-
FiliposKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Ang Pagdalaw ni Pablo. Nagkapribilehiyo ang Filipos na maging unang lunsod sa Europa na nakarinig sa pangangaral ni Pablo ng mabuting balita, noong mga 50 C.E., sa panahon ng ikalawang paglalakbay niya bilang misyonero. Pumunta siya roon bilang pagsunod sa isang pangitain sa gabi sa Troas ng Asia Minor, kung saan isang lalaking taga-Macedonia ang namanhik sa kaniya: “Tumawid ka sa Macedonia at tulungan mo kami.” (Gaw 16:8-10) Si Pablo at ang kaniyang mga kasamahan, maliwanag na kabilang ang kanilang mananalaysay na si Lucas, ay nanatili roon nang ilang araw, at noong Sabbath ay “pumaroon [sila] sa labas ng pintuang-daan sa tabi ng isang ilog,” kung saan, ayon sa salaysay ni Lucas, “iniisip naming may dakong panalanginan.” Ipinapalagay ng iba na walang sinagoga sa Filipos, dahil sa pangmilitar na kapaligiran ng lunsod—anupat ang mga Judio roon ay maaaring pinagbawalang magtipon sa loob ng lunsod para sa pagsamba. Magkagayunman, nakipag-usap si Pablo sa mga babaing nagkakatipon doon at nakasumpong siya ng isa, na Lydia ang pangalan, isang mananamba ng Diyos, na ‘nagbukas na mabuti ng kaniyang puso upang magbigay-pansin sa mga bagay na sinasalita ni Pablo.’ Si Lydia at ang kaniyang sambahayan ay nabautismuhan, at labis-labis ang kaniyang pagpapahalaga at pagkamapagpatuloy anupat ‘talaga namang pinilit niya si Pablo at ang mga kasamahan nito na pumaroon’ upang manatili sa kaniyang bahay.—Gaw 16:11-15.
Ngunit ngayon, pagkatapos niyang tumugon sa panawagang pumaroon sa Macedonia, si Pablo ay napaharap sa pag-uusig sa unang lunsod na ito mismo, sa pagkakataong ito ay hindi mula sa mga Judio, gaya ng nangyari sa Galacia. Ang mga mahistrado ng lunsod ay kumilos ayon sa mga bulaang akusasyon na iniharap ng mga may-ari ng isang batang babaing inaalihan ng demonyo. Nawalan ng kita ang mga ito dahil hindi na makapagpatuloy ang babae sa pagsasagawa ng panghuhula, na mula rito ay nagkaroon ang mga ito ng maraming pakinabang. Sina Pablo at Silas ay pinaghahampas ng mga pamalo, itinapon sila sa bilangguan, at ang kanilang mga paa ay ipiniit sa mga pangawan.—Gaw 16:16-24.
Gayunman, noong kalagitnaan ng gabi, habang sila, sa pandinig ng iba pang mga bilanggo, ay nananalangin at pumupuri sa Diyos sa pamamagitan ng awit, isang himala ang nangyari. Dahil sa isang lindol, napatid ang mga gapos ng mga bilanggo at nabuksan ang mga pinto. Palibhasa’y alam ng tagapagbilanggo na papatawan siya ng parusang kamatayan dahil sa pagkawala ng mga bilanggong ipinagkatiwala sa kaniya, magpapakamatay na sana siya nang sumigaw si Pablo: “Huwag mong saktan ang iyong sarili, sapagkat narito kaming lahat!” Nang magkagayon, ang tagapagbilanggo at ang kaniyang sambahayan ay nakinig kina Pablo at Silas, inasikaso nila ang mga latay ng mga ito, at sila ay naging bautisadong mga mananampalataya.—Gaw 16:25-34; LARAWAN, Tomo 2, p. 749.
Kinaumagahan, marahil nang marinig nila ang makahimalang pangyayari, inutusan ng mga mahistrado ng lunsod ang tagapagbilanggo na palayain si Pablo. Ngunit mas ikinababahala ni Pablo ang pagbabangong-puri, pagtatanggol, at legal na pagtatatag ng mabuting balita kaysa sa mabilis na paglaya niya. Hindi siya papayag na siya’y palihim na palayain upang huwag lamang mapahiya ang mga mahistrado. Itinawag-pansin niya ang kaniyang pagkamamamayang Romano at ang hayagang paghampas sa kaniya at kay Silas nang hindi pa nahahatulan. Talagang hindi siya makapapayag! dapat nilang hayagang kilalanin na sila, at hindi ang mga Kristiyano, ang kumilos nang di-matuwid. Sa pagkarinig na sina Pablo at Silas ay mga Romano, ang mga mahistrado ay natakot at, matapos pumaroon sa kanila nang personal, “namanhik [ang mga ito] sa kanila,” inilabas sila, at hiniling na lisanin nila ang lunsod.—Gaw 16:35-40.
Gayunpaman, si Pablo ay nakapagtatag ng isang mahusay na kongregasyon sa Filipos, isa na laging malapít sa kaniyang puso. Ang pag-ibig nila sa kaniya ay namalas sa kanilang pagkabalisa at paglalaan para sa kaniya, kahit na noong nasa ibang lugar na siya. (Fil 4:16) Muling dinalaw ni Pablo ang Filipos noong panahon ng kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero at posibleng sa ikatlo pang pagkakataon pagkatapos siyang palayain mula sa kaniyang unang pagkabilanggo sa Roma.—Gaw 20:1, 2, 6; Fil 1:19; 2:24.
