan-kailanman.” (Apo 11:15) Kaya naman, nagtatapos ang sagradong lihim ng Diyos sa panahong pasimulan ni Jehova ang kaniyang Kaharian sa pamamagitan ng kaniyang Mesiyas, o Kristo. Maraming ipinakipag-usap si Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad, ang “mga alipin” ng Diyos, tungkol sa Kaharian ng Diyos at sinabi niya na ang “mabuting balita ng kaharian” ay patuloy na ipangangaral hanggang sa wakas (sa Gr., teʹlos) ng “sistema ng mga bagay.” Samakatuwid, kapag ‘sumapit sa katapusan ang sagradong lihim ng Diyos,’ magiging bahagi ng “mabuting balita” na ipangangaral ang mensaheng ipinatalastas ng mga tinig sa langit: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo.”​—Mat 24:3, 14.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share