-
ApostolKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Gayunman, noong partikular na panahong iyon bago ang Pentecostes, may mga lalaking nakatutugon sa mga kahilingang ito, at dalawa ang iminungkahing karapat-dapat na pumalit sa di-tapat na si Hudas. Tiyak na nasa isip nila ang Kawikaan 16:33 nang magsagawa sila ng palabunutan, at si Matias ang napili at mula noo’y “ibinilang siyang kasama ng labing-isang apostol.” (Gaw 1:23-26) Sa gayo’y kabilang siya sa “labindalawa” na lumutas sa problema may kinalaman sa mga alagad na nagsasalita ng Griego (Gaw 6:1, 2), at maliwanag na ibinilang siya ni Pablo sa tinukoy nito na “labindalawa” nang banggitin niya sa 1 Corinto 15:4-8 ang mga pagpapakita ni Jesus pagkatapos na ito’y buhaying-muli. Kaya naman pagsapit ng Pentecostes, mayroon nang 12 apostolikong pundasyon na doo’y maitatatag ang espirituwal na Israel na nabuo noon.
Pagka-Apostol sa Kongregasyon. Si Matias ay hindi lamang basta isang apostol ng kongregasyon ng Jerusalem, gaya ng natirang 11 apostol. Naiiba ang kaso niya sa kaso ng Levitang si Jose Bernabe na naging isang apostol ng kongregasyon ng Antioquia, Sirya. (Gaw 13:1-4; 14:4, 14; 1Co 9:4-6) May iba pang mga lalaki na tinukoy rin bilang “mga apostol ng mga kongregasyon” sa diwa na ang mga ito ay isinugo ng mga kongregasyong iyon upang kumatawan sa kanila. (2Co 8:23) At nang sumulat si Pablo sa mga taga-Filipos, tinukoy niya si Epafrodito bilang “inyong sugo [a·poʹsto·lon] at pansariling lingkod para sa aking pangangailangan.” (Fil 2:25) Maliwanag na ang pagka-apostol ng mga lalaking ito ay hindi dahil sa anumang apostolikong paghahalili, ni napabilang man sila sa “labindalawa” gaya ni Matias.
-
-
ApostolKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Ang pagka-apostol nina Matias at Pablo ay kapuwa lehitimo salig sa layunin na para roo’y “isinugo” ang mga lalaking ito, ngunit nang makita ng apostol na si Juan ang pangitain tungkol sa makalangit na Bagong Jerusalem sa Apocalipsis (na ibinigay noong 96 C.E.), 12 batong pundasyon lamang ang nakita niya at sa mga iyon ay nakaukit “ang labindalawang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.” (Apo 21:14) Maliwanag ang patotoo ng Banal na Kasulatan na ang apostol na si Pablo ay hindi kailanman tinukoy bilang isa sa “labindalawa.” Kaya naman, makatuwiran lamang na ang isa sa “labindalawang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero” na nakaukit sa mga batong pundasyon ng Bagong Jerusalem ay pangalan ni Matias at hindi pangalan ni Pablo.
-