Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Tagapagbigay-Kautusan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Ang tao rin, palibhasa’y nilalang ni Jehova, ay sakop ng mga pisikal na batas ni Jehova, at yamang ang tao ay isang nilalang na may moralidad at talino, anupat may kakayahang mangatuwiran at maaaring magkaroon ng espirituwalidad, sakop din siya ng mga batas ng Diyos hinggil sa moral. (Ro 12:1; 1Co 2:14-16)

  • Tagapagbigay-Kautusan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Sa katulad na paraan, ang mga batas ng Diyos hinggil sa moral ay di-mababago at hindi maaaring lusutan o labagin nang ligtas sa anumang parusa. Ang mga ito ay tiyak na ipatutupad gaya ng Kaniyang mga batas sa kalikasan, bagaman maaaring hindi agad-agad na inilalapat ang kaparusahan. “Ang Diyos ay hindi isa na malilibak. Sapagkat anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.”​—Gal 6:7; 1Ti 5:24.

  • Tagapagbigay-Kautusan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Bago ibinigay ni Jehova ang kaniyang kautusan sa Israel, paano nalalaman ng mga tao kung ano ang kalooban ng Diyos para sa kanila?

      Bagaman lumago ang kasamaan sa gitna ng karamihan ng mga inapo ni Adan mula noong maghimagsik siya hanggang noong Baha, mayroon namang ilang taong tapat na “patuloy na lumakad na kasama ng tunay na Diyos.” (Gen 5:22-24; 6:9; Heb 11:4-7) Ang tanging espesipikong mga utos na nakatalang ibinigay ng Diyos sa gayong mga tao ay ang mga tagubilin kay Noe may kaugnayan sa arka. Sinunod ni Noe nang walang pasubali ang mga ito. (Gen 6:13-22) Gayunpaman, noon ay may mga simulain at mga saligan upang pumatnubay sa tapat na mga tao sa kanilang ‘paglakad na kasama ng tunay na Diyos.’

      Alam nila ang saganang pagkabukas-palad ng Diyos nang paglaanan niya ang tao sa Eden; nakita nila ang katibayan ng kawalang-pag-iimbot at maibiging pagmamalasakit ng Diyos. Alam nila na sa pasimula pa lamang ay umiiral na ang simulain ng pagkaulo, anupat ang Diyos ang ulo ng lalaki at ang lalaki naman ang ulo ng babae. Alam nila na may gawaing iniatas ang Diyos sa tao at na ikinababahala Niya ang wastong pangangalaga sa mga bagay na ibinigay Niya sa tao upang gamitin nila at magdulot sa kanila ng kasiyahan. Alam nila na ang seksuwal na pagtatalik ay dapat na sa pagitan lamang ng lalaki at babae at na dapat itong gawin sa loob lamang ng kaugnayang pangmag-asawa, at na kanilang ‘iiwan ang ama at ang ina’ upang bumuo ng isang namamalaging pagsasama sa halip na pansamantala lamang (gaya sa kaso ng pakikiapid). Mula sa utos ng Diyos may kinalaman sa paggamit sa mga punungkahoy sa hardin ng Eden at partikular na sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama, mauunawaan nila ang simulain ng karapatan sa pagmamay-ari at ang paggalang dito. Batid nila ang masasamang resulta ng unang kasinungalingan. Alam nila na sinang-ayunan ng Diyos ang paraan ng pagsamba ni Abel, na hindi sinang-ayunan ng Diyos ang inggit at poot ni Cain sa kaniyang kapatid, at na pinarusahan ng Diyos si Cain dahil sa pagpaslang niya kay Abel.​—Gen 1:26–4:16.

