-
NabonidoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Ipinakikita ng Nabonidus Chronicle na nakabalik na si Nabonido sa Babilonya noong taóng sumalakay ang Medo-Persia, samantalang ipinagdiriwang ang kapistahan ng Bagong Taon at dinadala sa lunsod ang iba’t ibang diyos ng Babilonia. May kinalaman sa paglusob ni Ciro, sinasabi ng Chronicle na pagkatapos ng isang tagumpay sa Opis, nabihag niya ang Sippar (mga 60 km [37 mi] sa H ng Babilonya) at “tumakas si Nabonido.” Pagkatapos ay sinundan ito ng ulat ng pananakop ng Medo-Persia sa Babilonya, at sinasabi na pagbalik doon ni Nabonido ay ibinilanggo siya. (Ancient Near Eastern Texts, p. 306)
-
-
NabonidoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Ano ang aktuwal na nilalaman ng Nabonidus Chronicle?
Ito ay isang piraso ng tapyas na luwad na tinatawag ding “Cyrus-Nabonidus Chronicle” at “The Annalistic Tablet of Cyrus,” at iniingatan ngayon sa British Museum. Pangunahin nang inilalarawan nito ang tampok na mga pangyayari noong naghahari si Nabonido, ang huling kataas-taasang monarka ng Babilonya, lakip ang isang maikling ulat ng pagbagsak ng Babilonya sa mga hukbo ni Ciro. Bagaman walang alinlangang ito ay orihinal na nagmula sa Babilonya at isinulat sa sulat na cuneiform ng Babilonya, sinasabi ng mga iskolar na sumuri sa istilo ng sulat nito na ito ay maaaring mula pa noong panahon ng yugtong Seleucido (312-65 B.C.E.), anupat dalawang siglo o higit pa pagkamatay ni Nabonido. Ipinapalagay ng ilan na malamang na ito’y kopya ng isang mas naunang dokumento. Lubhang niluluwalhati ng kronikang ito si Ciro samantalang minamaliit naman si Nabonido kung kaya ipinapalagay na ito’y isinulat ng isang eskribang Persiano, at sa katunayan ay tinutukoy ito bilang “propagandang Persiano.” Magkagayunman, nadarama ng mga istoryador na ang taglay nitong kaugnay na datos ay mapananaligan.
Bagaman maikli lamang ang Nabonidus Chronicle—ang tapyas ay may sukat na mga 14 na sentimetro (5.5 pulgada) sa pinakamalapad na bahagi nito at mga gayundin ang haba—ito pa rin ang pinakakumpletong rekord na cuneiform tungkol sa pagbagsak ng Babilonya. Sa ikatlo sa apat na tudling nito, pasimula sa linya 5, ang mahahalagang seksiyon ay nagsasabi: “[Ikalabimpitong taon:] . . . Noong buwan ng Tashritu, nang salakayin ni Ciro ang hukbo ng Akkad sa Opis na nasa Tigris, ang mga naninirahan sa Akkad ay naghimagsik, ngunit pinagpapatay niya (Nabonido) ang nalilitong mga naninirahan doon. Ika-14 na araw, ang Sippar ay nabihag nang walang pagbabaka. Tumakas si Nabonido. Ika-16 na araw, si Gobryas (Ugbaru), gobernador ng Gutium at ang hukbo ni Ciro ay pumasok sa Babilonya nang walang pagbabaka. Pagkatapos ay inaresto si Nabonido sa Babilonya nang bumalik siya (roon). . . . Noong buwan ng Arahshamnu, nang ika-3 araw, pumasok si Ciro sa Babilonya, maliliit na luntiang sanga ang inilatag sa harap niya—ang kalagayan ng ‘Kapayapaan’ (sulmu) ay pinairal sa lunsod.”—Ancient Near Eastern Texts, p. 306.
