-
SiracusaKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
SIRACUSA
Isang lunsod na may mainam na daungan, nasa TS baybayin ng pulo ng Sicilia, sa ngayon ay tinatawag na Siracusa (sa Italyano). Ayon kay Thucydides, isang kolonyang Griego ang itinatag sa Siracusa noong ikawalong siglo B.C.E.
Ang apostol na si Pablo ay namalagi sa Siracusa nang tatlong araw sa pagtatapos ng kaniyang paglalakbay patungong Roma, noong mga 59 C.E. Maaaring kinailangan ang pagtigil doon dahil ang barko ay kinailangang maghintay ng angkop na hangin para sa paglalayag. (Gaw 28:12) Mula sa Siracusa, ang barkong sinasakyan ni Pablo ay “lumigid” at dumating sa Regio, sa timugang dulo ng Italya. Hindi alam kung ano ang eksaktong kahulugan ng pananalitang ito. Posibleng naglayag ang sasakyang-dagat sa isang tila pakurbang ruta, malayo sa baybayin, upang magkaroon ito ng sapat na hangin na hihihip sa mga layag nito. O kaya, marahil ito ay “tumahak sa isang sirkito—namaybay—” upang makarating sa Regio.—Gaw 28:13, AB.
-
-
SirteKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Ang pangalang Griego ng dalawang gulpo na saklaw ng malaking papaloob na bahagi sa baybayin ng hilagang Aprika. Ang kanluraning gulpo (sa pagitan ng Tunis at ng Tripoli) ay tinawag na Sirte Minor (sa ngayon ay Gulpo ng Gabès). Bahagya lamang sa dakong S ay naroon ang Sirte Mayor, ang makabagong Gulpo ng Sidra. Takót ang mga sinaunang magdaragat sa dalawang gulpong ito dahil sa kanilang mapanganib na mga bahura ng buhangin, na palaging pabagu-bago ng kinaroroonan dahil sa pagtaas at pagkati ng tubig. May kinalaman sa mga sasakyang-dagat na napasadsad sa mga buhanginang ito, si Strabo, isang heograpo noong unang siglo C.E., ay nag-ulat, “Bihirang mangyari na ang isang barko ay makaalis dito nang ligtas.”—Geography, 17, III, 20.
Nang dinadala sa Roma ang apostol na si Pablo bilang isang bilanggo, ang barkong sinasakyan niya ay pinanaigan ng isang unos na pahilagang-silangan sa T ng Creta. Dahil dito, natakot ang mga tripulante nito na baka sumadsad ang barko sa “Sirte,” maliwanag na ang mga kumunoy o mga bahura ng buhangin ng Gulpo ng Sidra.—Gaw 27:14-17.
-