-
NisanKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
NISAN
Ang pangalan ng unang buwang lunar ng mga Judio sa kanilang sagradong kalendaryo pagkaraan ng pagkatapon, na katumbas ng huling bahagi ng Marso at unang bahagi ng Abril. (Ne 2:1; Es 3:7) Ang buwang ito, na unang tinawag na “Abib,” ay orihinal na itinuturing na ikapitong buwan at maliwanag na ito ang buwang tinutukoy sa Genesis 8:4. Noong panahon ng Pag-alis mula sa Ehipto, itinalaga ni Jehova ang buwang ito bilang ang “una sa mga buwan ng taon.” (Exo 12:2; 13:4; Bil 33:3) Mula noon, nagkaroon na ng pagkakaiba sa pagitan ng sagradong kalendaryo na pinasimulan ni Jehova at ng mas naunang sekular na kalendaryo.—Tingnan ang ABIB; KALENDARYO.
-
-
NisanKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Pagbabago sa Kalendaryong Lunar. Hiniling ng utos ng Diyos na maghandog ang mga Israelita ng isang tungkos ng mga unang bunga ng kanilang ani sa ika-16 na araw ng Nisan (Abib) at pagkatapos nito ay maghandog sila ng ikalawang handog na mga butil sa ika-50 araw. Ang una sa mga paghahandog na ito ay karaniwang kasabay ng pag-aani ng sebada at ang ikalawa naman ay kasabay ng pag-aani ng trigo. Dahil sa utos na ito, kinailangang gumawa ng pagbabago sa kalendaryo ng mga buwang lunar na ginagamit ng mga Israelita. Nagkaroon ng pangangailangang punan ang kakulangan na 111⁄4 na araw sa pagitan ng buong taóng solar at ng mas maikling taóng lunar. Kung hindi ito gagawin, sa loob ng tatlong taon, magiging maaga nang mga 33 araw sa kapanahunan nito ang pagsapit ng buwan ng Nisan at lalong mas maaga kaysa sa pag-aani ng sebada. Hindi tinitiyak ng ulat sa Bibliya kung anong pamamaraan ang orihinal na ginamit ng mga Israelita upang pagtugmain ang mga ito, ngunit ipinakikita ng katibayan na idinaragdag ang isang ika-13 buwan tuwing ikalawa o ikatlong taon upang maibalik ang mga kapanahunan sa wastong dako ng mga ito sa taon ng kalendaryo. Malamang na tinitiyak ito sa pamamagitan ng simpleng obserbasyon, na iniuugnay ang bagong buwan (new moon) sa vernal equinox, o spring equinox ng araw, na sumasapit sa bandang Marso 21 ng bawat taon. Kung ang bagong buwan (new moon) na karaniwan nang palatandaan ng pasimula ng buwan ng Nisan (Abib) ay napakalayo sa panahon ng spring equinox, ang buwan ay ibinibilang na isang ika-13 buwan o buwang intercalary [isinisingit], at nagsisimula ang Nisan sa susunod na bagong buwan (new moon). Noon lamang ikaapat na siglo C.E. pinasimulang gamitin ng mga Judio ang isang tiyak at pamantayang kalendaryo.
-