Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Pagbabayad-sala
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • PAGBABAYAD-SALA

      Ang salitang Ingles na “atonement” (pagbabayad-sala) ay hinalaw sa pananalitang “at one” (kaisa) at, ayon sa pagkakagamit nito sa Bibliya, nangangahulugan ito ng pagtatakip ng mga kasalanan. Ang mga terminong may kaugnayan sa pagbabayad-sala ay maraming beses na lumilitaw sa Hebreong Kasulatan, lalo na sa mga aklat ng Levitico at Mga Bilang. Ang salitang Hebreo para sa pagbabayad-sala ay ka·pharʹ, at malamang na ang orihinal na kahulugan nito ay “takpan,” bagaman iminumungkahi rin ng iba ang “punasan.”

      Ang Pangangailangan ng Tao Ukol sa Pagbabayad-Sala. Kailangan ng tao ang pantakip sa kasalanan, o pagbabayad-sala, dahil sa minanang kasalanan (1Ha 8:46; Aw 51:5; Ec 7:20; Ro 3:23), na kagagawan mismo ng tao at hindi ng Diyos. (Deu 32:4, 5) Nang maiwala ni Adan ang buhay na walang hanggan bilang sakdal na tao, nagpamana siya ng kasalanan at kamatayan sa kaniyang mga supling (Ro 5:12), kung kaya sumailalim sa hatol na kamatayan ang mga inapo ni Adan. Dahil dito, upang muling matamo ng sangkatauhan ang pagkakataong magtamasa ng buhay na walang hanggan, kailangan ang eksaktong pambayad-sala para sa naiwala ni Adan, kasuwato ng legal na simulaing inilakip ni Jehova nang maglaon sa Kautusang Mosaiko, samakatuwid nga, mata para sa mata.​—Deu 19:21.

      Ayon sa pagkakagamit sa Bibliya, ang “pagbabayad-sala” ay may pangunahing ideya na “pantakip” o “pamalit,” at yaong ibinibigay bilang pamalit, o “pantakip,” para sa isang bagay ay dapat na kaparehung-kapareho nito. Samakatuwid, anumang bagay na ihahalili sa isang bagay na nawala ay dapat na maging “kaisa” ng bagay na iyon, anupat lubusang tinatakpan ang bagay na nawala bilang eksaktong katumbas niyaon. Dapat ay walang labis at walang kulang. Walang di-sakdal na tao ang makapaglalaan ng gayong pantakip o pambayad-sala upang maisauli ang sakdal na buhay-tao sa sinuman o sa buong sangkatauhan. (Aw 49:7, 8) Upang sapat na maipagbayad-sala ang naiwala ni Adan, kailangang mailaan ang isang handog ukol sa kasalanan na eksaktong katumbas ng halaga ng isang sakdal na buhay-tao.

      Nagtatag ang Diyos na Jehova ng isang kaayusan ng pagbabayad-sala para sa mga Israelita na lumalarawan sa isang lalong dakilang paglalaan ukol sa pagbabayad-sala. Si Jehova at hindi ang tao ang dapat kilalaning nagtakda at nagsiwalat ng pamamaraan ukol sa pagbabayad-sala na tatakip sa minanang kasalanan at maglalaan ng kaginhawahan mula sa ibinunga nitong hatol na kamatayan.

