JEZEBEL
[mula sa wikang Fenisa, posibleng nangangahulugang “Nasaan ang Isa na Matayog [samakatuwid nga, ang prinsipe]?”].
1. Asawa ni Ahab, isang hari ng Israel noong huling kalahatian ng ikasampung siglo B.C.E. Isa siyang dominanteng reyna at isang masigasig na tagapagtaguyod ng Baalismo laban sa pagsamba kay Jehova. Sa bagay na ito ay katulad siya ng kaniyang amang si Etbaal, ang hari ng Sidon, maliwanag na ang isa na tinukoy ng sinaunang istoryador na si Menander (ayon sa Against Apion ni Josephus, I, 116, 123 [18]) bilang isang saserdote ni Astarte (Astoret) na lumuklok sa trono sa pamamagitan ng pagpaslang sa hari.—1Ha 16:30, 31.
Malamang na ang pag-aasawa ni Ahab sa paganong prinsesang si Jezebel ay para sa pulitikal na mga kadahilanan, anupat hindi isinaalang-alang ang magiging epekto nito sa pagsamba ng Israel. At pagkatapos niyang gumawa ng gayong pakikipag-alyansa, natural lamang na ang susunod na hakbang upang mapaluguran ang kaniyang asawa na debotong mananamba ni Baal ay ang magtayo ng isang templo at altar para kay Baal, magtindig ng “sagradong poste” na anyong ari ng lalaki, at pagkatapos ay samahan ito sa gayong idolatrosong pagsamba. Dahil dito, higit pa ang ginawa ni Ahab upang galitin si Jehova kaysa sa lahat ng mga hari ng Israel na nauna sa kaniya.—1Ha 16:32, 33.
Palibhasa’y hindi pa nasiyahan na opisyal na sinang-ayunan ng hari ang pagsamba kay Baal, sinikap ni Jezebel na pawiin ang pagsamba kay Jehova mula sa lupain. Sa layuning iyon ay ipinag-utos niyang patayin ang lahat ng propeta ni Jehova, ngunit binabalaan ng Diyos si Elias na tumakas at tumawid ng Jordan, at itinago naman ni Obadias na katiwala ng palasyo ang isang daan pa sa mga yungib. (1Ha 17:1-3; 18:4, 13) Pagkaraan ng ilang panahon ay muling tumakas si Elias upang iligtas ang kaniyang buhay nang si Jezebel, sa pamamagitan ng sariling mensahero nito, ay sumumpang papatayin siya.—1Ha 19:1-4, 14.
Nagkaroon ng 450 propeta ni Baal at 400 propeta ng sagradong poste, na pawang inaalagaan at pinakakain ni Jezebel mula sa kaniyang sariling maharlikang mesa na ginagastusan ng bansa. (1Ha 18:19) Ngunit sa kabila ng kaniyang panatikong mga pagsisikap na lipulin ang pagsamba kay Jehova, isiniwalat ni Jehova na, nang dakong huli, “ang lahat ng tuhod na hindi lumuhod kay Baal, at ang bawat bibig na hindi humalik sa kaniya” ay umabot sa 7,000 katao.—1Ha 19:18.
Sa pakikitungo ni Jezebel kay Nabot, makikita natin ang isa pang aspekto ng balakyot na pagkatao ng babaing ito, isang pagkatao na napakasakim, walang prinsipyo, palalo, at malupit. Nang si Ahab ay magmukmok at mamanglaw dahil tumanggi si Nabot na ipagbili sa kaniya ang minanang ubasan nito, nilampasan ng walang-prinsipyo at walang-kahihiyang babaing ito ang pagkaulo ng kaniyang asawa at may-kapalaluang sinabi: “Ako ang magbibigay sa iyo ng ubasan ni Nabot.” (1Ha 21:1-7) Nang magkagayon ay sumulat siya ng mga liham, na nilagdaan at tinatakan sa pangalan ni Ahab, anupat inutusan ang matatandang lalaki at mga taong mahal ng bayan ni Nabot na isaayos na si Nabot ay may-kabulaanang akusahan ng mga walang-kabuluhang tao ng pagsumpa sa Diyos at sa hari at pagkatapos ay ilabas si Nabot at batuhin ito hanggang sa mamatay. Sa gayon ay pinatay si Nabot sa pamamagitan ng pagpilipit sa katarungan. Pagkatapos ay kinuha ni Ahab ang ubasan at inihanda iyon upang gawing hardin ng mga gulay.—1Ha 21:8-16.
