Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ehipto, Ehipsiyo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Noong sinaunang panahon at maging sa ngayon, ang pag-iral ng Ehipto ay nakadepende sa Ilog Nilo, anupat ang matabang libis nito ay isang mahaba at makitid na luntiang lupain sa tigang na mga disyerto ng hilagang-silangang Aprika. Ang “Mababang Ehipto” ay sumasaklaw sa malapad na rehiyon ng Delta kung saan nagsasanga-sanga ang tubig ng Nilo bago bumuhos sa Dagat Mediteraneo, at noon ay dumaraan ito sa di-kukulangin sa limang magkakahiwalay na sanga ngunit ngayon ay sa dalawa na lamang. Mula sa dako kung saan nagsasanga-sanga ang tubig ng Nilo (sa rehiyon ng makabagong Cairo) hanggang sa baybaying dagat ay mga 160 km (100 mi). Ang lokasyon ng sinaunang Heliopolis (On sa Bibliya) ay di-kalayuan sa H ng Cairo, samantalang ang Memfis naman (kadalasang tinatawag na Nop sa Bibliya) ay may layong ilang milya sa T ng Cairo. (Gen 46:20; Jer 46:19; Os 9:6) Sa gawing T ng Memfis nagsisimula ang rehiyon ng “Mataas na Ehipto,” na sumasaklaw sa kahabaan ng libis hanggang sa unang talon ng Nilo sa Aswan (sinaunang Seyene), isang distansiya na mga 960 km (600 mi). Gayunman, iniisip ng maraming iskolar na mas makatuwirang tukuyin ang hilagang bahagi ng seksiyong ito bilang “Gitnang Ehipto.” Sa buong rehiyong ito (ng Gitna at Mataas na Ehipto), ang patag na Libis ng Nilo ay bihirang humigit pa sa lapad na 20 km (12 mi), at sa magkabilang panig ay nahaharangan ito ng mga bangin na batong-apog at batong-buhangin, na siyang pinakagilid ng mismong disyerto.

  • Ehipto, Ehipsiyo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
    • Nakadepende sa Nilo ang ekonomiya ng Ehipto. Bagaman sa ngayon ay halos walang pananim sa mga disyertong rehiyon sa gilid ng Libis ng Nilo upang tumustos sa mga hayop, ipinakikita ng katibayan na noong sinaunang panahon ay maraming hayop na mahuhuli sa mga wadi, o mga agusang libis. Gayunman, maliwanag na noon ay bihirang umulan doon gaya rin sa ngayon (marahil ang Cairo ay tumatanggap ng 5 sentimetro [2 pulgada] bawat taon). Dahil dito, ang buhay sa Ehipto ay nakadepende noon sa tubig ng Nilo.

      Ang mga bukal ng Nilo ay nagmumula sa kabundukan ng Etiopia at ng kalapit na mga lupain. Dito ang ulan sa pana-panahon ay sapat upang lumaki ang tubig ng ilog, na umaapaw sa mga pampang nito sa Ehipto bawat taon sa mga buwan ng Hulyo hanggang Setyembre. (Ihambing ang Am 8:8; 9:5.) Hindi lamang ito naglalaan ng tubig para sa mga kanal at mga lunas ng irigasyon kundi nag-iiwan din ito ng banlik na nagpapataba ng lupa. Gayon na lamang kataba ang Libis ng Nilo, at gayundin ang Delta, anupat ang natutubigang-mainam na pook ng Sodoma at Gomorra na natanaw ni Lot ay itinulad sa “hardin ni Jehova, tulad ng lupain ng Ehipto.” (Gen 13:10) Gayunman, pabagu-bago ang pag-apaw ng ilog; kapag mababa ito, ang produksiyon ay mahina at ang resulta ay taggutom. (Gen 41:29-31) Kapag hindi umapaw ang tubig ng Nilo, mangangahulugan ito ng napakalubhang problema, anupat ang bansa ay magiging isang tuyot na ilang.​—Isa 19:5-7; Eze 29:10-12.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share