Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Buhay
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Buhay sa lupa na walang kasiraan. Kumusta naman ang iba pa sa sangkatauhan na hindi tatanggap ng buhay sa langit? Sinipi ng apostol na si Juan ang sinabi ni Jesus: “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Ju 3:16) Sa kaniyang talinghaga tungkol sa mga tupa at mga kambing, yaong mga mula sa mga bansa na ibinukod sa dakong kanan ni Jesus bilang mga tupa ay papasok “sa buhay na walang hanggan.” (Mat 25:46) Tinukoy ni Pablo ang “mga anak ng Diyos” at “mga kasamang tagapagmana ni Kristo” at sinabing ang “may-pananabik na pag-asam ng sangnilalang ay naghihintay sa pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos.” Pagkatapos ay sinabi niya na “ang sangnilalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Ro 8:14-23) Nang lalangin si Adan bilang sakdal na tao, siya ay isang “anak ng Diyos.” (Luc 3:38) Ang makahulang pangitain sa Apocalipsis 21:1-4 ay tumuturo sa panahon ng “isang bagong langit” at “isang bagong lupa” at nangangako na sa panahong iyon ay “hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” Yamang ang pangakong ito ay ibinibigay, hindi sa mga espiritung nilalang, kundi espesipikong sa “sangkatauhan,” tinitiyak nito na ang isang bagong makalupang lipunan ng sangkatauhan na mabubuhay sa ilalim ng “bagong langit” ay makararanas ng pagsasauli ng isip at katawan tungo sa lubos na kalusugan at buhay na walang hanggan bilang makalupang “mga anak ng Diyos.”

      Sa kaniyang utos kay Adan, ipinahiwatig ng Diyos na kung susundin siya ni Adan, hindi ito mamamatay. (Gen 2:17) Gayundin naman ang masunuring sangkatauhan, kapag pinawi na ang huling kaaway ng tao, ang kamatayan, wala nang kasalanang gagana sa kanilang mga katawan upang magdulot ng kamatayan. Hanggang sa panahong walang takda ay hindi na nila kailangang mamatay. (1Co 15:26) Ang pagpawing ito sa kamatayan ay magaganap sa katapusan ng paghahari ni Kristo, na ipinakikita ng aklat ng Apocalipsis bilang 1,000 taon ang haba. Dito ay sinasabi na yaong magiging mga hari at mga saserdote na kasama ni Kristo ay “nabuhay at namahala bilang mga hari na kasama ng Kristo sa loob ng isang libong taon.” Malamang na “ang iba pa sa mga patay” na hindi nabuhay “hanggang sa matapos ang isang libong taon” ay yaong mga buháy hanggang sa katapusan ng isang libong taon, ngunit bago pakawalan si Satanas mula sa kalaliman upang magpasapit ng pangwakas na pagsubok sa sangkatauhan. Sa katapusan ng isang libong taon, naabot na ng mga tao sa lupa ang kasakdalan bilang tao, anupat nasa kalagayan nina Adan at Eva bago nagkasala ang mga ito. Sa panahong iyon ay talagang tatamasahin na nila ang sakdal na buhay. Pagkatapos nito, yaong mga makapapasa sa pagsubok kapag pinakawalan si Satanas mula sa kalaliman sa loob ng maikling panahon ay maaari nang magtamasa ng buhay na iyon magpakailanman.​—Apo 20:4-10.

  • Buhay
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Pagpapanauli. Sa layuning maisauli sa sangkatauhan ang kasakdalan ng organismo at ang pag-asa ng walang-hanggang buhay, inilaan ni Jehova ang katotohanan, “ang salita ng buhay.” (Ju 17:17; Fil 2:16) Ang pagsunod sa katotohanan ay aakay sa isa sa kaalamang inilaan ng Diyos si Jesu-Kristo, na nagbigay ng kaniyang sarili “bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mat 20:28) Sa ganitong paraan lamang maisasauli ang tao sa lubos na espirituwalidad at gayundin sa pisikal na kasakdalan.​—Gaw 4:12; 1Co 1:30; 15:23-26; 2Co 5:21; tingnan ang PANTUBOS.

      Kung gayon, sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ay darating ang pagpapanauli tungo sa buhay. Siya ay tinatawag na “ang huling Adan . . . espiritung nagbibigay-buhay.” (1Co 15:45) Tinutukoy siya sa hula bilang “Walang-hanggang Ama” (Isa 9:6) at ang isa na ‘nagbuhos ng kaniyang kaluluwa hanggang sa mismong kamatayan,’ na ang kaluluwa ay ‘nakatalaga bilang handog ukol sa pagkakasala.’ Bilang gayong uri ng “Ama,” kaya niyang ipanauli ang sangkatauhan, sa gayon ay mabibigyan niya ng buhay yaong mga nananampalataya sa paghahandog niya ng kaniyang kaluluwa at yaong mga masunurin.​—Isa 53:10-12.

