-
SoberanyaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Pinaratangan ng pagiging makasarili ang mga lingkod ng Diyos. Ang isa pang aspekto ng usapin ay masusumpungan sa sinabi ni Satanas sa Diyos tungkol sa Kaniyang tapat na lingkod na si Job. Sinabi ni Satanas: “Natatakot ba si Job sa Diyos nang walang dahilan? Hindi ka ba naglagay ng bakod sa palibot niya at sa palibot ng kaniyang sambahayan at sa palibot ng lahat ng kaniyang pag-aari sa buong paligid? Ang gawa ng kaniyang mga kamay ay iyong pinagpala, at ang kaniyang mga alagang hayop ay lumaganap sa lupa. Ngunit, upang mapaiba naman, iunat mo ang iyong kamay, pakisuyo, at galawin mo ang lahat ng kaniyang pag-aari at tingnan mo kung hindi ka niya susumpain nang mukhaan.” Ipinaratang din niya: “Balat kung balat, at ang lahat ng pag-aari ng isang tao ay ibibigay niya alang-alang sa kaniyang kaluluwa.” (Job 1:9-11; 2:4) Samakatuwid, pinaratangan ni Satanas si Job na diumano’y hindi ito taimtim na naglilingkod sa Diyos, anupat masunurin ito sa Diyos dahil lamang sa pansariling mga pakinabang. Sa gayon ay siniraang-puri ni Satanas ang Diyos may kaugnayan sa Kaniyang soberanya, at ang mga lingkod ng Diyos naman may kaugnayan sa katapatan nila sa soberanyang iyon. Sa diwa ay sinabi niya na walang sinumang tao sa lupa ang mananatiling tapat sa soberanya ni Jehova kung pahihintulutan siyang ilagay ang tao sa pagsubok.
Pinahintulutan ni Jehova na maiharap ang usapin. Gayunman, hindi iyon dahil hindi siya tiyak na ang kaniyang soberanya ay matuwid. Wala siyang kailangang patunayan sa kaniyang sarili. Dahil sa pag-ibig niya sa kaniyang matatalinong nilalang, nagbigay siya ng panahon upang malutas ang usapin. Pinahintulutan niyang subukin ni Satanas ang mga tao, sa harap ng buong sansinukob. At binigyan niya ng pribilehiyo ang kaniyang mga nilalang na patunayang sinungaling ang Diyablo, at alisin ang kasiraang-puri hindi lamang mula sa pangalan ng Diyos kundi mula rin sa kanilang pangalan.
-
-
SoberanyaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Kung hanggang saan umabot ang usapin. Hanggang saan ang saklaw ng usapin? Yamang ang tao ay nahikayat na magkasala, at yamang may isang anghel na nagkasala, ang usapin ay umabot at sumaklaw sa makalangit na mga nilalang ng Diyos, maging sa bugtong na Anak ng Diyos, ang Isa na pinakamalapít sa Diyos na Jehova. Ang Isang ito, na laging gumagawa ng mga bagay na nakalulugod sa kaniyang Ama, ay tiyak na sabik na sabik na maglingkod ukol sa pagbabangong-puri ng soberanya ni Jehova. (Ju 8:29; Heb 1:9) Pinili siya ng Diyos para sa atas na ito, anupat isinugo siya sa lupa, kung saan ipinanganak siya bilang isang sanggol na lalaki sa pamamagitan ng birheng si Maria. (Luc 1:35) Sakdal siya, at pinanatili niya ang gayong kasakdalan at kawalang-kapintasan sa buong buhay niya, maging hanggang sa isang kahiya-hiyang kamatayan. (Heb 7:26) Sinabi niya bago siya mamatay: “Ngayon ay may paghatol sa sanlibutang ito; ngayon ay palalayasin ang tagapamahala ng sanlibutang ito.” Gayundin: “Ang tagapamahala ng sanlibutan ay dumarating. At wala siyang kapangyarihan sa akin.” (Ju 12:31; 14:30) Walang kapangyarihan si Satanas na sirain ang katapatan ni Kristo, at hinatulan siyang bigo, anupat handa nang mapalayas. ‘Dinaig ni Jesus ang sanlibutan.’—Ju 16:33.
Si Jesu-Kristo, Tagapagbangong-puri ng pagiging matuwid ng soberanya ni Jehova. Kaya sa lubusang sakdal na paraan, pinatunayan ni Jesu-Kristo na ang Diyablo ay sinungaling, anupat lubos na sinasagot ang tanong na, May tao ba na mananatiling tapat sa Diyos sa ilalim ng anumang pagsubok?
-
-
SoberanyaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Ipinakikita ng aklat ng Apocalipsis na pagkatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, kung kailan ibabagsak niya ang lahat ng awtoridad na magtatangkang maging karibal ng soberanya ni Jehova, ang Diyablo ay pakakawalan sa loob ng maikling panahon. Sisikapin niyang muling ibangon ang usapin, ngunit hindi na pahihintulutang magtagal ang isang bagay na nalutas na. Si Satanas at ang mga sumusunod sa kaniya ay lubusang lilipulin.—Apo 20:7-10.
May mga iba pa na nasa panig ni Jehova. Bagaman nailaan na ng katapatan ni Kristo ang kumpletong katibayan na sumusuporta sa panig ng Diyos hinggil sa usapin, ang iba ay pinahihintulutan ding makibahagi rito. (Kaw 27:11) Ang mga epekto ng landasin ni Kristo bilang tagapag-ingat ng katapatan, pati na ng kaniyang sakripisyong kamatayan, ay itinawag-pansin ng apostol: “Sa pamamagitan ng isang gawa ng pagbibigay-katuwiran ang resulta sa lahat ng uri ng mga tao ay ang pagpapahayag sa kanila na matuwid para sa buhay.” (Ro 5:18) Si Kristo ay ginawang Ulo ng “katawan” o ng kongregasyon (Col 1:18), na ang mga miyembro ay nakikibahagi sa kaniyang kamatayan taglay ang katapatan, at nagagalak siya na makibahagi sila sa kaniya bilang mga kasamang tagapagmana, bilang mga kasamang hari sa kaniyang pamamahala sa Kaharian. (Luc 22:28-30; Ro 6:3-5; 8:17; Apo 20:4, 6) Ang makadiyos na mga tao noong sinaunang panahon, na naghihintay sa paglalaan ng Diyos, ay nanatiling tapat, bagaman di-sakdal ang kanilang katawan. (Heb 11:13-16) At marami pa ang magluluhod ng kanilang tuhod sa dakong huli taglay ang taos-pusong pagkilala sa matuwid at karapat-dapat na soberanya ng Diyos. Gaya ng sinabi sa makahulang awit ng salmista: “Ang bawat bagay na may hininga—purihin nito si Jah. Purihin ninyo si Jah!”—Aw 150:6.
-