Dahil sa gayong labis-labis na pagwawalang-bahala sa katuwiran, itinalaga ni Jehova na si Ahab at ang linya ng angkan nito ay aalisin sa isang lubos na pagkalipol. “Maliban sa kaniya ay walang sinumang naging tulad ni Ahab, na ipinagbili ang kaniyang sarili upang gawin ang masama sa paningin ni Jehova, na ibinuyo ni Jezebel na kaniyang asawa.” Kaya ang hatol ni Jehova laban kay Jezebel: “Ang mga aso ang uubos kay Jezebel.”—1Ha 21:17-26.
Sa paglipas ng panahon, si Ahab ay namatay at hinalinhan muna ng anak ni Jezebel na si Ahazias, na namahala nang dalawang taon, at pagkatapos ay ng isa pa sa kaniyang mga anak, si Jehoram, na namahala sa loob ng sumunod na 12 taon bago tuluyang nagwakas ang dinastiya ni Ahab. (1Ha 22:40, 51-53; 2Ha 1:17; 3:1) Noong panahon ng mga paghahari ng mga anak niyang ito, patuloy na inimpluwensiyahan ni Jezebel, na gumaganap noon bilang inang reyna, ang lupain sa pamamagitan ng kaniyang mga pakikiapid at mga panggagaway. (2Ha 9:22) Nadama ang kaniyang impluwensiya pati sa Juda sa dakong T, kung saan ang kaniyang balakyot na anak na si Athalia, na napangasawa ng hari ng Juda, ay nagtaguyod sa espiritu ni Jezebel sa timugang kahariang iyon sa loob ng anim na taon pa pagkamatay ng kaniyang ina.—2Ha 8:16-18, 25-27; 2Cr 22:2, 3; 24:7.
Nang makarating kay Jezebel ang balita na pinatay ni Jehu ang kaniyang naghaharing anak na si Jehoram at papunta na ito sa Jezreel, pinintahan niya ang kaniyang mga mata, pinalamutian ang kaniyang buhok, at pumuwesto sa isang mataas na bintana na nakaharap sa liwasan ng palasyo. Doon ay binati niya ang manlulupig sa matagumpay na pagdating nito, sa pagsasabing: “Napabuti ba si Zimri na mámamátay ng kaniyang panginoon?” Malamang na ang mapanuyang pagbating ito ay pasaring na pagbabanta, sapagkat si Zimri, matapos nitong patayin ang kaniyang hari at agawin ang trono, ay nagpatiwakal pagkalipas ng pitong araw nang pagbantaan ang kaniyang buhay.—2Ha 9:30, 31; 1Ha 16:10, 15, 18.
Bilang tugon sa gayong di-magandang pagtanggap, sinabi ni Jehu: “Sino ang nasa panig ko? Sino?” Nang dumungaw ang dalawa o tatlong opisyal ng korte, iniutos niya, “Ibagsak ninyo siya!” Sa lakas ng pagkahulog, ang kaniyang dugo ay tumilamsik sa pader at sa mga kabayo, at niyurakan siya, malamang ay sa pamamagitan ng mga kabayo. Di-nagtagal, nang dumating ang mga lalaki upang ilibing ‘ang anak na ito ng isang hari,’ aba, nasumpungan nila na halos naubos na siya ng mga asong ligáw, gaya ng inihula ng “salita ni Jehova na sinalita niya sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Elias,” anupat ang naiwan lamang ay ang bungo, mga paa, at mga palad ng kaniyang kamay bilang katibayan na nagkakatotoo ang lahat ng sinasabi ni Jehova.—2Ha 9:32-37.
2. Ang “babaing” iyon sa kongregasyon ng Tiatira na ang tawag sa kaniyang sarili ay propetisa. Tiyak na ang “babaing” ito ay binigyan ng pangalang Jezebel dahil ang kaniyang balakyot na paggawi ay katulad ng sa asawa ni Ahab. Bukod sa pagtuturo ng huwad na relihiyon at pagliligaw sa marami upang gumawa ng pakikiapid at idolatriya, ang “babaing” ito ay manhid din at ayaw magsisi. Dahil dito, ipinahayag ng “Anak ng Diyos” na siya ay ihahagis sa higaan ng karamdaman at ang kaniyang mga anak ay papatayin, upang ipakita na tatanggapin ng bawat isa ang ayon sa kaniyang mga gawa.—Apo 2:18-23.