      Mga Haing Pambayad-Sala. Gaya ng iniutos ng Diyos, ang mga Israelita ay naghain ng mga handog ukol sa kasalanan upang magbayad-sala. (Exo 29:36; Lev 4:20) May partikular na kahulugan ang taunang Araw ng Pagbabayad-Sala, kung kailan ang mataas na saserdote ng Israel ay naghahandog ng mga haing hayop at nagbabayad-sala para sa kaniyang sarili, para sa ibang mga Levita, at para sa di-makasaserdoteng mga tribo ng Israel. (Lev 16) Ang mga hayop na inihahain ay dapat na walang dungis, na nagpapahiwatig na kailangang sakdal ang kanilang inilalarawan. Gayundin, malaking halaga ang nasasangkot sa pagbabayad-sala sapagkat buhay mismo ng inihahandog ang ibinibigay, anupat ibinubuhos ang dugo nito upang magbayad-sala. (Lev 17:11) Ang mga handog ukol sa kasalanan na inihandog ng mga Israelita at ang iba’t ibang bahagi ng taunang Araw ng Pagbabayad-Sala ay tiyak na nagkintal sa kanilang isip ng kalubhaan ng kanilang pagiging makasalanan at ng malaking pangangailangan nila na lubusang maipagbayad-sala. Gayunman, ang mga haing hayop ay hindi lubusang makapagbabayad-sala para sa kasalanan ng tao dahil ang mga hayop ay nakabababa sa tao, na binigyan ng kapamahalaan sa mga hayop.​—Gen 1:28; Aw 8:4-8; Heb 10:1-4; tingnan ang HANDOG, MGA; PAGBABAYAD-SALA, ARAW NG.

      Katuparan kay Kristo Jesus. Malinaw na iniuugnay ng Kristiyanong Griegong Kasulatan kay Jesu-Kristo ang lubos na pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng tao. Sa kaniya natupad ang mga sagisag at mga anino ng Kautusang Mosaiko, yamang siya mismo ang Isa na inilalarawan ng iba’t ibang haing hayop. Bilang isang taong sakdal at walang kasalanan, si Jesus ang handog ukol sa kasalanan para sa lahat ng inapo ni Adan na sa kalaunan ay tutubusin mula sa minanang kasalanan at kamatayan. (2Co 5:21) Si Kristo ay “naghandog ng isang hain ukol sa mga kasalanan nang walang hanggan” (Heb 10:12), at walang alinlangang siya “ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” (Ju 1:29, 36; 1Co 5:7; Apo 5:12; 13:8; ihambing ang Isa 53:7.) Ang kapatawaran ay nakasalalay sa pagbubuhos ng dugo (Heb 9:22), at tinitiyak sa mga Kristiyanong lumalakad sa liwanag na ‘nililinis tayo ng dugo ni Jesus na Anak ng Diyos mula sa lahat ng kasalanan.’​—1Ju 1:7; Heb 9:13, 14; Apo 1:5.

      Ang sakdal na buhay-tao ni Jesus na inihandog bilang hain ang siyang antitipikong handog ukol sa kasalanan. Ito ang mahalagang bagay na nagsasakatuparan ng pagbili sa sangkatauhan, anupat tumutubos sa kanila mula sa minanang kasalanan at kamatayan. (Tit 2:13, 14; Heb 2:9) Si Kristo mismo ang nagsabi: “Ang Anak ng tao ay dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos [sa Gr., lyʹtron] na kapalit ng marami.” (Mar 10:45; tingnan ang PANTUBOS.) Ang kaniyang hain ay naging eksaktong pambayad-sala sa naiwala ng makasalanang si Adan, yamang si Jesus ay sakdal at sa gayo’y katumbas ni Adan bago nagkasala ang unang tao.​—1Ti 2:5, 6; Efe 1:7.

      Ginawang posible ang pakikipagkasundo. Ang kasalanan ng tao ay lumilikha ng paghihiwalay sa pagitan ng Diyos at ng tao, sapagkat hindi sinasang-ayunan ni Jehova ang kasalanan. Maaayos lamang ang hidwaan sa pagitan ng tao at ng kaniyang Maylalang kung matutugunan ang kahilingan para sa isang tunay na “pantakip,” o pambayad-sala, para sa gayong kasalanan. (Isa 59:2; Hab 1:13; Efe 2:3) Ngunit ginawang posible ng Diyos na Jehova ang pakikipagkasundo sa pagitan niya at ng makasalanang sangkatauhan sa pamamagitan ng sakdal na taong si Jesu-Kristo. Kaya naman isinulat ng apostol na si Pablo: “Nagbubunyi rin tayo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na sa pamamagitan niya ay tinanggap natin ngayon ang pakikipagkasundo.” (Ro 5:11; tingnan ang PAKIKIPAGKASUNDO.) Upang matamo ang lingap ni Jehova, kailangang tanggapin ang paglalaan ng Diyos ukol sa pakikipagkasundo sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Sa pamamagitan lamang nito posibleng maabot ang isang kalagayang katulad ng kay Adan bago siya nagkasala. Nakita ang pag-ibig ng Diyos nang gawin niyang posible ang gayong pakikipagkasundo.​—Ro 5:6-10.