      Pag-asa ng mga tao noong sinaunang panahon. Ang tapat na mga tao noong sinaunang mga panahon ay nanghawakan sa pag-asang buhay. Binanggit ng apostol na si Pablo ang bagay na ito. Nagbalik-tanaw siya sa panahon ng mga supling ni Abraham bago ibinigay ang Kautusan, at tinukoy niya ang kaniyang sarili, isang Hebreo, na para bang buháy na siya noon, sa diwa na nasa mga balakang siya ng kaniyang mga ninuno. Nagpaliwanag siya: “Ako ay dating buháy nang hiwalay sa kautusan; ngunit nang dumating ang utos, ang kasalanan ay muling nabuhay, ngunit ako ay namatay. At ang utos na ukol sa buhay, ito ay nasumpungan kong ukol sa kamatayan.” (Ro 7:9, 10; ihambing ang Heb 7:9, 10.) Ang mga lalaking tulad nina Abel, Enoc, Noe, at Abraham ay umasa sa Diyos. Naniwala sila sa “binhi” na susugat sa ulo ng serpiyente, na mangangahulugan ng katubusan. (Gen 3:15; 22:16-18) Inasam-asam nila ang Kaharian ng Diyos, ang “lunsod na may tunay na mga pundasyon.” Naniwala sila sa pagkabuhay-muli ng mga patay tungo sa buhay.​—Heb 11:10, 16, 35.

      Nang ibigay ang Kautusan, sinabi ni Jehova: “Tutuparin ninyo ang aking mga batas at ang aking mga hudisyal na pasiya, na kung gagawin ng isang tao ay mabubuhay rin siya sa pamamagitan ng mga iyon.” (Lev 18:5) Walang alinlangang ibinunyi ng mga Israelita ang Kautusan nang tanggapin nila iyon yamang nag-alok ito sa kanila ng pag-asang buhay. Ang Kautusan ay “banal at matuwid” at ang isa na lubusang makapamumuhay ayon sa mga pamantayan nito ay ibibilang na ganap na matuwid. (Ro 7:12) Ngunit, sa halip na magbigay ng buhay, ipinakita ng Kautusan na ang buong Israel, at ang sangkatauhan sa pangkalahatan, ay di-sakdal at makasalanan. Karagdagan pa, hinatulan nito ng kamatayan ang mga Judio. (Gal 3:19; 1Ti 1:8-10) Tunay, gaya ng sinasabi ni Pablo, “nang dumating ang utos, ang kasalanan ay muling nabuhay, ngunit ako ay namatay.” Samakatuwid, hindi maaaring magkaroon ng buhay sa pamamagitan ng Kautusan.

      Nagpaliwanag ang apostol: “Kung isang kautusan na makapagbibigay-buhay ang ibinigay, ang katuwiran ay naging sa pamamagitan nga sana ng kautusan.” (Gal 3:21) Ang mga Judio ay ipinakitang mga makasalanan dahil sila’y mga supling ni Adan, ngunit hinatulan din sila dahil sa kanilang paglabag sa Kautusan. Sa dahilang ito, si Kristo ay namatay sa pahirapang tulos, gaya ng sinabi ni Pablo: “Sa pamamagitan ng pagbili ay pinalaya tayo ni Kristo mula sa sumpa ng Kautusan sa pamamagitan ng pagiging isang sumpa na kapalit natin, sapagkat nasusulat: ‘Isinumpa ang bawat tao na nakabayubay sa tulos.’⁠” (Gal 3:13) Sa pag-aalis sa hadlang na ito, samakatuwid nga, ang sumpang sumapit sa mga Judio dahil sa paglabag nila sa Kautusan, inalis ni Jesu-Kristo para sa mga Judio ang harang na ito tungo sa buhay, anupat binigyan niya sila ng pagkakataon ukol sa buhay. Sa gayon, ang kaniyang pantubos ay maaaring magdulot ng kapakinabangan sa kanila at gayundin sa iba pa.

      Ang buhay na walang hanggan ay gantimpala mula sa Diyos. Maliwanag na makikita sa buong Bibliya na ang pag-asa ng mga lingkod ni Jehova ay buhay na walang hanggan mula sa mga kamay ng Diyos. Ang pag-asang ito ang nagpasigla sa kanila na ingatan ang kanilang katapatan. At hindi naman ito mapag-imbot na pag-asa. Ang apostol ay sumulat: “Bukod diyan, kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan siya nang lubos, sapagkat siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Heb 11:6) Gayong uri siya ng Diyos; isa iyon sa kaniyang mga katangian na dahil doon ay nararapat siyang pag-ukulan ng lubos na debosyon ng kaniyang mga nilalang.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share