-
BelsasarKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Pinatototohanan ba ng sekular na kasaysayan na si Belsasar ay naging isang tagapamahala ng Babilonya?
Sa isang tapyas na cuneiform na nagmula pa noong taon ng pagluklok ni Neriglissar, na kasunod ni Awil-Marduk (Evil-merodac) sa tronong Babilonyo, tinutukoy ang isang “Belsasar, na punong opisyal ng hari,” may kaugnayan sa isang transaksiyon sa pera. Bagaman hindi napatunayan, posibleng tumutukoy ito sa Belsasar ng Bibliya. Noong 1924, inilathala ang kahulugan ng isang sinaunang tekstong cuneiform na tinawag na “Verse Account of Nabonidus,” at isiniwalat nito ang mahahalagang impormasyon na malinaw na nagpapatunay sa posisyon ni Belsasar bilang hari sa Babilonya at nagpapaliwanag kung paano siya naging kasamang-tagapamahala ni Nabonido. May kinalaman sa pagbihag ni Nabonido sa Tema noong ikatlong taon ng kaniyang pamamahala, isang bahagi ng teksto ang nagsasabi: “Ipinagkatiwala niya ang ‘Kampo’ sa kaniyang pinakamatanda(ng anak), ang panganay [si Belsasar], ang mga hukbo sa lahat ng dako ng bansa ay inutusan niyang magpasailalim (sa pangangasiwa) nito. Ipinaubaya niya (ang lahat), ipinagkatiwala ang pagkahari sa kaniya at, siya mismo, siya [si Nabonido] ay nagpasimula ng isang mahabang paglalakbay, ang mga hukbo(ng militar) ng Akkad ay humayong kasama niya; bumaling siya patungong Tema (na nasa malayo) sa dakong kanluran.” (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 313) Kaya, talagang humawak ng maharlikang awtoridad si Belsasar mula noong ikatlong taon ni Nabonido, at malamang na katugma ng pangyayaring ito ang pagtukoy ni Daniel sa “unang taon ni Belsasar na hari ng Babilonya.”—Dan 7:1.
Ang silinder sa templo ng Babilonya na bumabanggit kay Haring Nabonido at sa kaniyang anak na si Belsasar
Sa isa pang dokumento na tinatawag na Nabonidus Chronicle, may masusumpungang pananalita hinggil sa ikapito, ikasiyam, ikasampu, at ikalabing-isang opisyal na taon ng paghahari ni Nabonido. Ito ay kababasahan: “Ang hari (ay) nasa Tema (samantalang) ang prinsipe, ang mga opisyal, at ang kaniyang hukbo (ay) nasa Akkad [Babilonia].” (Assyrian and Babylonian Chronicles, ni A. K. Grayson, 1975, p. 108) Lumilitaw na ginugol ni Nabonido ang kalakhang bahagi ng kaniyang paghahari nang malayo sa Babilonya, at bagaman hindi binibitiwan ang kaniyang posisyon bilang kataas-taasang tagapamahala, pinagkatiwalaan niya ng administratibong awtoridad ang kaniyang anak na si Belsasar upang mamahala habang wala siya. Maliwanag ito sa maraming tekstong nakuha mula sa mga sinaunang artsibo na nagpapatunay na si Belsasar ay humawak ng maharlikang mga pribilehiyo, na siya ay nagpapalabas noon ng mga utos. Ang mga bagay na inasikaso ni Belsasar sa ilang mga dokumento at mga utos ay mga bagay na karaniwan nang si Nabonido ang mag-aasikaso, bilang ang kataas-taasang tagapamahala, kung naroroon siya. Gayunman, si Belsasar ay nanatiling ikalawang tagapamahala lamang ng imperyo, kaya naman ang tanging maiaalok niya kay Daniel ay ang gawin itong “ikatlo sa kaharian.”—Dan 5:16.
Totoo na sa opisyal na mga inskripsiyon, ang titulong ibinibigay kay Belsasar ay “tagapagmanang prinsipe,” samantalang sa aklat ng Daniel, ang kaniyang titulo ay “hari.” (Dan 5:1-30) Ipinahihiwatig ng isang tuklas sa arkeolohiya sa hilagang Sirya kung ano ang posibleng dahilan. Noong 1979, nahukay ang isang sinlaki-ng-taong estatuwa ng isang tagapamahala ng sinaunang Gozan. Sa laylayan nito ay may dalawang inskripsiyon, ang isa ay sa wikang Asiryano at ang isa naman ay sa wikang Aramaiko—ang wikang ginamit sa ulat ng Daniel tungkol kay Belsasar. Ang dalawang inskripsiyon na halos magkatulad ay may isang katangi-tanging pagkakaiba. Ang teksto sa wikang Asiryano ng imperyo ay nagsasabing iyon ay estatuwa ng “gobernador ng Gozan.” Inilalarawan naman siya ng teksto sa Aramaiko, ang wika ng lokal na mga tao, bilang “hari.”
Kaya naman sumulat ang arkeologo at iskolar sa wika na si Alan Millard: “Kaayon ng mga impormasyong Babiloniko at ng mga bagong teksto tungkol sa estatuwang ito, maaaring itinuturing na angkop para sa gayong di-opisyal na mga rekord gaya ng Aklat ng Daniel na tawaging ‘hari’ si Belsasar. Gumanap siya bilang hari, ang kinatawan ng kaniyang ama, bagaman hindi siya ang legal na hari. Ang eksaktong pagkakaiba nila ay hindi na mahalagang ipakita at baka makalito lamang sa kuwento na inilahad sa Daniel.”—Biblical Archaeology Review, Mayo/Hunyo 1985, p. 77.
Yaong mga humahawak ng soberanong kapangyarihan sa Babilonia ay inasahang magiging uliran sa pagpipitagan sa mga diyos. May anim na tekstong cuneiform hinggil sa mga pangyayari mula sa ika-5 hanggang sa ika-13 taon ng paghahari ni Nabonido na bumabanggit tungkol sa debosyon ni Belsasar sa mga bathala ng Babilonya. Bilang gumaganap na hari habang wala si Nabonido, ipinakikita ng mga dokumento na si Belsasar ay naghahandog ng ginto, pilak, at mga hayop sa mga templo sa Erec at Sippar, sa gayo’y kumilos siya sa paraang kasuwato ng kaniyang maharlikang posisyon.
-