-
-
Filipos, Liham sa mga Taga-Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
FILIPOS, LIHAM SA MGA TAGA-
Isang aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na isinulat ng apostol na si Pablo para sa kongregasyon na nasa lunsod ng Filipos sa probinsiya ng Macedonia, isang kongregasyon na itinatag ni Pablo noong mga 50 C.E., sa panahon ng kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero.
Kung Kailan at Saan Isinulat. Ipinahihiwatig ng panloob na katibayan ng liham na isinulat ito noong panahon ng unang pagkakabilanggo ni Pablo sa Roma. Dito ay binanggit niya na alam ng “lahat ng Tanod ng Pretorio” ang dahilan kung bakit siya nakagapos, at nagpadala siya ng mga pagbati mula sa “mga nasa sambahayan ni Cesar.” (Fil 1:13; 4:22) Ang unang pagkakabilanggo ni Pablo sa Roma ay karaniwang ipinapalagay na naganap noong mga 59-61 C.E. May ilang pangyayari na naganap sa pagitan ng pagdating ni Pablo sa Roma at ng kaniyang desisyon na sulatan ang mga taga-Filipos. Si Epafrodito ay naglakbay mula sa Filipos, nagpagal upang tulungan si Pablo, at nagkasakit nang malubha. Ang kaniyang pagkakasakit ay nabalitaan ng mga taga-Filipos, na nasa layong mga 1,000 km (600 mi). Ngayon ay magaling na si Epafrodito, at isinusugo siya ni Pablo sa kanila dala ang liham. Kaya isinulat ang liham noong mga 60 o 61 C.E.
Mga Kalagayan at mga Dahilan Kung Bakit Isinulat. Ang kongregasyon ng Filipos ay nagpakita ng malaking pag-ibig at pagpapahalaga kay Pablo. Di-katagalan pagkatapos niyang dumalaw sa kanila, ang kongregasyon ay bukas-palad na nagpadala sa kaniya ng materyal na mga paglalaan sa panahon ng pananatili niya nang ilang linggo sa kalapit na Tesalonica. (Fil 4:15, 16) Nang maglaon, nang ang mga kapatid sa Jerusalem ay dumaan sa isang yugto ng matinding pag-uusig at mangailangan ng materyal na tulong, ang mga Kristiyano sa Filipos, bagaman sila mismo’y napakadukha at dumaranas ng malaking pagsubok ng kapighatian, ay nagpamalas pa rin ng pagiging handang mag-abuloy nang kahit higit pa sa kanilang kakayahan. Gayon na lamang ang pagpapahalaga ni Pablo sa kanilang mainam na saloobin anupat binanggit niya sila bilang isang halimbawa sa iba pang mga kongregasyon. (2Co 8:1-6) Sila rin ay lubhang aktibo at abala sa pangangaral ng mabuting balita, kaya lumilitaw na wala silang gaanong pakikipagtalastasan kay Pablo sa loob ng ilang panahon. Ngunit ngayon, dahil sa kaniyang pangangailangan habang nasa mga gapos ng bilangguan, hindi lamang sila nagpadala ng materyal na mga kaloob upang managana si Pablo kundi ipinadala rin nila ang kanilang personal na sugo na si Epafrodito, isang lalaking kapaki-pakinabang sa kanila. Ang masigasig na kapatid na ito ay lakas-loob na tumulong kay Pablo, anupat isinapanganib pa nga ang kaniyang sariling buhay. Dahil dito, lubha siyang pinapurihan ni Pablo sa kongregasyon.—Fil 2:25-30; 4:18.
Ipinahayag ni Pablo ang pagtitiwala na, kasuwato ng kanilang mga panalangin, siya’y palalayain mula sa pagkakabilanggong ito at muling makadadalaw sa kanila. (Fil 1:19; 2:24) Alam niya na ang pananatili niyang buháy ay magiging kapaki-pakinabang sa kanila, bagaman pinananabikan niya ang panahon kung kailan siya’y tatanggapin ni Kristo sa Kaniyang sarili. (Fil 1:21-25; ihambing ang Ju 14:3.) Samantala, umaasa siyang maisusugo niya si Timoteo, na tunay na magmamalasakit sa kanila nang higit sa kaninuman na maipadadala niya.—Fil 2:19-23.
Nangingibabaw sa liham ang pag-ibig. Hindi kailanman ipinagkait ni Pablo ang komendasyon kapag nauukol, ni nag-atubili man siya sa pagbibigay ng kinakailangang pagsaway, ngunit sa kasong ito ay pampatibay-loob ang kailangan. Ang kongregasyon ay may mga kalaban, ang “mga manggagawa ng pinsala,” na naghahambog salig sa mga kaugnayan sa laman at sa pagtutuli ng laman, ngunit lumilitaw na ang mga kapatid ay hindi gaanong naaapektuhan o naliligalig nito. (Fil 3:2) Kaya hindi na kailangan ni Pablo na magharap ng matinding argumento at pagsaway, gaya halimbawa ng ginawa niya sa kaniyang mga liham sa mga kongregasyon sa Galacia at Corinto. Ang tanging pahiwatig ng pagtutuwid ay ang payo niya na magkaisa sina Euodias at Sintique. Sa buong liham ay pinatibay-loob niya ang kongregasyon ng Filipos na magpatuloy sa kanilang mainam na landasin—ang pagkuha ng higit na kaunawaan at mahigpit na pagkapit sa Salita ng buhay, isang mas matibay na pananampalataya, at pag-asa sa gantimpalang darating.
-