      Natugunan ang katarungan dahil sa pampalubag-loob. Gayunman, kailangan pa ring matugunan ang katarungan. Bagaman nilalang na sakdal ang tao, naiwala niya ang kalagayang ito dahil sa kasalanan, kung kaya si Adan at ang kaniyang mga supling ay sumailalim sa kahatulan ng Diyos. Upang matugunan ang katarungan at ang mga simulain ng katuwiran, kinailangang ilapat ng Diyos ang sentensiyang nasa kaniyang kautusan laban sa masuwaying si Adan. Subalit udyok ng pag-ibig, nagtakda ang Diyos ng isang kaayusan ng paghahalili na makatutugon sa katarungan, kung saan ang nagsisising mga supling ng makasalanang si Adan ay maaaring patawarin at makipagpayapaan sa Diyos nang hindi nilalabag ang katarungan. (Col 1:19-23) Kaya naman ‘isinugo ni Jehova ang kaniyang Anak bilang pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan.’ (1Ju 4:10; Heb 2:17) Ang pampalubag-loob ay yaong bagay na nagpapalubag-loob o nagpapangyaring mabigyan ng lingap ang isa. Inaalis ng pampalubag-loob na hain ni Jesus ang dahilan upang hatulan ng Diyos ang tao anupat ginagawang posible na mapagkalooban siya ng lingap at awa ng Diyos. Sa kaso ng espirituwal na Israel at ng lahat ng iba pang gustong makinabang sa pampalubag-loob na ito, inaalis nito ang paratang na kasalanan at ang ibinunga niyaon na hatol na kamatayan.​—1Ju 2:1, 2; Ro 6:23.

      Ang ideya ng paghahalili ay itinatampok ng ilang teksto sa Bibliya na may kaugnayan sa pagbabayad-sala. Halimbawa, sinabi ni Pablo na “si Kristo ay namatay para sa ating mga kasalanan ayon sa Kasulatan” (1Co 15:3), at na “sa pamamagitan ng pagbili ay pinalaya tayo ni Kristo mula sa sumpa ng Kautusan sa pamamagitan ng pagiging isang sumpa na kapalit natin [na mga Judio], sapagkat nasusulat: ‘Isinumpa ang bawat tao na nakabayubay sa tulos.’⁠” (Gal 3:13; Deu 21:23) Ganito naman ang komento ni Pedro: “Siya mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang sariling katawan sa tulos, upang tayo ay matapos na sa mga kasalanan at mabuhay sa katuwiran. At ‘sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay napagaling kayo.’⁠” (1Pe 2:24; Isa 53:5) Isinulat din ni Pedro: “Si Kristo man ay namatay nang minsanan may kinalaman sa mga kasalanan, isang taong matuwid ukol sa mga di-matuwid, upang maakay niya kayo sa Diyos.”​—1Pe 3:18.

