-
AyudanteKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
AYUDANTE
Ang salitang Hebreo na sha·lishʹ (ikatlong lalaki, tumutukoy sa ikatlong mandirigma sa isang karong pandigma) ay isinalin sa iba’t ibang bersiyon ng Bibliya bilang “kapitan,” “lider ng karo,” “panginoon,” “mandirigma,” “ayudante.”
Tatlong lalaki sa isang karong pandigma ng mga Asiryano
Sa ilang inskripsiyon sa bantayog na naglalarawan ng mga karong pandigma ng mga “Hiteo” at mga Asiryano, tatlong lalaki ang makikita: una, ang tagapagpatakbo; ikalawa, ang mandirigma na may tabak, sibat, o busog; at ikatlo, ang tagapagdala ng kalasag. Bagaman kadalasang hindi makikita sa mga bantayog ng Ehipto na tatlo ang sakay ng mga karo, ang terminong ito ay ginagamit sa Exodo 14:7 may kinalaman sa mga tagapagpatakbo ng karo ni Paraon. Ang ikatlong mandirigma sa karo, kadalasan ang may dala ng kalasag, ay isang katulong na kumandante sa karong pandigma, isang ayudante. Ang salitang Tagalog na “ayudante” ay literal na nangangahulugang “isa na tumutulong; katulong.”
-