      Dahil dito, kahit walang karagdagang espesipikong mga kapahayagan, utos, o batas mula sa Diyos, mapagbabatayan nila ang mga simulain at mga saligang ito upang pumatnubay sa kanila sa naiiba ngunit kahawig na mga situwasyon na maaaring bumangon. Maraming siglo pagkaraan nito, ganito minalas ni Jesus at ng kaniyang mga apostol ang mga pangyayari bago ang Baha. (Mat 19:3-9; Ju 8:43-47; 1Ti 2:11-14; 1Ju 3:11, 12) Ang kautusan ay nangangahulugang isang tuntunin ng pagkilos. Sa pamamagitan ng mga salita at mga pagkilos ng Diyos, maaari nilang malaman noon ang ilang bagay tungkol sa kaniyang daan, sa kaniyang mga pamantayan, at ito ang tuntunin ng pagkilos, o kautusan, na dapat nilang sundin. Sa paggawa nito, sila ay ‘patuloy na makalalakad na kasama ng tunay na Diyos.’ Ang mga hindi gumagawa nito ay nagkakasala, anupat ‘sumasala sa marka,’ kahit walang kodigo ng kautusan na hahatol sa kanila.

      Pagkatapos ng Baha, nagbigay ang Diyos kay Noe ng isang kautusan na dapat tuparin ng buong sangkatauhan, anupat ipinahintulot nito ang pagkain ng karne ngunit ipinagbawal ang pagkain ng dugo, at binigkas Niya ang simulain ng kaparusahang kamatayan para sa pagpaslang. (Gen 9:1-6) Di-katagalan pagkaraan ng Baha, ang mga lalaking gaya nina Abraham, Isaac, Jacob, at Jose ay nagpakita ng tunay na pagkabahala sa daan ng Diyos, sa kaniyang tuntunin ng pagkilos. (Gen 18:17-19; 39:7-9; Exo 3:6) Bagaman nagbigay ang Diyos ng espesipikong mga utos sa mga taong tapat (Gen 26:5), gaya ng batas sa pagtutuli, walang ulat na nagbigay siya sa kanila ng isang detalyadong kodigo ng kautusan na dapat nilang tuparin. (Ihambing ang Deu 5:1-3.) Gayunpaman, naging patnubay nila noon hindi lamang ang mga simulain at mga panuntunan noong panahon bago ang Baha kundi gayundin ang karagdagang mga simulain at mga panuntunan na maaaring hanguin mula sa kaniyang mga pananalita at mga pakikitungo sa sangkatauhan noong panahon pagkaraan ng Baha.

      Kaya bagaman hindi nagbigay ang Diyos ng isang detalyadong kodigo ng kautusan, gaya ng ibinigay niya nang dakong huli sa mga Israelita, sa paanuman ay maaaring matiyak noon ng mga tao kung ano ang tama at maling paggawi. Halimbawa, hindi pa espesipikong hinahatulan noon ang idolatriya sa pamamagitan ng isang ipinahayag na kautusan. Gayunpaman, gaya ng ipinakikita ng apostol na si Pablo, hindi maipagdadahilan ang gayong gawain yamang ang “di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.” Ang pagpapakundangan at pag-uukol ng “sagradong paglilingkod sa nilalang sa halip na sa Isa na lumalang” ay salungat sa matinong pangangatuwiran. Ang mga sumusunod sa gayong landasin ng kawalang-isip ay maaaring lumihis sa kalaunan patungo sa iba pang likong gawain, gaya ng homoseksuwalidad, anupat pinapalitan ang “likas na gamit ng kanilang sarili tungo sa isa na salungat sa kalikasan.” Muli, bagaman walang ibinigay na espesipikong kautusan, maliwanag na ang gayong gawain ay salungat sa daan ng Diyos na Maylalang, gaya ng ipinakikita ng mismong kayarian ng lalaki at babae. Yamang ang tao ay orihinal na ginawa ayon sa larawan ng Diyos, mayroon siyang sapat na talino upang maunawaan ang mga bagay na ito. Kaya naman mananagot siya sa harap ng Diyos kung sasalungat siya sa daan ng Diyos; nagkakasala siya, anupat ‘sumasala sa marka,’ kahit walang espesipiko at ipinahayag na kautusan na hahatol sa kaniya ng pagkakasala.​—Ro 1:18-27; ihambing ang Ro 5:13.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share