-
LangitKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Langit ng atmospera ng lupa. Ang “langit” ay maaaring kumapit sa kabuuan ng atmospera ng lupa kung saan nabubuo ang hamog at ang nagyelong hamog (Gen 27:28; Job 38:29), lumilipad ang mga ibon (Deu 4:17; Kaw 30:19; Mat 6:26), humihihip ang hangin (Aw 78:26), kumikislap ang kidlat (Luc 17:24), at lumulutang ang mga ulap at nagbabagsak ng kanilang ulan, niyebe, o mga graniso (Jos 10:11; 1Ha 18:45; Isa 55:10; Gaw 14:17). Kung minsan ang tinutukoy ay ang “kalangitan” (sky), samakatuwid nga, ang mistulang bobida o balantok na nakaarko sa ibabaw ng lupa.—Mat 16:1-3; Gaw 1:10, 11.
Ang rehiyong ito ng atmospera ay karaniwan nang katumbas ng “kalawakan [sa Heb., ra·qiʹaʽ; sa Ingles, expanse]” na inanyuan noong ikalawang yugto ng paglalang na inilarawan sa Genesis 1:6-8. Maliwanag na ang “langit” na ito ang tinutukoy ng Genesis 2:4; Exodo 20:11; 31:17 nang banggitin ang paglalang ng ‘langit at ng lupa.’—Tingnan ang KALAWAKAN.
Nang anyuan ang kalawakan ng atmospera, ang tubig sa ibabaw ng lupa ay inihiwalay sa iba pang tubig na nasa ibabaw ng kalawakan. Ito ang paliwanag sa pananalitang ginamit may kinalaman sa pangglobong Baha noong mga araw ni Noe, na “bumuka ang lahat ng bukal ng malawak na matubig na kalaliman at nabuksan ang mga pintuan ng tubig ng langit.” (Gen 7:11; ihambing ang Kaw 8:27, 28.) Noong panahon ng Baha, lumilitaw na ang tubig na nakalutang sa ibabaw ng kalawakan ay bumaba na para bang dumaraan sa mga lagusan, gayundin bilang ulan. Nang maubos na ang laman ng napakalaking imbakang ito, ang gayong “mga pintuan ng tubig ng langit,” sa diwa, ay “nasarhan.”—Gen 8:2.
-
-
LangitKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
“Kalagitnaan ng langit” at ‘mga dulo ng langit.’ Ang pananalitang “kalagitnaan ng langit” ay kumakapit sa rehiyon na nasa loob ng kalawakan ng atmospera ng lupa kung saan lumilipad ang mga ibon, gaya ng agila. (Apo 8:13; 14:6; 19:17; Deu 4:11 [sa Heb., “puso ng langit”]) Ang waring katulad nito ay ang pananalitang “sa pagitan ng lupa at ng langit.” (1Cr 21:16; 2Sa 18:9) Maliwanag na ang paglusob ng mga sumalakay sa Babilonya mula sa “dulo ng langit” ay nangangahulugang dumating sila sa kaniya mula sa malayong kagiliran (kung saan waring nagtatagpo ang lupa at ang kalangitan at kung saan waring sumisikat at lumulubog ang araw). (Isa 13:5; ihambing ang Aw 19:4-6.) Sa katulad na paraan, lumilitaw na ang pananalitang “mula sa apat na dulo ng langit” ay tumutukoy sa apat na direksiyon ng kompas, sa gayon ay nagpapahiwatig na saklaw ang apat na bahagi ng lupa. (Jer 49:36; ihambing ang Dan 8:8; 11:4; Mat 24:31; Mar 13:27.)
-
-
LangitKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Ang maulap na kalangitan. May isa pang termino, ang Hebreong shaʹchaq, na ginagamit din upang tumukoy sa “kalangitan” o sa mga ulap nito. (Deu 33:26; Kaw 3:20; Isa 45:8) Ang salitang ito ay may salitang-ugat na nangangahulugang isang bagay na pinukpok nang pino o pinulbos, gaya ng “manipis na alikabok” (shaʹchaq) sa Isaias 40:15. Angkop na angkop ang kahulugang ito, yamang ang mga ulap ay nabubuo kapag ang mainit na hangin, na sumisingaw mula sa lupa, ay lumamig hanggang sa marating nito ang tinatawag na dewpoint, at ang singaw nito ng tubig ay namuo at naging napakaliliit na partikula na kung minsan ay tinatawag na water dust. (Ihambing ang Job 36:27, 28; tingnan ang ULAP.) Isa pang dahilan kung bakit ito angkop ay sapagkat ang nakikitang asul na bobida ng kalangitan ay likha ng pangangalat ng mga sinag ng araw dahil sa mga molekula ng gas at sa iba pang mga partikula (kasama na ang alikabok) na bumubuo sa atmospera. Sa pamamagitan ng pag-aanyo ng Diyos sa gayong atmospera, sa diwa ay ‘pinukpok niya ang kalangitan na sintigas ng salaming binubo,’ anupat tinatakdaan ng tiyak na limitasyon, o malinaw na hangganan, ang asul na balantok ng atmospera na nasa ibabaw ng lupa.—Job 37:18.
-