Mapapansin na ang pariralang “Ikalabimpitong taon” ay hindi lumilitaw sa tapyas, yamang ang bahaging iyon ng teksto ay nasira. Ang pariralang ito ay isinisingit ng mga tagapagsalin sapagkat naniniwala sila na ang ika-17 opisyal na taon ng paghahari ni Nabonido ang huling taon niya. Kaya ipinapalagay nila na bumagsak ang Babilonya sa taóng iyon ng kaniyang paghahari at na, kung hindi nasira ang tapyas, ang mga salitang iyon ang makikita sa bahagi na sira na ngayon. Kahit na ang paghahari ni Nabonido ay mas mahaba pa kaysa sa karaniwang inaakala, hindi nito mababago ang kinikilalang petsa na 539 B.C.E. bilang taon ng pagbagsak ng Babilonya, sapagkat may iba pang mga mapagkukunan ng impormasyon na tumutukoy sa taóng iyon. Gayunman, ang salik na ito ay waring nakababawas sa kahalagahan ng Nabonidus Chronicle.
Bagaman wala roon ang taon, naroon naman sa nalalabing teksto ang buwan at araw ng pagbagsak ng lunsod. Sa paggamit ng mga ito, kinakalkula ng sekular na mga kronologo na ang ika-16 na araw ng Tashritu (Tisri) ay pumapatak ng Oktubre 11, sa kalendaryong Julian, at Oktubre 5, sa kalendaryong Gregorian, noong taóng 539 B.C.E. Yamang ang petsang ito ay kinikilala, anupat walang katibayan na salungat dito, ito ay magagamit bilang isang saligang petsa sa pagtutugma ng sekular na kasaysayan sa kasaysayan sa Bibliya.—Tingnan ang KRONOLOHIYA.
Kapansin-pansin na sinasabi ng Chronicle may kinalaman sa gabi ng pagbagsak ng Babilonya: “Ang hukbo ni Ciro ay pumasok sa Babilonya nang walang pagbabaka.” Ito’y malamang na nangangahulugang hindi nagkaroon ng malaking labanan at kaayon ng hula ni Jeremias na ‘ang makapangyarihang mga lalaki ng Babilonya ay titigil sa paglaban.’—Jer 51:30.
Kapansin-pansin din ang maliwanag na mga pagtukoy kay Belsasar sa Chronicle. Bagaman si Belsasar ay hindi espesipikong binanggit, batay sa huling mga bahagi ng Chronicle (tud. II, linya 5, 10, 19, 23), sinasabi ni Sidney Smith, sa kaniyang Babylonian Historical Texts: Relating to the Capture and Downfall of Babylon (London, 1924, p. 100), na ang tudling 1, linya 8, ay nagpapakitang ipinagkatiwala ni Nabonido ang paghahari kay Belsasar, anupat pinaghari niya ito nang kasabay niya. Paulit-ulit na sinasabi ng Chronicle na ang ‘tagapagmanang prinsipe ay nasa Akkad [Babilonia]’ samantalang si Nabonido mismo ay nasa Tema (sa Arabia). Bagaman hindi binabanggit sa Nabonidus Chronicle ang pangalan ni Belsasar ni tinukoy man doon ang kamatayan nito, hindi ito nangangahulugan na mapag-aalinlanganan ang pagiging tumpak ng kinasihang aklat ng Daniel, kung saan ang pangalang Belsasar ay lumilitaw nang walong beses at sa kamatayan nito nagwakas ang detalyadong ulat ng pagbagsak ng Babilonya na inilahad sa kabanata 5. Sa kabilang dako naman, inaamin ng mga eksperto sa cuneiform na ang Nabonidus Chronicle ay napakaikli, at karagdagan pa, gaya ng nabanggit na, ipinapalagay nila na isinulat iyon upang siraan si Nabonido, hindi upang magbigay ng detalyadong kasaysayan. Gaya nga ng sinabi ni R. P. Dougherty sa kaniyang akda na Nabonidus and Belshazzar (p. 200): “Ang ulat ng Kasulatan ay maituturing na nakahihigit sapagkat ginagamit nito ang pangalang Belsasar.”—Amin ang italiko.
Bagaman sirang-sira ang tudling 4 ng Chronicle, ipinapalagay ng mga iskolar batay sa mga nalalabing bahagi nito na ito ay tungkol sa pagkubkob sa Babilonya nang dakong huli na isinagawa ng isang nang-agaw ng kapangyarihan. Inaakala na ang una sa gayong pagkubkob sa Babilonya na kasunod ng kay Ciro ay noong panahon ng pag-aalsa ni Nabucodonosor III, o Nidintu-Bel, na nag-angking anak ni Nabonido. Natalo siya noong taon ng pagluklok ni Dario I sa pagtatapos ng 522 B.C.E.
-