-
TagapangasiwaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Mga Tagapangasiwa sa Kongregasyong Kristiyano. Ang Kristiyanong “mga tagapangasiwa” (e·piʹsko·poi) ay siya ring kinikilala bilang “matatandang lalaki” (pre·sbyʹte·roi) sa kongregasyon. Ang isang katibayan na iisang pananagutan lamang sa kongregasyon ang tinutukoy ng dalawang terminong ito ay ang nangyari noong papuntahin ni Pablo sa Mileto “ang matatandang lalaki ng kongregasyon” ng Efeso upang makipagkita sa kaniya roon. Nang payuhan niya ang “matatandang lalaki” na ito, sinabi niya: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na sa kanila ay inatasan kayo ng banal na espiritu bilang mga tagapangasiwa [isang anyo ng e·piʹsko·poi], upang magpastol sa kongregasyon ng Diyos.” (Gaw 20:17, 28) Higit pa itong nilinaw ng apostol sa sulat niya kay Tito, kung saan tinalakay niya ang pag-aatas ng “matatandang lalaki sa bawat lunsod.” Maliwanag na upang tukuyin ang mga lalaking ito, ginamit niya ang terminong “tagapangasiwa” (e·piʹsko·pos). (Tit 1:5, 7) Samakatuwid, ang mga terminong ito ay kapuwa tumutukoy sa iisang pananagutan, anupat ipinahihiwatig ng pre·sbyʹte·ros ang may-gulang na mga katangian ng isa na inatasan sa gayong katungkulan, at ipinahihiwatig naman ng e·piʹsko·pos ang mga tungkuling kaakibat ng pag-aatas na iyon.—Tingnan ang MATANDANG LALAKI.
Walang itinakdang bilang ng mga tagapangasiwa para sa alinmang kongregasyon. Ang bilang ng mga tagapangasiwa ay depende sa bilang niyaong mga nagiging kuwalipikado at sinasang-ayunan bilang “matatandang lalaki” sa kongregasyong iyon. Maliwanag na mahigit sa isa ang tagapangasiwa sa nag-iisang kongregasyon ng Efeso. Gayundin, nang sumulat si Pablo sa mga Kristiyanong taga-Filipos, tinukoy niya ang “mga tagapangasiwa” roon (Fil 1:1), anupat ipinahihiwatig nito na naglilingkod sila bilang isang lupon na nangangasiwa sa mga gawain ng kongregasyong iyon.
Ipinakikita ng pagsasaalang-alang sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na magkakapantay ang awtoridad ng mga tagapangasiwa, o matatandang lalaki, sa alinmang kongregasyon. Sa kaniyang mga liham sa mga kongregasyon, hindi tinukoy ni Pablo ang sinumang indibiduwal bilang ang tagapangasiwa, ni ipinatungkol man niya ang mga liham na ito sa kaninumang indibiduwal na nasa gayong katayuan. Ang liham sa mga taga-Filipos ay ipinatungkol “sa lahat ng mga banal na kaisa ni Kristo Jesus na nasa Filipos, kasama ng mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod.” (Fil 1:1) May kinalaman dito, sinabi ni Manuel Guerra y Gomez: “Tiyak na ang episcopos sa rekord ng liham sa mga taga-Filipos ay hindi nagpapahiwatig ng awtoridad na tulad ng sa isang monarka; sa halip, isa itong termino na tumutukoy sa maraming tao na maliwanag na magkakapantay ang awtoridad at may tungkuling pumatnubay at mamahala sa Kristiyanong komunidad sa lunsod na iyon ng Macedonia. Kasabay nito, ang mga diaconos, ayon sa pangkalahatang kahulugan ng salitang ito, ay mga katulong, mga ministro ng episcopos at sa katulad na paraan ay naglilingkod sa mga mananampalataya.”—Episcopos y Presbyteros, Burgos, Espanya, 1962, p. 320.
Mga kuwalipikasyon ng isang tagapangasiwa, o matanda. Upang maatasan bilang tagapangasiwa, kailangang matugunan ang sumusunod na mga kuwalipikasyon: “Ang tagapangasiwa kung gayon ay dapat na di-mapupulaan, asawa ng isang babae, katamtaman ang mga pag-uugali, matino ang pag-iisip, maayos, mapagpatuloy, kuwalipikadong magturo, hindi lasenggong basag-ulero, hindi nambubugbog, kundi makatuwiran, hindi palaaway, hindi maibigin sa salapi, isang lalaking namumuno sa kaniyang sariling sambahayan sa mahusay na paraan, may mga anak na nagpapasakop nang buong pagkaseryoso; . . . hindi bagong kumberteng lalaki, . . . dapat din siyang magkaroon ng mainam na patotoo mula sa mga tao sa labas.”—1Ti 3:1-7.
Gayundin, sa liham ni Pablo kay Tito, nang talakayin niya ang pag-aatas ng matatanda, sinabi niya na upang maging kuwalipikado ang isang lalaki sa gayong katungkulan, dapat itong “malaya sa akusasyon, asawa ng isang babae, na may nananampalatayang mga anak na hindi mapararatangan ng kabuktutan o di-masupil. Sapagkat ang isang tagapangasiwa ay dapat na malaya sa akusasyon bilang katiwala ng Diyos, hindi mapaggiit ng sarili, hindi magagalitin, hindi lasenggong basag-ulero, hindi nambubugbog, hindi sakim sa di-tapat na pakinabang, kundi mapagpatuloy, maibigin sa kabutihan, matino ang pag-iisip, matuwid, matapat, mapagpigil sa sarili, nanghahawakang mahigpit sa tapat na salita may kinalaman sa kaniyang sining ng pagtuturo, upang magawa niyang kapuwa magpayo sa pamamagitan ng turo na nakapagpapalusog at sumaway doon sa mga sumasalungat.” (Tit 1:5-9) Maliwanag na may mga pagkakaiba ang huling nabanggit na talaang ito ng mga kuwalipikasyon dahil isinaalang-alang dito ang pantanging mga pangangailangan ng mga kongregasyon sa Creta, kung saan naglilingkod noon si Tito.—Tit 1:10-14.
-
-
TagapangasiwaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
[Kahon sa pahina 1240]
Mga Tagapangasiwa, o Matatandang Lalaki
Mga Ministeryal na Lingkod
di-mapupulaan
malaya sa akusasyon
malaya sa akusasyon
asawa ng isang babae
asawa ng isang babae
asawa ng isang babae
hindi lasenggong basag-ulero
hindi lasenggong basag-ulero
hindi mahilig sa maraming alak
hindi maibigin sa salapi
hindi sakim sa di-tapat na pakinabang
hindi sakim sa di-tapat na pakinabang
namumuno sa sambahayan sa mahusay na paraan, may mga anak na nagpapasakop
may nananampalatayang mga anak na hindi mapararatangan ng kabuktutan o di-masupil
namumuno sa mahusay na paraan sa mga anak at sa sariling sambahayan
hindi bagong kumberte
—
subok na karapat-dapat
matino ang pag-iisip
matino ang pag-iisip
—
mapagpatuloy
mapagpatuloy
—
kuwalipikadong magturo
nanghahawakan sa salita sa sining ng pagtuturo, may kakayahang magpayo at sumaway
—
hindi nambubugbog
hindi nambubugbog
—
makatuwiran
hindi mapaggiit ng sarili
—
hindi palaaway
hindi magagalitin
-