      Kailangan ang pananampalataya dahil sa maibiging paglalaang ito. Nagpakita ng pag-ibig ang Diyos at si Kristo sa pamamagitan ng paglalaan ng lubusang pagbabayad-sala para sa minanang mga kasalanan ng tao. (Ju 3:16; Ro 8:32; 1Ju 3:16) Gayunman, upang makinabang doon, ang isang tao ay dapat na magpakita ng tunay na pagsisisi at manampalataya. Halimbawa, hindi kinalulugdan ni Jehova ang mga hain ng Juda kapag mali ang kanilang saloobin. (Isa 1:10-17) Isinugo ng Diyos si Kristo “bilang isang handog para sa pagpapalubag-loob sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang dugo.” (Ro 3:21-26) Yaong mga nananampalataya at tumatanggap sa paglalaan ng Diyos para sa pagbabayad-sala sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ay maaaring maligtas; yaon namang mga nagtatakwil dito ay hindi maliligtas. (Gaw 4:12) At “kung sinasadya [ng sinuman na] mamihasa sa kasalanan pagkatapos na matanggap ang tumpak na kaalaman sa katotohanan, wala nang anumang haing natitira pa para sa kasalanan, kundi may nakatatakot na paghihintay sa paghuhukom.”​—Heb 10:26-31.

  • Pagbabayad-sala, Araw ng
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • PAGBABAYAD-SALA, ARAW NG

      Ang Araw ng Pagbabayad-Sala (sa Heb., yohm hak·kip·pu·rimʹ, “araw ng mga pagtatakip”) ay isang araw ng pagpapalubag-loob o ng pagtatakip sa mga kasalanan, na ipinagdiriwang ng Israel sa ikasampung araw ng ikapitong buwan ng sagradong taon, o tuwing Tisri 10. (Ang Tisri ay pumapatak ng Setyembre-Oktubre.) Sa araw na ito, ang mataas na saserdote ng Israel ay naghahandog ng mga haing pantakip sa kasalanan para sa kaniya, sa iba pang mga Levita, at sa bayan. Panahon din ito upang linisin ang tabernakulo, o ang mga templo nang maglaon, mula sa nagpaparuming epekto ng kasalanan.

      Ang Araw ng Pagbabayad-Sala ay isang panahon ng banal na kombensiyon at ng pag-aayuno, gaya ng ipinahihiwatig ng utos na sa araw na iyon ay dapat ‘pighatiin ng bayan ang kanilang mga kaluluwa.’ Ito lamang ang pag-aayuno na iniutos sa Kautusang Mosaiko. Isa rin itong sabbath, isang panahon ng pagtigil sa pang-araw-araw na mga gawain.​—Lev 16:29-31; 23:26-32; Bil 29:7; Gaw 27:9.

      Sa loob ng isang taon, tanging sa Araw ng Pagbabayad-Sala pinahihintulutang pumasok ang mataas na saserdote sa Kabanal-banalang silid ng tabernakulo o ng templo. (Heb 9:7; Lev 16:2, 12, 14, 15) Kapag sumapit na ang taon ng Jubileo, nagsisimula ito sa Araw ng Pagbabayad-Sala.​—Lev 25:9.

      Ang kapatid ni Moises na si Aaron ang mataas na saserdote ng Israel nang itatag ang pagdiriwang na ito sa ilang ng Peninsula ng Sinai noong ika-16 na siglo B.C.E. Ang mga itinagubilin sa kaniya noon ang nagsilbing parisan ng sumunod na mga pagdiriwang ng Araw ng Pagbabayad-Sala. Higit nating mauunawaan ang kahulugan nito para sa mga Israelita kung ilalarawan natin sa isip ang kahanga-hangang mga pangyayari sa araw na iyon. Tiyak na nakatulong sa kanila ang gayong pagdiriwang upang higit nilang madama na sila ay makasalanan at na kailangan nila ng katubusan at upang higit nilang mapahalagahan ang saganang awa ni Jehova sa paggawa ng kaayusang ito para matakpan ang kanilang mga kasalanan noong nagdaang taon.

