-
CorintoKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Sa isang pangitain, tiniyak kay Pablo na makasusumpong siya sa Corinto ng maraming taong nakaayon sa katuwiran, kung kaya gumugol siya ng isang taon at anim na buwan sa estratehikong salubungang ito ng Silangan at ng Kanluran. (Gaw 18:9-11) Malamang na isinulat niya noong panahong iyon ang kaniyang dalawang liham sa mga taga-Tesalonica.
Kongregasyong Kristiyano. Ang mga kasamahan ni Pablo sa paggawa ng tolda at kaniyang mga kapuwa Kristiyano, sina Aquila at Priscila, ay sumama sa kaniya nang maglayag siya mula sa silanganing daungan ng Cencrea at tumawid ng Dagat Aegeano patungong Efeso sa Asia Minor. (Gaw 18:18, 19) Ipinagpatuloy naman ng mahusay-magsalitang si Apolos ang gawain ni Pablo, anupat dinilig ang mga binhing inihasik sa Corinto. (Gaw 18:24-28; 19:1; 1Co 3:6) Lubhang ikinabahala ni Pablo ang kalagayan ng kongregasyong itinatag niya sa Corinto, kung kaya isinugo niya si Tito upang katawanin siya roon sa dalawang pagdalaw, at sinulatan din niya ng dalawang mapuwersang liham ang kongregasyon sa Corinto. (2Co 7:6, 7, 13; 8:6, 16, 17; 12:17, 18) Bagaman hindi niya naisagawa ang kaniyang isinaplanong pagtigil doon upang dalawin sila noong patungo siya sa Macedonia (2Co 1:15, 16, 23), nang maglaon ay gumugol din si Pablo ng tatlong buwan sa Gresya, malamang na noong 55-56 C.E., at ginugol niya ang ilang bahagi ng panahong iyon sa Corinto, anupat isinulat ang kaniyang liham sa mga taga-Roma mula roon.—Gaw 20:2, 3; Ro 16:1, 23; 1Co 1:14.
-
-
Corinto, Mga Liham sa Mga Taga-Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
CORINTO, MGA LIHAM SA MGA TAGA-
Dalawang kinasihang kanonikal na liham na isinulat ng apostol na si Pablo sa mga Kristiyano sa Gresya noong unang siglo C.E. Ang mga liham na ito ay ikapito at ikawalong aklat sa karamihan ng Tagalog na mga bersiyon ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ipinakilala ni Pablo ang kaniyang sarili bilang ang manunulat ng dalawang liham, anupat ipinatungkol ang Unang Corinto sa “kongregasyon ng Diyos na nasa Corinto,” at ang Ikalawang Corinto naman sa “kongregasyon ng Diyos na nasa Corinto, kasama ang lahat ng mga banal na nasa buong Acaya.”—1Co 1:1, 2; 2Co 1:1.
Ang pagiging manunulat ni Pablo ng Una at Ikalawang Corinto ay hindi makukuwestiyon. Bukod sa sariling patotoo ng apostol, ang autentisidad ng dalawang liham at ang pagtanggap sa mga ito ng karamihan ay pinagtitibay ng panlabas na patotoo. Ang dalawang liham ay kinikilalang isinulat ni Pablo at sinipi ng mga manunulat noong una hanggang ikatlong siglo. Gayundin, itinala ng tinatawag na “The Canon of Athanasius” (367 C.E.) ang “dalawa para sa mga taga-Corinto” bilang kasama sa “labing-apat na liham ni Pablo na apostol.” Ang talaang ito ang unang halimbawa ng katalogo ng mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan gaya ng taglay natin sa ngayon, anupat nauna nang 30 taon sa talaang inilathala ng Konsilyo, o Sinodo, ng Cartago, Aprika, noong 397 C.E.
