-
SatanasKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Sinasabi ng Bibliya na nang maglaon, si Satanas bilang karibal na diyos ay humarap kay Jehova sa langit. Hinamon niya si Jehova sa pagsasabing maitatalikod niya ang lingkod ng Diyos na si Job mula sa Kaniya, at sa gayo’y ipinahiwatig na maitatalikod din niya ang kahit sinong lingkod ng Diyos. Sa diwa, pinaratangan niya ang Diyos ng di-matuwid na pagbibigay kay Job ng lahat ng bagay, lakip na ang lubos na proteksiyon, anupat hindi magawang subukin ni Satanas si Job at ipakita kung ano talaga ang nasa puso nito, na diumano’y masama, ayon sa pahiwatig ni Satanas. Pinalitaw niya na naglilingkod lamang si Job sa Diyos dahil sa makasariling mga kadahilanan. Nilinaw ni Satanas ang puntong ito ng kaniyang argumento nang sabihin niya: “Balat kung balat, at ang lahat ng pag-aari ng isang tao ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa. Upang mapaiba naman, iunat mo ang iyong kamay, pakisuyo, at galawin mo siya hanggang sa kaniyang buto at sa kaniyang laman at tingnan mo kung hindi ka niya susumpain nang mukhaan.”—Job 1:6-12; 2:1-7; tingnan ang SOBERANYA.
Sa natatanging kaso na ito, pinahintulutan ni Jehova si Satanas na magpasapit ng kapahamakan kay Job. Hindi Siya nakialam nang pangyarihin ni Satanas na lumusob ang mga mandarambong na Sabeano at malipol ang mga kawan at mga pastol sa pamamagitan ng tinagurian ng mensahero ni Job na “mismong apoy ng Diyos” mula sa langit. Hindi sinasabi ng ulat kung iyon ay kidlat o iba pang uri ng apoy. Pinangyari rin ni Satanas ang isang paglusob ng tatlong pangkat ng mga Caldeo, pati na ang isang buhawi. Dahil dito, namatay ang lahat ng mga anak ni Job at nasira ang kaniyang ari-arian. Bilang panghuli, nagpasapit si Satanas kay Job ng isang karima-rimarim na sakit.—Job 1:13-19; 2:7, 8.
Isinisiwalat nito ang lakas at kapangyarihan ng espiritung nilalang na si Satanas, gayundin ang kaniyang mabalasik at mapamaslang na saloobin.
Gayunman, mahalagang pansinin na kinilala ni Satanas na wala siyang magagawa laban sa tuwirang utos ng Diyos, sapagkat hindi niya hinamon ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos nang pagbawalan siyang kitlin ang buhay ni Job.—Job 2:6.
Patuluyang Pagsalansang sa Diyos. Sa pamamagitan ng paghamon sa Diyos at pagpaparatang ng kawalang-integridad sa mga lingkod ng Diyos, namuhay si Satanas ayon sa kaniyang titulong “Diyablo,” na nangangahulugang “Maninirang-puri,” isang titulong nararapat sa kaniya dahil siniraang-puri niya ang Diyos na Jehova sa hardin ng Eden.
-
-
SatanasKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Pagkatapos ng kaniyang bautismo, lumapit si Satanas kay Jesus sa ilang taglay ang tatlong matitinding tukso, anupat lubusang sinubok ang kaniyang debosyon kay Jehova. Sa isang pagsubok, ipinakita ni Satanas kay Jesus ang lahat ng mga kaharian ng sanlibutan, na inaangking kaniya ang mga iyon. Hindi sinalungat ni Jesus ang pag-aangking ito. Gayunman, kahit isang saglit ay hindi inisip ni Jesus na kunin sa mabilisang paraan ang kaniyang paghahari, ni binalak man niyang gumawa ng anumang bagay para lamang palugdan ang kaniyang sarili. Ang kaniyang kagyat na tugon kay Satanas ay, “Lumayas ka, Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.’” Dahil dito, “ang Diyablo . . . ay humiwalay sa kaniya hanggang sa iba pang kumbinyenteng panahon.” (Mat 4:1-11; Luc 4:13) Ipinakikita nito na totoo ang mga isinulat ni Santiago nang maglaon: “Salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.”—San 4:7.
Laging mapagbantay si Jesus sa mga pakana ni Satanas at sa hangarin nito na pangyarihin ang kaniyang pagkapuksa sa pamamagitan ng pagpapaisip sa kaniya ng isang bagay na salungat sa kalooban ni Jehova. Napatunayan ito minsan nang si Pedro, sa kabila ng mabuting intensiyon, ay aktuwal na magharap ng tukso sa kaniya. Bago pa nito ay binanggit na ni Jesus ang pagdurusa at kamatayan na kaniyang daranasin. “Dahil dito ay dinala siya ni Pedro sa tabi at sinimulan siyang sawayin, na sinasabi: ‘Maging mabait ka sa iyong sarili, Panginoon; hindi kailanman mangyayari sa iyo ang kahihinatnang ito.’ Ngunit, pagtalikod niya, sinabi niya kay Pedro: ‘Lumagay ka sa likuran ko, Satanas! Ikaw ay isang katitisuran sa akin, sapagkat iniisip mo, hindi ang mga kaisipan ng Diyos, kundi yaong sa mga tao.’”—Mat 16:21-23.
