Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Nabucodonosor, Nabucodorosor
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Ang mga impormasyon sa mga inskripsiyong cuneiform na taglay natin sa kasalukuyan tungkol kay Nabucodonosor ay waring kapupunan ng ulat ng Bibliya. Sinasabi sa mga ito na noong ika-19 na taon ng paghahari ni Nabopolassar ay tinipon niya ang kaniyang hukbo, gaya rin ng ginawa ng kaniyang anak na si Nabucodonosor, na noon ay tagapagmanang prinsipe. Ang dalawang hukbo ay maliwanag na kumilos nang magkahiwalay, at pagkabalik ni Nabopolassar sa Babilonya pagkaraan ng isang buwan, si Nabucodonosor ay matagumpay na nakipagdigma sa bulubunduking teritoryo, pagkatapos ay bumalik sa Babilonya na may dalang maraming samsam. Noong ika-21 taon ng paghahari ni Nabopolassar, si Nabucodonosor ay humayo kasama ang hukbong Babilonyo patungong Carkemis, upang doon makipaglaban sa mga Ehipsiyo. Pinangunahan niya sa tagumpay ang kaniyang mga hukbo. Nangyari ito noong ikaapat na taon ng Judeanong si Haring Jehoiakim (625 B.C.E.).​—Jer 46:2.

      Ipinakikita pa ng mga inskripsiyon na bumalik si Nabucodonosor sa Babilonya nang mabalitaan niyang namatay ang kaniyang ama, at noong ikaisa ng Elul (Agosto-Setyembre), lumuklok siya sa trono. Sa taóng ito ng pagluklok niya ay bumalik siya sa Hattu, at “noong buwan ng Sebat [Enero-Pebrero, 624 B.C.E.] dinala niya sa Babilonya ang napakaraming samsam mula sa Hattu.” (Assyrian and Babylonian Chronicles, ni A. K. Grayson, 1975, p. 100) Noong 624 B.C.E., sa unang opisyal na taon ng kaniyang paghahari, muling pinangunahan ni Nabucodonosor ang kaniyang mga hukbo patungong Hattu; binihag niya at sinamsaman ang Filisteong lunsod ng Askelon. (Tingnan ang ASKELON.) Noong kaniyang ikalawa, ikatlo, at ikaapat na mga taon bilang hari, nagsagawa siya ng iba pang mga kampanya sa Hattu, at maliwanag na noong ikaapat na taon ay ginawa niyang basalyo ang Judeanong si Haring Jehoiakim. (2Ha 24:1) Gayundin, noong ikaapat na taon ay pinangunahan ni Nabucodonosor ang kaniyang mga hukbo patungong Ehipto, at sa sumunod na labanan ay maraming nasawi sa magkabilang panig.

  • Nabucodonosor, Nabucodorosor
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Isang inskripsiyong cuneiform (British Museum 21946) ang nagsasabi: “Ang ikapitong taon: Noong buwan ng Kislev ay pinisan ng hari ng Akkad ang kaniyang hukbo at humayo patungong Hattu. Nagkampo siya laban sa lunsod ng Juda at noong ikalawang araw ng buwan ng Adar ay nabihag niya ang lunsod (at) dinakip ang hari (nito) [na si Jehoiakin]. Isang hari na pinili niya mismo [si Zedekias] ang inatasan niya sa lunsod (at) pagkakuha sa pagkalaki-laking tributo ay dinala niya ito sa Babilonya.” (Assyrian and Babylonian Chronicles, ni A. K. Grayson, 1975, p. 102; LARAWAN, Tomo 2, p. 326)

  • Nabucodonosor, Nabucodorosor
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Sa katunayan, isang pira-pirasong tekstong Babilonyo, na mula pa noong ika-37 taon ni Nabucodonosor (588 B.C.E.), ang bumabanggit sa isang kampanya laban sa Ehipto. (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 308) Ngunit hindi matiyak kung may kaugnayan ito sa orihinal na pananakop o sa isang aksiyong militar nang dakong huli.

  • Nabucodonosor, Nabucodorosor
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Marami sa umiiral na mga inskripsiyong cuneiform ni Nabucodonosor ang naglalahad ng kaniyang mga proyekto ng pagtatayo, kasama na ang pagtatayo niya ng mga templo, mga palasyo, at mga pader. Ang isang bahagi ng isa sa mga inskripsiyong ito ay nagsasabi:

      “Si Nabucodonosor, Hari ng Babilonya, ang nagpanauli sa Esagila at Ezida, anak ako ni Nabopolassar. Bilang pananggalang sa Esagila, upang walang makapangyarihang kaaway at tagapagwasak ang makakuha sa Babilonya, upang ang linya ng pagbabaka ay hindi makarating sa Imgur-Bel, ang pader ng Babilonya, [ginawa ko] ang hindi pa nagagawa ng sinumang hari na nauna sa akin; sa bakod ng Babilonya ay gumawa ako ng isang bakod na matibay na pader sa dakong silangan. Humukay ako ng bambang, naabot ko ang taas ng tubig. Pagkatapos ay nakita ko na napakaliit ng pader na ginawa ng aking ama. Itinayo ko sa pamamagitan ng bitumen at laryo ang isang napakatibay na pader na hindi makikilos, tulad ng bundok, at idinugtong ito sa pader ng aking ama; inilatag ko ang mga pundasyon nito sa kailaliman ng lupa; ang taluktok nito ay itinaas kong tulad ng bundok. Upang patibayin ang pader na ito, nagtayo ako ng ikatlo, at sa pinakapuno ng isang pananggalang na pader ay naglatag ako ng isang pundasyon na mga laryo at itinayo ito sa kailaliman ng lupa at inilatag ang pundasyon nito. Ang mga kuta ng Esagila at Babilonya ay pinatibay ko at itinatag ko ang pangalan ng aking paghahari magpakailanman.”​—Archaeology and the Bible, ni G. Barton, 1949, p. 478, 479.

  • Nabucodonosor, Nabucodorosor
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Sinasabi sa isang inskripsiyon ni Nabucodonosor: “Para sa iyong kaluwalhatian, O dakilang MERODAC, ay gumawa ako ng isang bahay. . . . Tanggapin nawa nito ang saganang tributo ng mga Hari ng mga bansa at ng lahat ng bayan!”​—Records of the Past: Assyrian and Egyptian Monuments, London, 1875, Tomo V, p. 135.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share