      Mga Kaganapan sa Araw ng Pagbabayad-Sala. Sa Araw ng Pagbabayad-Sala, si Aaron ay pumapasok sa dakong banal taglay ang isang guyang toro bilang handog ukol sa kasalanan at isang barakong tupa bilang handog na sinusunog. (Lev 16:3) Sa araw na iyon ay inaalis niya ang kaniyang karaniwang kagayakang pansaserdote, naliligo siya sa tubig, at nagbibihis siya ng banal na mga kasuutang lino. (Lev 16:4) Pagkatapos, pagpapalabunutan ng mataas sa saserdote ang dalawang kambing (mga batang kambing na lalaki), na kinuha sa kapulungan ng mga anak ni Israel at parehung-pareho sa pagiging malusog at walang kapintasan. (Lev 16:5, 7) Pagpapalabunutan niya ang mga iyon upang malaman kung alin sa dalawa ang ihahain kay Jehova bilang handog ukol sa kasalanan at kung alin ang pakakawalan sa ilang bilang ang ‘kambing para kay Azazel’ na magdadala ng kanilang mga kasalanan. (Lev 16:8, 9; ihambing ang 14:1-7; tingnan ang AZAZEL.) Pagkatapos ay ihahain niya ang guyang toro bilang handog ukol sa kasalanan para sa kaniyang sarili at sa kaniyang sambahayan, na doo’y kasama ang buong tribo ni Levi, na kinabibilangan naman ng kaniyang pamilya. (Lev 16:6, 11) Kasunod nito, kukuha siya ng mabangong insenso at kukunin niya ang lalagyan ng apoy na punô ng nagniningas na baga mula sa altar at papasok siya sa loob ng kurtina sa Kabanal-banalan. Ang insenso ay sinusunog sa kaloob-loobang silid na ito, na kinaroroonan ng kaban ng patotoo, anupat ang usok ng nasusunog na insenso ay kumakalat sa ibabaw ng ginintuang takip ng Kaban na may dalawang kerubin na yari sa ginto. (Lev 16:12, 13; Exo 25:17-22) Kailangang isagawa ang bagay na ito upang si Aaron ay muling makapasok nang ligtas sa Kabanal-banalan.

      Pagkalabas mula sa Kabanal-banalan, si Aaron ay kukuha ng dugo ng toro, papasok sa silid na ito dala ang dugo, at pitong ulit niyang iwiwisik iyon sa pamamagitan ng kaniyang daliri sa harap ng takip ng Kaban sa dakong S. Sa gayon ay natatapos ang pagbabayad-sala para sa mga saserdote, anupat nagiging malinis sila at maaari nang mamagitan kay Jehova at sa kaniyang bayan.​—Lev 16:14.

      Ang kambing na kinahulugan ng palabunot “para kay Jehova” ay inihahain bilang handog ukol sa kasalanan para sa bayan. (Lev 16:8-10) Pagkatapos ay dadalhin ng mataas na saserdote ang dugo ng kambing na para kay Jehova sa loob ng Kabanal-banalan, at doon ay gagamitin niya ito upang magbayad-sala para sa 12 di-makasaserdoteng tribo ng Israel. Gaya ng ginawa sa dugo ng toro, ang dugo ng kambing ay iwiwisik “sa takip at sa harap ng takip” ng Kaban.​—Lev 16:15.

      Sa gayunding paraan nagbabayad-sala si Aaron para sa dakong banal at sa tolda ng kapisanan. Pagkatapos, kukuha siya ng dugo ng toro at ng ‘kambing para kay Jehova’ upang magbayad-sala para sa altar ng handog na sinusunog, anupat nilalagyan niya ng dugo ang mga sungay ng altar. “Iwiwisik din niya ang dugo sa ibabaw niyaon sa pamamagitan ng kaniyang daliri nang pitong ulit at lilinisin iyon at pababanalin iyon mula sa mga karumihan ng mga anak ni Israel.”​—Lev 16:16-20.

