Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ciro
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Ang Cyrus Cylinder, isang dokumentong cuneiform na itinuturing ng mga istoryador na isinulat upang ilathala sa Babilonya, ay lubhang relihiyoso, at doon ay inilarawan si Ciro na nag-uukol ng kapurihan ng kaniyang tagumpay kay Marduk, ang pangunahing diyos ng Babilonya, anupat nagsasabi: “Siya [si Marduk] ay nagsiyasat at tumingin (nang may pagsusuri) sa lahat ng mga bansa, anupat naghahanap ng isang matuwid na tagapamahala na handang umakay sa kaniya . . . (sa taunang prusisyon). (Pagkatapos ay) binigkas niya ang pangalan ni Ciro (Ku-ra-as), hari ng Anshan, idineklarang siya (sa literal: binigkas ang [kaniyang] pangalan) ang magiging tagapamahala ng buong daigdig. . . . Malugod na pinagmasdan ni Marduk, ang dakilang panginoon, tagapagsanggalang ng kaniyang bayan/mga mananamba, ang mabubuting gawa nito (samakatuwid nga, ni Ciro) at ang matuwid na kaisipan nito (sa literal: puso) (at sa gayon ay) inutusan ito na humayo laban sa kaniyang lunsod ng Babilonya (Ká.dingir.ra). Pinayaon niya ito sa daan patungong Babilonya (DIN.TIRki) anupat humayo sa tabi nito na gaya ng isang tunay na kaibigan. Ang kaniyang nakapangalat na mga hukbo​—ang bilang ng mga ito ay hindi matutuos, gaya niyaong tubig ng ilog​—ay naglakad-lakad, ang mga sandata ng mga ito ay nakaligpit. Bagaman walang anumang pagbabaka, pinapasok niya ito sa kaniyang bayang Babilonya (Su.an.na), anupat pinaligtas ang Babilonya (Ká.dingir.raki) mula sa anumang kapahamakan.”​—Ancient Near Eastern Texts, p. 315.

      Bakit magkaiba ang paliwanag ng Cyrus Cylinder at ng Bibliya tungkol sa pagbagsak ng Babilonya?

      Sa kabila ng ganitong paganong interpretasyon sa mga pangyayari, ipinakikita ng Bibliya na nang iproklama ni Ciro na pinahihintulutan niya ang itinapong mga Judio na bumalik sa Jerusalem at muling itayo ang templo roon, kinilala niya: “Ang lahat ng kaharian sa lupa ay ibinigay sa akin ni Jehova na Diyos ng langit, at siya ang nag-atas sa akin na magtayo para sa kaniya ng isang bahay sa Jerusalem, na nasa Juda.” (Ezr 1:1, 2) Sabihin pa, hindi ito nangangahulugan na si Ciro ay naging isang nakumberteng Judio kundi nalaman lamang niya ang mga katotohanan sa Bibliya may kinalaman sa kaniyang tagumpay. Dahil sa mataas na administratibong posisyon na pinaglagyan kay Daniel, kapuwa bago at pagkatapos ng pagbagsak ng Babilonya (Dan 5:29; 6:1-3, 28), kataka-taka naman kung si Ciro ay hindi nasabihan tungkol sa mga hula na itinala at sinalita ng mga propeta ni Jehova, kabilang na ang hula ni Isaias na kababasahan ng mismong pangalan ni Ciro. Kung tungkol sa Cyrus Cylinder, na sinipi na, kinikilala na bukod sa hari ay maaaring may iba pang nakialam sa paghahanda ng dokumentong cuneiform na ito. May binabanggit ang aklat na Biblical Archaeology ni G. Ernest Wright (1962, p. 203) tungkol sa “hari, o kawanihan na bumuo ng dokumentong iyon” (ihambing ang katulad na kaso may kaugnayan kay Dario sa Dan 6:6-9), samantalang tinatawag naman ni Dr. Emil G. Kraeling (Rand McNally Bible Atlas, 1966, p. 328) ang Cyrus Cylinder na “isang propagandang dokumento na kinatha ng mga saserdoteng Babilonyo.” Maaari ngang binuo ito sa ilalim ng impluwensiya ng klerong Babilonyo (Ancient Near Eastern Texts, p. 315, tlb. 1), sa gayon ay nagsilbi ito sa kanilang layunin na ipangatuwiran ang ganap na pagkabigo ni Marduk (tinatawag ding Bel) at ng iba pang diyos ng Babilonya na iligtas ang lunsod, anupat itinuring pa nga nila na si Marduk ang gumawa ng mismong mga bagay na ginawa ni Jehova.​—Ihambing ang Isa 46:1, 2; 47:11-15.

  • Ciro
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Ayon sa Cyrus Cylinder (LARAWAN, Tomo 2, p. 332), sinunod ng tagapamahalang Persiano ang makatao at mapagparayang patakaran sa pakikitungo sa nalupig na mga bayan na nasa kaniyang nasasakupan. Sinisipi sa inskripsiyon ang sinabi niya: “Isinauli ko sa [ilang patiunang binanggit na] sagradong mga lunsod sa kabilang ibayo ng Tigris, na ang mga santuwaryo ay mga guho sa loob ng mahabang panahon, ang mga imahen na (dating) tumatahan doon at nagtatag para sa kanila ng permanenteng mga santuwaryo. Pinisan ko (rin) ang lahat ng (dating) tumatahan sa mga ito at ibinalik (sa kanila) ang mga tinitirahan nila.”​—Ancient Near Eastern Texts, p. 316.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share