-
Paglalang, NilalangKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Ang Genesis 1:1, 2 ay tumutukoy sa isang panahon bago ang anim na “araw” na binalangkas sa tsart. Nang magsimula ang “mga araw” na ito, umiiral na ang araw, buwan, at mga bituin, yamang binanggit na sa Genesis 1:1 ang paglalang sa mga ito. Gayunman, bago ang anim na “araw” na ito, “ang lupa ay walang anyo at tiwangwang at may kadiliman sa ibabaw ng matubig na kalaliman.” (Gen 1:2) Lumilitaw na nababalutan pa rin ang lupa ng isang kulandong ng mga suson ng ulap, anupat hinaharangan nito ang liwanag upang hindi makaabot sa ibabaw ng lupa.
Nang sabihin ng Diyos noong Unang Araw na, “Magkaroon ng liwanag,” lumilitaw na tumagos sa mga suson ng ulap ang kalát na liwanag, bagaman hindi pa nakikita mula sa ibabaw ng lupa ang mga pinagmumulang iyon ng liwanag. Waring unti-unti ang prosesong ito, gaya ng ipinahihiwatig ng tagapagsalin na si J. W. Watts: “At unti-unti, ang liwanag ay umiral.” (Gen 1:3, A Distinctive Translation of Genesis)
-
-
Paglalang, NilalangKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Noong Ikaapat na Araw, naisakatuparan naman ang kalooban ng Diyos may kinalaman sa mga tanglaw, anupat iniulat: “Pinasimulang gawin ng Diyos ang dalawang malalaking tanglaw, ang mas malaking tanglaw para magpuno sa araw at ang mas maliit na tanglaw para magpuno sa gabi, at gayundin ang mga bituin. Sa gayon ay inilagay ng Diyos ang mga iyon sa kalawakan ng langit upang sumikat sa ibabaw ng lupa, at upang magpuno sa araw at sa gabi at upang paghiwalayin ang liwanag at ang kadiliman.” (Gen 1:16-18) Batay sa deskripsiyon ng mga tanglaw na ito, lumilitaw na ang mas malaking tanglaw ay ang araw at ang mas maliit na tanglaw ay ang buwan. Gayunman, saka lamang espesipikong binanggit sa Bibliya ang araw at buwan pagkatapos ng ulat nito tungkol sa Baha noong mga araw ni Noe.—Gen 15:12; 37:9.
Bago nito, noong unang “araw,” ginamit ang pananalitang “Magkaroon ng liwanag.” Ang salitang Hebreo na ginamit doon para sa “liwanag” ay ʼohr, na nangangahulugang liwanag sa pangkalahatang diwa. Ngunit noong ikaapat na “araw,” ang salitang Hebreo na ginamit ay naging ma·ʼohrʹ, na tumutukoy sa isang tanglaw o pinagmumulan ng liwanag. (Gen 1:14) Kaya noong unang “araw,” maliwanag na tumagos sa mga kulandong ang kalát na liwanag, ngunit ang mga pinagmumulan ng liwanag na iyon ay hindi pa nakikita mula sa lupa. Ngunit maliwanag na nagbago ang mga kalagayan noong ikaapat na “araw.”
Kapansin-pansin din na hindi ginamit sa Genesis 1:16 ang pandiwang Hebreo na ba·raʼʹ, na nangangahulugang “lumalang.” Sa halip, ginamit doon ang pandiwang Hebreo na ʽa·sahʹ, na nangangahulugang “gumawa.” Yamang ang araw, buwan, at mga bituin ay kasama sa “langit” na binanggit sa Genesis 1:1, nalalang na ang mga ito matagal na panahon bago pa ang Ikaapat na Araw. Noong ikaapat na araw, ‘gumawa’ ang Diyos upang ang mga bagay na ito sa kalangitan ay magkaroon ng bagong kaugnayan sa lupa at sa kalawakang nasa ibabaw niyaon. Nang sabihing, “Inilagay ng Diyos ang mga iyon sa kalawakan ng langit upang sumikat sa ibabaw ng lupa,” ipinahihiwatig nito na maaari nang makita ang mga iyon mula sa lupa, na para bang ang mga iyon ay nasa kalawakang iyon. Gayundin, ang mga tanglaw ay “magsisilbing mga tanda at para sa mga kapanahunan at para sa mga araw at mga taon,” anupat magiging giya ng tao sa iba’t ibang paraan.—Gen 1:14.
-