      Pagkatapos, ibabaling naman ng mataas na saserdote ang kaniyang pansin sa kambing na para kay Azazel. Ipapatong niya ang kaniyang mga kamay sa ulo nito, ipagtatapat niya sa ibabaw nito ang “lahat ng kamalian ng mga anak ni Israel at lahat ng kanilang pagsalansang sa lahat ng kanilang mga kasalanan,” ilalagay niya ang mga iyon sa ulo nito, at pakakawalan niya ito “sa ilang sa pamamagitan ng kamay ng isang taong nakahanda.” Sa gayon ay dadalhin ng kambing ang mga kamalian ng mga Israelita patungo sa ilang, kung saan ito maglalaho. (Lev 16:20-22) Pagkatapos nito, lalabhan ng taong nagpakawala sa kambing ang kaniyang mga kasuutan at paliliguan niya ang kaniyang laman sa tubig bago siya pumasok sa kampo.​—Lev 16:26.

      Si Aaron naman ngayon ay papasok sa tolda ng kapisanan, maghuhubad ng mga kasuutang lino, maliligo, at magbibihis ng kaniyang karaniwang kasuutan. Kasunod nito, ihaharap niya ang kaniyang handog na sinusunog at ang handog na sinusunog para sa bayan (ang mga barakong tupa na binanggit sa Lev 16:3, 5) at magbabayad-sala siya, at pauusukin niya ang taba ng handog ukol sa kasalanan sa ibabaw ng altar. (Lev 16:23-25) Itinakda ng Diyos na Jehova na para lamang sa kaniya ang taba ng hain, at pinagbawalan niya ang mga Israelita na kainin iyon. (Lev 3:16, 17; 4:31) Ang natira sa mga bangkay ng toro at ng kambing na handog ukol sa kasalanan ay aalisin sa looban ng tabernakulo at dadalhin sa isang lugar sa labas ng kampo, kung saan susunugin ang mga iyon. Ang nagsunog ng mga iyon ay maglalaba ng kaniyang mga kasuutan at paliliguan niya ang kaniyang laman sa tubig, pagkatapos ay makapapasok na siya sa kampo. (Lev 16:27, 28) Ang iba pang mga hain sa araw na iyon ay binabanggit sa Bilang 29:7-11.

      Nagwakas ang Lehitimong Pagdiriwang. Bagaman ipinagdiriwang pa rin ng mga tagapagtaguyod ng Judaismo ang Araw ng Pagbabayad-Sala, ang gayong pagdiriwang ay ibang-iba sa pagdiriwang na itinatag ng Diyos, sapagkat wala silang tabernakulo, altar, at kaban ng tipan, hindi sila naghahain ng mga toro at mga kambing, at wala silang mga Levitikong saserdote. Sa kabilang dako, batid ng mga Kristiyano na ang mga lingkod ni Jehova ay wala na sa ilalim ng gayong pananagutan. (Ro 6:14; Heb 7:18, 19; Efe 2:11-16) Bukod diyan, dahil sa pagkawasak ng templo sa Jerusalem noong 70 C.E., nagwakas na ang paglilingkod ng tunay na mga Levitikong saserdote, at imposible nang patunayan ngayon kung sinu-sino ang karapat-dapat na gumanap bilang mga saserdote. Ganito ang sabi ng The Encyclopedia Americana (1956, Tomo XVII, p. 294) tungkol sa mga Levita: “Pagkatapos na mawasak ang templo noong panahon ng pangangalat, naglaho na sila sa kasaysayan, anupat napasama sa maraming bihag na nangalat sa buong imperyo ng Roma.”