Ministeryo ni Pablo sa Corinto. Dumating si Pablo sa Corinto noong mga 50 C.E. Sa pasimula, nagbibigay siya ng pahayag sa sinagoga sa bawat Sabbath “at nanghihikayat sa mga Judio at mga Griego.” (Gaw 18:1-4) Gayunman, matapos siyang mapaharap sa pagsalansang at mapang-abusong pananalita sa gitna niyaong mga nasa sinagoga, ibinaling ng apostol ang kaniyang pansin sa “mga tao ng mga bansa,” ang mga Gentil sa Corinto. Ang mga pakikipagtipon ni Pablo sa kanila ay inilipat sa isang bahay na katabi ng sinagoga, at marami ang “nagsimulang maniwala at mabautismuhan.” Yamang sinabihan ng Panginoon sa isang pangitain na, “Marami akong mga tao sa lunsod na ito,” ang apostol ay nanatili roon nang isang taon at anim na buwan habang “itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos.” (Gaw 18:5-11) Palibhasa’y malaki ang naitulong ni Pablo sa pagtatatag ng isang kongregasyong Kristiyano sa Corinto, maaari niyang sabihin sa kanila: “Mayroon man kayong sampung libong tagapagturo kay Kristo, tiyak na wala kayong maraming ama; sapagkat kay Kristo Jesus ay ako ang naging inyong ama sa pamamagitan ng mabuting balita.”—1Co 4:15.
Talamak noon ang imoralidad sa Corinto, at nang maglaon ay nakaapekto ito maging sa kongregasyong Kristiyano sa lunsod na iyon. Kinailangan ni Pablo na sawayin ang kongregasyon sa isang liham sa dahilang may bumangon sa gitna nila na isang kaso ng “gayong pakikiapid [na] wala kahit sa gitna man ng mga bansa,” sapagkat isang lalaki ang kumuha sa asawa ng kaniyang ama. (1Co 5:1-5) Sa pamamagitan ng isang ilustrasyon na mauunawaan nila, pinatibay-loob din niya sila na manatiling tapat. Alam niya na pamilyar sila sa atletikong mga paligsahan sa Palarong Isthmian na idinaraos malapit sa Corinto. Kaya sumulat siya: “Hindi ba ninyo alam na ang mga mananakbo sa isang takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit isa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Tumakbo kayo sa paraang makakamit ninyo ito. Bukod diyan, ang bawat tao na nakikibahagi sa isang paligsahan ay nagpipigil ng sarili sa lahat ng bagay. Ngayon sila, sabihin pa, ay gumagawa nito upang tumanggap sila ng isang koronang nasisira, ngunit tayo naman ay ng isa na walang kasiraan.”—1Co 9:24, 25.
Unang Corinto. Noong ikatlong paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, nagpalipas siya ng ilang panahon sa Efeso. (Gaw 19:1) Malamang na noong huling taon ng pamamalagi niya roon, nakatanggap ang apostol ng nakababahalang balita tungkol sa mga kalagayan sa kongregasyon ng Corinto. Ibinalita kay Pablo niyaong “mga nasa sambahayan ni Cloe” na may umiiral na mga di-pagkakasundo sa gitna ng mga taga-Corinto. (1Co 1:11) Dumating din sina Estefanas, Fortunato, at Acaico mula sa Corinto at maaaring nakapagbigay sila ng ilang impormasyon tungkol sa situwasyon doon. (1Co 16:17, 18) Bukod diyan, tumanggap si Pablo ng isang liham na nagtatanong mula sa kongregasyong Kristiyano sa Corinto. (1Co 7:1) Kaya naman udyok ng matinding pagkabahala sa espirituwal na kapakanan ng mga kapananampalataya niya roon, isinulat ni Pablo ang unang liham na ito sa kongregasyong Kristiyano sa Corinto, noong mga 55 C.E. Matitiyak natin na sa Efeso ito isinulat dahil sa mga salita ni Pablo na nakaulat sa 1 Corinto 16:8: “Ngunit mananatili ako sa Efeso hanggang sa kapistahan ng Pentecostes.”