Nanganib si Jesus sa buong panahon ng kaniyang ministeryo. Gumamit si Satanas ng mga taong ahente upang salansangin si Jesus, anupat nagsisikap na siya’y tisurin o patayin. Noong minsan, aagawin na sana ng mga tao si Jesus upang gawin siyang hari. Ngunit ayaw niya iyon. Tatanggapin lamang niya ang paghahari sa panahon at paraang itinakda ng Diyos. (Ju 6:15) Noong isa pang pagkakataon, tinangka siyang patayin ng kaniyang mga kababayan. (Luc 4:22-30) Palagi siyang nililigalig ng mga taong ginagamit ni Satanas upang hulihin siya. (Mat 22:15) Ngunit sa lahat ng mga pagsisikap ni Satanas, nabigo siyang pagkasalahin si Jesus sa kaliit-liitang bagay, sa isip man o sa gawa. Napatunayan na si Satanas ay talagang sinungaling, at nabigo siya sa kaniyang paghamon sa soberanya ng Diyos at sa katapatan ng mga lingkod ng Diyos. Gaya ng sinabi ni Jesus nang malapit na siyang mamatay: “Ngayon ay may paghatol sa sanlibutang ito; ngayon ay palalayasin ang tagapamahala ng sanlibutang ito,” na napatunayang sinungaling. (Ju 12:31) Sa pamamagitan ng kasalanan, nagkaroon si Satanas ng mahigpit na kapit sa buong sangkatauhan. Gayunman, palibhasa’y alam ni Jesus na malapit nang pangyarihin ni Satanas ang kaniyang kamatayan, ganito ang nasabi niya matapos niyang ipagdiwang ang kaniyang huling Paskuwa kasama ng kaniyang mga alagad: “Ang tagapamahala ng sanlibutan ay dumarating. At wala siyang kapangyarihan sa akin.”—Ju 14:30.
Pagkalipas ng ilang oras, nagtagumpay si Satanas na maipapatay si Jesus. Una’y nakontrol niya ang isa sa mga apostol ni Jesus, pagkatapos ay ginamit niya ang mga lider na Judio at ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Roma upang ipapatay si Jesus sa isang masakit at kahiya-hiyang paraan. (Luc 22:3; Ju 13:26, 27; kab 18, 19) Dito, kumilos si Satanas bilang “ang isa na may kakayahang magpangyari ng kamatayan, samakatuwid nga, ang Diyablo.” (Heb 2:14; Luc 22:53) Subalit dito ay nabigo si Satanas na isulong ang kaniyang tunguhin. Bagaman labag sa kaniyang kalooban ay tinupad lamang niya ang hula, na humihiling na mamatay si Jesus bilang isang hain. Ang kamatayan ni Jesus sa kawalang-kapintasan ay naglaan ng pantubos na halaga para sa sangkatauhan, at sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan (at ng pagbuhay-muli sa kaniya ng Diyos), maaari nang tulungan ni Jesus ang makasalanang sangkatauhan na makatakas sa mahigpit na kapit ni Satanas, sapagkat, gaya ng nasusulat, si Jesus ay naging dugo at laman “upang sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan ay mapawi niya ang isa na may kakayahang magpangyari ng kamatayan, samakatuwid nga, ang Diyablo; at upang mapalaya niya ang lahat niyaong mga dahil sa takot sa kamatayan ay napasailalim sa pagkaalipin sa buong buhay nila.”—Heb 2:14, 15.
Patuloy na nakikipaglaban sa mga Kristiyano. Pagkatapos ng kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus, patuloy na nakipaglaban si Satanas sa mga tagasunod ni Kristo. Maraming patotoo nito sa mga ulat na nasa aklat ng Mga Gawa at mga liham ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sinabi ni Pablo na binigyan siya ng “isang tinik sa laman, isang anghel ni Satanas, upang palaging sumampal” sa kaniya. (2Co 12:7) At gaya ng ginawa niya kay Eva, ikinubli ni Satanas ang kaniyang tunay na personalidad at mga layunin sa pamamagitan ng ‘pag-aanyong isang anghel ng liwanag.’ Nagkaroon siya ng mga ahente, mga ministro na ‘lagi ring nag-aanyong mga ministro ng katuwiran.’ (2Co 11:14, 15) Ang mga halimbawa ng mga ito ay ang mga bulaang apostol na kumalaban kay Pablo (2Co 11:13) at yaong mga nasa Smirna ‘na nagsabing sila nga ay mga Judio, at gayunma’y hindi sila gayon kundi isang sinagoga ni Satanas.’ (Apo 2:9) Hindi humihinto si Satanas sa pag-akusa sa mga Kristiyano “araw at gabi,” anupat hinahamon ang kanilang katapatan, gaya ng ginawa niya kay Job. (Apo 12:10; Luc 22:31) Mabuti na lamang at ang mga Kristiyano ay may “katulong sa Ama, si Jesu-Kristo, isa na matuwid,” na humaharap sa persona ng Diyos alang-alang sa kanila.—1Ju 2:1.
-