      Antitipikong Katuparan. Noong ipinagdiriwang pa ito nang wasto, ang taunang Araw ng Pagbabayad-Sala, tulad ng iba pang bahagi ng Kautusang Mosaiko, ay nagsisilbing larawan ng isang bagay na mas dakila. Kung susuriin ang pagdiriwang na ito sa liwanag ng kinasihang pananalita ng apostol na si Pablo, makikita natin na si Jesu-Kristo at ang kaniyang ginawang pagtubos sa sangkatauhan ay isinagisag ng mataas na saserdote ng Israel at ng mga hayop na ginamit sa seremonya ng pagbabayad-sala. Sa liham ni Pablo sa mga Hebreo, ipinakita niya na si Jesu-Kristo ang dakilang antitipikong Mataas na Saserdote. (Heb 5:4-10) Sinabi rin ng apostol na ang pagpasok ng mataas na saserdote sa Kabanal-banalan isang araw sa bawat taon taglay ang dugo ng mga haing hayop ay lumarawan sa pagpasok ni Jesu-Kristo sa langit mismo taglay ang sarili niyang dugo upang magbayad-sala para sa mga nananampalataya sa kaniyang hain. Sabihin pa, palibhasa’y walang kasalanan, hindi kinailangan ni Kristo na maghandog ng hain para sa anumang personal na kasalanan, di-tulad ng mataas na saserdote ng Israel.​—Heb 9:11, 12, 24-28.

      Inihahain noon ni Aaron ang toro para sa mga saserdote at sa iba pang miyembro ng tribo ni Levi, anupat iwiniwisik niya ang dugo nito sa Kabanal-banalan. (Lev 16:11, 14) Sa katulad na paraan, iniharap ni Kristo ang halaga ng kaniyang dugo sa Diyos sa langit, kung saan makikinabang dito yaong mga mamamahalang kasama niya bilang mga saserdote at mga hari. (Apo 14:1-4; 20:6) Inihahain din noon ang kambing na para kay Jehova at iwiniwisik ang dugo nito sa harap ng Kaban na nasa Kabanal-banalan, para naman sa kapakinabangan ng di-makasaserdoteng mga tribo ng Israel. (Lev 16:15) Sa gayunding paraan, hindi lamang ang makasaserdoteng espirituwal na Israel ang nakikinabang sa iisang hain ni Jesu-Kristo, kundi pati ang sangkatauhan. Dalawang kambing ang kinailangan noon, sapagkat hindi posibleng ihain ang isang kambing at pagkatapos ay gamitin iyon upang dalhin ang mga kasalanan ng Israel. Ang dalawang kambing ay tinutukoy bilang isang handog ukol sa kasalanan (Lev 16:5) at itinuturing na magkapantay hanggang sa mapagpalabunutan, na nagpapahiwatig na iisa ang isinasagisag ng mga iyon. Kaayon nito, hindi lamang inihain si Jesu-Kristo kundi dinala rin niya ang mga kasalanan ng sangkatauhan na alang-alang sa kanila ay namatay siya bilang hain.

      Ipinakita ng apostol na si Pablo na, yamang ang dugo ng mga toro at ng mga kambing ay hindi maaaring mag-alis ng mga kasalanan, naghanda ang Diyos ng isang katawan para kay Jesus (na ipinakita ni Jesus na handa niyang ihain noong iharap niya ang kaniyang sarili upang magpabautismo), at kaayon ng kalooban ng Diyos, ang mga tagasunod ni Kristo ay ‘pinabanal sa pamamagitan ng paghahandog ng katawan ni Jesu-Kristo nang minsanan.’ (Heb 10:1-10) Kung paanong ang natira sa mga katawan ng toro at ng kambing na inihandog sa Araw ng Pagbabayad-Sala ay sinusunog sa labas ng kampo ng Israel, binanggit ng apostol na nagdusa si Kristo (nang ibayubay siya) sa labas ng pintuang-daan ng Jerusalem.​—Heb 13:11, 12.

      Samakatuwid, maliwanag na bagaman ang Araw ng Pagbabayad-Sala ng mga Judio ay hindi lubusan at permanenteng nakapag-alis ng kasalanan kahit para sa Israel, ang iba’t ibang bahagi ng taunang pagdiriwang na ito ay nagsilbing mga sagisag. Lumarawan ang mga iyon sa kamangha-manghang pagbabayad-sala para sa mga kasalanan, na isinagawa ni Jesu-Kristo, ang Mataas na Saserdote na ipinahahayag ng mga Kristiyano.​—Heb 3:1; tingnan ang PAGBABAYAD-SALA; PANTUBOS.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share