Sa introduksiyon sa Unang Corinto, binanggit ni Pablo ang kasamahan niyang si Sostenes na maaaring siyang sumulat ng liham ayon sa idinikta ni Pablo. Malamang na ganito nga ang nangyari, yamang sa pagtatapos nito ay mababasa natin: “Narito ang aking pagbati, ni Pablo, sa aking sariling kamay.”—1Co 1:1; 16:21.
Ikalawang Corinto. Malamang na isinulat ni Pablo ang kaniyang ikalawang liham sa mga taga-Corinto noong huling bahagi ng tag-araw o maagang bahagi ng taglagas ng 55 C.E. Ang unang liham ay isinulat ng apostol sa Efeso, kung saan malamang na namalagi siya gaya ng isinaplano, hanggang noong Pentecostes ng taóng iyon, o mas matagal pa. (1Co 16:8) Pagkatapos ay lumisan si Pablo patungong Troas, na doo’y ikinalungkot niya na hindi niya nakita si Tito, na bago nito’y isinugo sa Corinto upang tumulong sa paglikom ng salapi para sa mga banal sa Judea. Kaya pumaroon si Pablo sa Macedonia, kung saan siya sinundan ni Tito taglay ang ulat tungkol sa pagtugon ng mga taga-Corinto sa kaniyang unang liham. (2Co 2:12, 13; 7:5-7) Nang magkagayon ay isinulat ni Pablo ang ikalawang liham sa kanila mula sa Macedonia, at maliwanag na ipinadala iyon sa pamamagitan ni Tito. Pagkaraan ng ilang buwan, natupad ang kaniyang mga pagsisikap na dumalaw sa Corinto. Samakatuwid, dalawang beses na nakadalaw si Pablo sa mga taga-Corinto. Pagkatapos ng kaniyang unang pagdalaw, kung kailan itinatag niya ang kongregasyon, nagplano siya ng ikalawang pagdalaw, na hindi natuloy. Ngunit “ang ikatlong pagkakataon” na kaniyang isinaplano o ‘ipinaghanda’ ay nagtagumpay, sapagkat nakita niya silang muli noong mga 56 C.E. (2Co 1:15; 12:14; 13:1) Sa ikalawang pagdalaw na ito sa Corinto, isinulat niya ang kaniyang liham sa mga taga-Roma.
Mga dahilan ng pagsulat. Isang positibong ulat ang inihatid ni Tito kay Pablo. Pinukaw ng unang liham ang mga taga-Corinto tungo sa kalungkutan sa makadiyos na paraan, pagsisisi, kasigasigan, pagnanais na pawalang-sala ang kanilang sarili, pagkagalit, takot, at pagtatama ng mali. Bilang tugon, sa ikalawang liham ni Pablo ay pinapurihan niya sila sa kanilang positibong pagtanggap at pagkakapit ng payo, anupat hinimok sila na ‘may-kabaitang patawarin at aliwin’ ang nagsisising lalaki na maliwanag na itiniwalag nila noon mula sa kongregasyon. (2Co 7:8-12; 2:1-11; ihambing ang 1Co 5:1-5.) Nais din ni Pablo na pasiglahin sila na ipagpatuloy pa ang gawaing pagtulong sa kanilang nagdarahop na mga kapananampalataya sa Judea. (2Co 8:1-15) Isa pa, may mga indibiduwal sa kongregasyon na patuloy na kumukuwestiyon sa posisyon at awtoridad ni Pablo bilang isang apostol, anupat kinailangan niyang ipagtanggol ang kaniyang apostolikong posisyon; ang totoo, hindi ito para sa kaniyang sarili, kundi “ito ay para sa Diyos,” samakatuwid nga, upang iligtas ang kongregasyon na pag-aari ng Diyos, kung kaya si Pablo ay nagsalita nang napakatahasan sa kaniyang liham at ‘naghambog’ tungkol sa mga kredensiyal niya bilang apostol.—2Co 5:12, 13; 10:7-12; 11:16-20, 30-33; 12:11-13.
-