-
IsaacKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Sa halip, nagpasakop si Isaac at hinayaan ang kaniyang ama na ipagpatuloy na ihandog siya bilang hain kasuwato ng kalooban ng Diyos. Dahil sa pagtatanghal ni Abraham ng kaniyang pananampalataya, inulit at pinalawak ni Jehova ang kaniyang tipan kay Abraham, na isinalin naman ng Diyos kay Isaac pagkamatay ng ama ni Isaac.—Gen 22:15-18; 26:1-5; Ro 9:7; San 2:21.
-
-
IsaacKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Dahil sa isang taggutom, inilipat ni Isaac ang kaniyang pamilya sa Gerar na nasa teritoryong Filisteo, anupat sinabihan siya ng Diyos na huwag bumaba sa Ehipto. Noong pagkakataong iyon ay pinagtibay ni Jehova ang kaniyang layunin na tuparin ang Abrahamikong pangako sa pamamagitan ni Isaac at inulit ang mga kundisyon nito: “Pararamihin ko ang iyong binhi tulad ng mga bituin sa langit at ibibigay ko sa iyong binhi ang lahat ng lupaing ito; at sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.”—Gen 26:1-6; Aw 105:8, 9.
Sa lupaing Filisteong ito na di-gaanong palakaibigan, si Isaac, tulad ng kaniyang amang si Abraham, ay gumamit ng estratehiya sa pagsasabing ang kaniyang asawa ay kapatid niya. Nang maglaon, ang pagpapala ni Jehova kay Isaac ay kinainggitan ng mga Filisteo, anupat kinailangan niyang lumipat, una ay sa agusang libis ng Gerar, at pagkatapos ay sa Beer-sheba, sa dulo ng tigang na rehiyon ng Negeb. Habang naroroon, ang dating napopoot na mga Filisteo ay humiling kay Isaac ng “isang sumpaang pananagutan,” o kasunduang pangkapayapaan, sapagkat gaya ng kinilala nila, “Ikaw ngayon ang pinagpala ni Jehova.” Sa dakong ito nakahukay ng tubig ang kaniyang mga tauhan at tinawag ito ni Isaac na Siba. “Iyan ang dahilan kung bakit ang pangalan ng lunsod ay Beer-sheba [nangangahulugang “Balon ng Sumpa; o, Balon ng Pito”], hanggang sa araw na ito.”—Gen 26:7-33; tingnan ang BEER-SHEBA.
Sa mula’t sapol ay kinagigiliwan ni Isaac si Esau, sapagkat ito ay isang mangangaso at isang lalaki sa parang, at nangangahulugan ito ng pinangasong pagkain sa bibig ni Isaac. (Gen 25:28) Kaya nang malabung-malabo na ang kaniyang paningin at nadarama niyang hindi na siya magtatagal, naghanda si Isaac na ibigay kay Esau ang pagpapala sa panganay. (Gen 27:1-4) Walang nakaaalam kung batid niya na ipinagbili ni Esau ang pagkapanganay sa kapatid nito na si Jacob at kung nakalimutan na niya ang itinalaga ng Diyos bago ipanganak ang dalawang bata, na “ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata.” (Gen 25:23, 29-34) Anuman ang kalagayan, naalaala iyon ni Jehova, at pati ni Rebeka, na mabilis na nagsaayos ng mga bagay-bagay upang si Jacob ang tumanggap ng pagpapala. Nang matuklasan ni Isaac ang isinagawang pakana, tumanggi siyang baguhin ang maliwanag na kalooban ni Jehova hinggil sa bagay na iyon. Inihula rin ni Isaac na si Esau at ang kaniyang mga inapo ay mananahanang malayo sa matatabang bukid, mabubuhay sa pamamagitan ng tabak, at sa dakong huli ay babaliin nila ang pamatok ng pagkaalipin kay Jacob mula sa kanilang leeg.—Gen 27:5-40; Ro 9:10-13; tingnan ang ESAU.
-