Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ehipto, Ehipsiyo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Gaya ng sinabi ng The Encyclopedia Americana (1956, Tomo 14, p. 595): “Ang tanging detalyadong ulat tungkol sa kanila [mga Hyksos] ng sinumang sinaunang manunulat ay ang isang di-mapananaligang bahagi ng isang nawalang akda ni Manetho, na sinipi ni Josephus sa kaniyang tugon kay Apion.” Ang mga pananalita na ipinatungkol ni Josephus kay Manetho ang pinagmulan ng pangalang Hyksos. Kapansin-pansin na binanggit ni Josephus, na nag-angking sumipi kay Manetho nang salita-por-salita, na tuwirang iniuugnay ng ulat ni Manetho ang mga Hyksos sa mga Israelita. Waring tinatanggap ni Josephus ang pag-uugnay na ito ngunit tutol na tutol siya sa maraming detalye ng ulat. Waring mas gusto niya na isalin ang Hyksos bilang “mga pastol na bihag” sa halip na “mga pastol na hari.” Ayon kay Josephus, sinasabi ni Manetho na nilupig ng mga Hyksos ang Ehipto nang walang pagbabaka, anupat winasak ang mga lunsod at “ang mga templo ng mga diyos,” pumatay ng marami at gumawa ng malaking kaguluhan. Binabanggit na namayan sila sa rehiyon ng Delta. Nang dakong huli, sinasabing ang mga Ehipsiyo ay naghimagsik, nakipaglaban sila sa isang matagal at kahila-hilakbot na digmaan sa pamamagitan ng 480,000 lalaki, kinubkob nila ang mga Hyksos sa pangunahing lunsod ng mga ito, ang Avaris, at pagkatapos ay kataka-takang nakipagkasundo sila na pahintulutan ang mga ito na umalis sa bansa nang mapayapa kasama ang mga pamilya at mga pag-aari ng mga ito, at sa gayon ay pumaroon ang mga ito sa Judea at itinayo ang Jerusalem.​—Against Apion, I, 73-105 (14-16); 223-232 (25, 26).

  • Ehipto, Ehipsiyo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Ngunit posible na ang ulat ni Manetho, na sa katunayan ay siyang pinagmulan ng ideya tungkol sa “Hyksos,” ay isa lamang pinilipit na kuwento na nabuo dahil sa unang mga pagsisikap ng mga Ehipsiyo na ipaliwanag kung ano ang nangyari sa kanilang lupain noong panahong makipamayan ang mga Israelita sa Ehipto. Ang napakalaking epekto sa bansa ng pagluklok ni Jose sa posisyon bilang pansamantalang tagapamahala (Gen 41:39-46; 45:26); ang malaking pagbabago na idinulot ng kaniyang pangangasiwa, anupat ipinagbili ng mga Ehipsiyo ang kanilang lupain at maging ang kanilang sarili kay Paraon (Gen 47:13-20); ang 20-porsiyentong buwis na ibinayad nila mula sa kanilang ani nang maglaon (Gen 47:21-26); ang 215 taon ng paninirahan ng mga Israelita sa Gosen, anupat ayon nga kay Paraon ay nahigitan ng mga ito ang bilang at lakas ng populasyong Ehipsiyo (Exo 1:7-10, 12, 20); ang Sampung Salot at ang pinsalang idinulot ng mga ito hindi lamang sa ekonomiya ng Ehipto kundi lalo na sa mga relihiyosong paniniwala nila at sa reputasyon ng kanilang mga saserdote (Exo 10:7; 11:1-3; 12:12, 13); ang Pag-alis ng Israel pagkamatay ng lahat ng panganay ng Ehipto at ang pagkapuksa ng pinakamagagaling na kawal sa hukbong militar ng Ehipto sa Dagat na Pula (Exo 12:2-38; 14:1-28)​—ang lahat ng ito ay tiyak na kailangang ipaliwanag ng mga opisyal na Ehipsiyo.

      Dapat tandaan na ang pagtatala ng kasaysayan sa Ehipto, gaya ng sa maraming lupain sa Gitnang Silangan, ay laging pinangangasiwaan ng mga saserdote, na siyang nagsasanay sa mga eskriba. Kataka-taka naman kung hindi sila mag-iimbento ng paliwanag kung bakit nabigo ang mga diyos ng Ehipto na hadlangan ang kapahamakang pinasapit ng Diyos na Jehova sa Ehipto at sa taong-bayan nito. Maraming ulat sa kasaysayan, maging sa makabagong kasaysayan, ang naglalahad ng mga pangyayaring labis na pinilipit anupat ang mga siniil ang pinalitaw na mga maniniil, at ang mga inosenteng biktima ang pinalitaw na mapanganib at malupit na mga mang-uusig. Ang ulat ni Manetho (mahigit na isang libong taon pagkatapos ng Pag-alis), kung nailahad ni Josephus nang may kawastuan, ay posibleng ang pilipit na mga kuwentong ipinasa-pasa ng sumunod na mga salinlahi ng mga Ehipsiyo upang ipaliwanag ang pangunahing mga elemento ng tunay na ulat, na mababasa sa Bibliya, may kinalaman sa Israel noong sila’y nasa Ehipto.​—Tingnan ang PAG-ALIS (Autentisidad ng Ulat ng Pag-alis).

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share