MINISTERYO
Ang gawain at paglilingkod na isinasagawa ng isang ministro, lingkod, o tagapaglingkod na mananagot sa isang nakatataas na awtoridad. Sa sinaunang Israel, ang mga Levita ay nagsilbi bilang mga lingkod, o ministro, ni Jehova. Ginamit din ang mga propeta upang maglingkod sa isang pantanging paraan. (Deu 10:8; 21:5; tingnan ang LEVITA, MGA; MINISTRO, LINGKOD; SASERDOTE.) Gayunman, nang dumating si Jesu-Kristo sa lupa, isang bagong ministeryo ang nagpasimula. Inatasan niya ang kaniyang mga tagasunod na gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa. (Mat 28:19, 20) Alinsunod dito, sa isang sanlibutang hiwalay sa Diyos, ang mga Kristiyano ay nagdala ng isang mensahe ng pakikipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo.—2Co 5:18-20.
Yaong mga malugod na tumugon sa “ministeryo ng pakikipagkasundo” (2Co 5:18) ay kinailangang sanayin, turuan, tulungan, at patnubayan sa wastong paraan upang maging matatag at manatiling matatag sa pananampalataya, at gayundin upang ganapin nila mismo ang paggawa ng alagad. (Ihambing ang 2Ti 4:1, 2; Tit 1:13, 14; 2:1; 3:8.) Kaya naman pagkaakyat niya sa langit, si Kristo Jesus, bilang ulo ng kongregasyon, ay nagbigay ng “mga kaloob na mga tao,” mga apostol, mga propeta, mga ebanghelisador, mga pastol, at mga guro, “upang maibalik sa ayos ang mga banal, ukol sa ministeryal na gawain, ukol sa pagpapatibay sa katawan ng Kristo.”—Efe 4:7-16; tingnan ang KALOOB MULA SA DIYOS.
Ang isa pang aspekto ng ministeryo sa loob ng kongregasyon ay may kinalaman sa pag-aasikaso sa materyal na pangangailangan ng mga kapatid na nagdarahop at karapat-dapat tulungan. Ang ministeryong iniatas kay Esteban at sa anim na iba pang lalaking may patotoo ay may kinalaman sa pamamahagi ng panustos na pagkain sa mga Kristiyanong babaing balo. (Gaw 6:1-6) Nang maglaon, ang mga kongregasyon sa Macedonia at Acaya ay nakibahagi sa isang ministeryo ng pagtulong sa mga dukhang kapatid sa Judea. (2Co 8:1-4; 9:1, 2, 11-13) Nang sa wakas ay matipon ang mga abuloy at naghahanda na si Pablo upang dalhin iyon sa Jerusalem, hiniling niya sa mga kapatid sa Roma na manalanging kasama niya upang ang ministeryong ito ng pagtulong ay maging kaayaaya sa mga banal na pagbibigyan nito.—Ro 15:25, 26, 30, 31.
Mga ilang taon bago nito, isang katulad na pagpapamalas ng pag-ibig ang ipinakita ng mga Kristiyanong nasa Antioquia, Sirya, nang magbigay sila ng tulong bilang paglilingkod para sa mga kapatid na nakatira sa Judea noong isang panahon ng taggutom.—Gaw 11:28-30.